
Imbes na Pera ang Isuhol ng Matanda sa Kaniya’y Kapirasong Papel ang Ibinigay Nito; Iyon na Kaya ang Magpapabago sa Buhay Niyang Isang Kahig, Isang Tuka?
Tahimik na nililinis ni Herbert ang sapatos ng matandang lalaking kustomer. Nagbabasa lang din ito ng dyaryo at walang pakialam sa nangyayari sa paligid.
Abala siya sa paglilinis nang maya maya ay nagtanong ito ng kung ano-ano sa kaniya at panay naman ang sagot niya habang nagpapatuloy sa pagpapakintab sa balat nitong sapatos.
Sa tindig ng matandang lalaki’y kaniyang masasabi na mayaman ito, halos kabisado na ni Herbert ang mga taong kaniyang nakakasalamuha sa araw-araw, sa tagal ba naman niyang nagpalaboy-laboy sa lansangan.
“Ilang taon ka na, hijo?” tanong nito.
“Trenta y uno na po ako, sir,” sagot niya.
Nang masagot niya ang tanong nito’y agad namang may kasunod na tanong.
“Opo, walong taon pa lang po ako, ito na ang hanapbuhay ko sir. Kapag walang nagpapalinis ng sapatos ay naglalako naman ako ng tubig sa bawat taong namamasyal riyan sa parke, at minsan kapag sinuwerte, nakakapasok ako bilang labor sa konstruksyon. Gano’n lang po ang buhay ko, basta ang mahalaga, may makain ang pamilya ko, sir,” paliwanag ni Herbert.
Dalawa ang anak niya at nasa bahay lang ang kaniyang asawa na minsan ay rumaraket bilang labandera. Mahirap lamang ang buhay nila kaya kailangan niyang kumayod kalabaw.
Wala rin siyang permanenteng trabaho, dahil wala namang kumpanyang gustong kumuha sa mangmang at hindi nakapag-aral na kagaya niya.
“Ipagpatuloy mo lang iyang ginagawa mo, hijo, pasasaan ba’t pagpapalain ka rin ng Panginoong Diyos, maniwala kang may awa ang Diyos sa mga taong kagaya mo. Basta ang mahalaga’y wala kang inaapakang tao, pagpapalain ka Niya,” anito saka tumayo dahil tapos na rin ang pagpapakintab niya sa sapatos nito. May hinugot ito sa likuran, ang pitaka nito at may iniabot sa kaniya. Sa labis na pagkadismaya ay nais niyang kwestyunin ang matandang lalaki kung nangti-trip lang ba ito.
“Pumunta ka sa address na nakasulat d’yan, hijo at doon ako magbabayad sa serbisyong ginawa mo,” anang matandang lalaki.
Gusto niyang matawa at mainis. Bente pesos lang naman ang bayad sa ginawa niya, o baka wala itong baryang dala kaya pinapapunta pa siya nito sa address na nakasulat sa kapirasong papel.
Umalis na ang matandang lalaki, pero hanggang ngayon ay nakangangang nakatitig pa rin si Herbert sa kapirasong papel na ibinigay nito.
“Ang lakas naman ng trip no’n,” aniya.
Inisip na libre na lamang niya iyon sa matandang lalaki, tutal ay mukhang mabait naman ito. Tsk! Sayang din ang benteng iyon, pandagdag na sana iyon sa pambili niya mamaya ng bigas at ulam.
Makalipas ang tatlong araw ay nagdesisyon siyang puntahan ang address na nakasulat sa kapirasong papel. Kung siya ang magdedesisyon ay hindi niya na ito papansinin, ngunit makulit ang asawa niya at pinipilit siyang puntahan ang lugar, baka sakali nga raw na bayaran siya ng matanda ng kahit isang daan, pambawi sa pamasahe.
“Mister Herbert, right?” tanong ng babaeng kahit medyo may edad na’y nakikita niya pa rin sa galaw nito ang pagiging sosyalera at sopistikada. Seksi rin ang tindig ng babae at nakakahiya kung kung itatabi siya rito.
“Opo.”
“Actually, kahapon ka pa hinihintay ni Sir Fabian, mabuti at nakarating ka na rin,” anito.
Sinamahan siya ng babae sa HR at pinasulat ng resumè, at dahil hindi nga siya marunong magsulat ay ito na mismo ang nagsulat para sa kaniya. Ang bente pesos na kaniyang inaasahan ay mas higit pa ang naging balik.
Binigyan siya ng trabaho ng kapirasong papel na iyon bilang isang taga-linis na kahit noon ay hindi niya magawang pumasa-pasa sa lahat ng inapplyan niya. Malaki ang sahod niya araw-araw, dahil ayon sa babaeng nag-asikaso sa kaniya’y si Mr. Fabian ang nag-request ng sahod na iyon.
Nang magkita sila ni Sir Fabian ay agad niya itong niyakap at mangiyak-ngiyak na nagpasalamat.
“Kumusta ka na? Ilang araw kitang hinintay,” anito.
Mangiyak-ngiyak na yumuko si Herbert at muli’y nagpasalamat. Walang paglagyan ang pasasalamat niya sa matandang lalaki dahil ito ang magiging daan upang mabago ang buhay niya.
“Hindi ko po inaasahan na higit pa sa bente pesos ang ipambabayad niyo, sir!” umiiyak na wika ni Herbert.
Matamis na ngumiti ang matandang lalaki saka inakbayan siya. “Bayad na ako sa’yo ah,” nakangiting wika ni Mr. Fabian sa kaniya.“Higit po ang ibinayad niyo sa’kin, Sir Fabian,” mangiyak-ngiyak na wika ni Herbert. “Hindi lang po pang-isang araw na kainan, kung ‘di panghabambuhay.”
Masayang ngumiti si Mr. Fabian at niyakap ang umiiyak na si Herbert.
“Sabi ko naman sa’yo noon ‘di ba… may awa ang Diyos sa mga taong labis ang pananalig sa Kaniya. Kaya huwag kang magsawang manalig sa Kaniya, Herbert. Magtiwala ka lang, gagantimpalaan ka Niya,” anito.
Umiiyak na tumango-tango si Herbert. Hindi niya lubos akalain na babaguhin ng kapirasong papel ang buhay niya at ng kaniyang buong pamilya.