Inday TrendingInday Trending
Upang Pumayat ang Matabang Anak ay Kinulong Niya Ito at Hindi Pinakain; Makatarungan ba ang Ginawa ng Ina?

Upang Pumayat ang Matabang Anak ay Kinulong Niya Ito at Hindi Pinakain; Makatarungan ba ang Ginawa ng Ina?

“Mama, palabasin niyo na po ako rito!” umiiyak na pakiusap ni Libeth. “Mainit po rito ‘ma, at nagugutom na po ako.”

Awang-awa si Jessa sa kaniyang anak, ngunit kailangan niyang tiisin ito upang magtagumpay ang planong pagpapapayat dito. Dahil sa pagmamahal niya sa anak kaya lumobo ito nang sobra-sobra, na para bang kahit sarili nitong katawan ay hindi na nito kayang dalhin.

Madalas tawaging lumba-lumba at baboy ang kaniyang anak, dahilan kaya umuuwi ito at nagsusumbong sa kaniyang umiiyak.

Napabayaan niya ang kalusugan nito. Lahat ng hingin ni Libeth ay agad niyang binibigay. Ang katwiran niya kasi’y wala namang masama dahil pagkain naman iyon at natural bilang magulang ay pakakainin niya ang kaniyang pinakamamahal na anak.

Ngunit hindi na pala tama ang ginagawa niyang hayaan na lamang ito. Mataba si Libeth, ngunit hindi ito malusog, sakitin ito at maraming komplikasyon, kaya nagdesisyon siyang gawin ang planong ito, kahit na masakit para sa kaniya.

Pinatigas niya ang mukha at hinarap ang anak na umiiyak. Titiisin niya ang isiping galit ito sa kaniya, ginagawa niya ito para sa anak. Kahit anong paraan na ang ginawa niya upang pigilan nito ang pagkain nang marami, magda-diet nang hanggang tatlong araw at sa susunod ay balik na sa dati. Hindi nito kayang disiplinahin ang sariling huwag matakam sa mga pagkain.

“Magdusa ka d’yan! Hangga’t hindi ka pumapayat ay hindi kita palalabasin d’yan,” aniya saka inabot ang isang basong tubig at pinggan na may lamang pagkain.

Kung dati ay halos isang kaldero ang nauubos nitong kanin, ngayon ay isang takal na kanin lamang at kaunting ulam ang ipinapakain niya rito.

Matapos iabot ang dala’y agad niyang tinalikuran ang anak na animo’y presong walang hinahangad kung ‘di ang makalaya sa pagkakakulong.

Lumipas ang anim na buwan at gano’n lang ang naging buhay ni Libeth. Nakakulong sa maliit na silid kung saan naroon na ang lahat ng pang-ensayong mga kagamitan, at nasanay na sa pagkaing ibinibigay ng kaniyang ina.

“Ma,” tawag niya sa inang naghatid ng pagkain sa kaniya. “Medyo pumayat-payat na po ako,” dugtong niya.

Imbes na sumagot ay tinaasan lamang siya ng kilay nito at bahagyang tiningnan.

“46 kilos na lang po ang timbang ko ‘ma, at tingnan mo medyo umimpis na ang tiyan ko, braso ko at mga legs ko,” nakangiting wika ni Libeth.

Tiningnan niya ang anak at totoong pumayat na ang pangangatawan nito. ‘Di gaya dati na lulumba-lumba ito at animo’y balyena.

Sa loob ng anim na buwan na nanatili roon ang anak, ngayon ay pinapalaya niya na ito. Alam niyang hindi na babalik sa dati ang relasyon nilang mag-ina, ngunit hindi na iyon mahalaga sa kaniya. Masaya siya ngayong nakikitang pumayat na ang katawan nito.

Sa wakas! Hindi na ito tutuksuin na balyena, baboy at damulag. Hindi na ito titingnan ng ibang tao na animo’y may sakit sa balat na dapat pandirihan. Hindi na ito tatanggihan ng dyip at traysikel, at pagbabayarin ng doble. Dahil seksi na ang katawan ng anak.

“Salamat ma,” ani Libeth at niyakap ng mahigpit ang ina. “Salamat, kung hindi dahil sa’yo baka hanggang ngayon ay lulumba-lumba pa rin ako,” mangiyak-ngiyak na wika ni Libeth.

“H-hindi ka nagagalit sa’kin, anak?” mangiyak-ngiyak niyang tanong.

Umiling si Libeth at matamis na ngumiti. “Noong unang beses na ikinulong mo ako rito, kinuwestyon ko ang sarili ko kung bakit mo ako hinahayaang manatili sa maliit na silid na ito. Nagalit ako, kasi bakit kailangan mong gawin ang bagay na ito na parang hindi mo ako anak, pero napagtanto ko na lahat ng ito’y ginawa mo lang para sa’kin,” aniya.

“Sa tuwing umiiyak ako’t nagsusumbong sa’yo, alam ko na mas nasasaktan ka kaysa sa’kin. Tuwing nasasaksihan mo ang pangungutya sa’kin ng ibang tao, alam kong nilulunok mo ang sakit na iyon at palaging pinaparamdam sa’kin na nand’yan ka at mahal na mahal ako, sapat upang hindi ko dibdibin ang mga pangungutyang natatanggap ko,” puno ng emosyong sambit ni Libeth.

Hindi na magawang magsalita ni Jessa, dahil panay na ang iyak niya sa sinabi ng anak. Hindi niya lubos akalain na naiintindihan ni Libeth ang ginawa niya.

“Kaya nagsikap akong pumayat, hindi para sa’yo kung ‘di para na rin sa’kin. Nakakasawa nang matukso ng baboy at balyena,” natatawang sambit ni Libeth.

“Maganda ka anak, kahit anuman ang sukat ng katawan mo. Maganda ka at mahal kita. Kinailangan ko lang gawin ang bagay na iyon dahil natatakot ako para sa kalusugan mo. Mahal kita, pero hindi sapat ang pagmamahal kong iyon para protektahan ka. Salamat dahil naiintindihan mo ako,” ani Jessa at niyakap ang anak.

Umiiyak na niyakap naman ni Libeth ang ina. Namiss niya ito. Ito ang isa sa dahilan kaya ginusto niyang pumayat, upang muling makasama at mayakap ang ina.

Dahil sa disiplinang natutunan ni Libeth, nadala niya iyon hanggang sa paglabas niya sa maliit na silid. Nanatili ang kaseksihang naumpisahan niya at salamat sa Diyos dahil simula noong pumayat siya at gumaan ang kaniyang timbang, wala na siyang narinig na masasakit na salita mula sa ibang tao, at ang pinakaimportante sa lahat, nawala na rin ang mga sakit at banta sa kalusugan na dati ay nagpapahirap sa kaniya.

Advertisement