Tinulungan Niya ang Babaeng Muntik nang Madukutan; May Tutulong Kaya sa Kaniya Ngayong Siya Naman ang Pinuntirya ng Kawatan?

Pasimpleng naglalakad ang lalaking nakaitim at tinabihan ang babaeng naglalakad, pasimple itong dumikit sa babaeng hindi man lang nahalata ang balak ng lalaki. Nang maglabas ito ng maliit na patalim ay agad na nanlaki ang mga mata ni Jonna, at naging alerto upang bigyang babala ang babae bago pa man ito manakawan.

“Miss, ilagay mo sa harapan ang bag mo. Mahirap na, maraming masasamang loob dito,” babala niya sa babaeng nagulat nang akbayan niya.

Nagtataka siyang nilingon ng dalaga at inayos ang nakasabit sa balikat na bag. Kinapa nito saglit ang bag at nang makumpirmang wala namang nangyaring kakaiba ay muling lumingon sa kaniya na may labis na pagtataka sa mga mata.

Ang planong pagpunit ng nakaitim na lalaki ay hindi natuloy, dahil nasa harapan na ng babae ang bag nito.

“Salamat,” anang babae.

Binitawan niya na ito kaya nagpatuloy na ito sa paglalakad. Nang tuluyang nakalayo ang babae ay naglakad na rin si Jonna na parang walang nangyari, nagpatuloy siya sa paglalakad nang mapansin ang lalaking nakaitim na mandurukot na tumabi sa kaniya.

Kinakabahang tiningala niya ang mukha nito at nais niyang maihi sa salawal nang makita ang galit sa mukha ng lalaki. Nais niyang sumigaw at humingi ng tulong ngunit naramdaman niya ang patalim nitong marahang nakatapat sa kaniyang tagiliran.

Ramdam niyang humahanap lamang ito ng tiyempo upang gawan siya ng masama. Hindi lang ito makabwelo dahil maraming tao ang naglalakad sa paligid. Nang tingnan niya ang unahan ay nakita niyang madilim na at hindi na masyadong matao. Halos lahat ng santo ay natawag niya upang hingan ng tulong.

Advertisement

Mali ba ang ginawa niya kanina na tulungan ang babaeng muntik na nitong manakawan. Ngayon niya nais na magsisi… kung hindi siya nakialam, hindi sana siya pagdidiskitahan ng lalaking ito. Nagalit ito sa pangingialam niya. Dahilan para siya naman ang punteryahin nito ngayon, malamang mamaya pagdating nila sa madilim na lugar at walang tao masyado, siya ang nanakawan nito, at kapag minalas-malas pa siya’y baka mapahamak pa siya sa kamay ng lalaki.

Umuusal siya ng mahinang panalangin nang biglang may umakbay sa kaniya.

“Babe, nakita rin kita!” anang lalaking hindi pamilyar sa kaniya.

Muntik na siyang mapasigaw nang malakas dahil sa ginawa nito.

“Kanina pa kita hinahanap, babe, mabuti at napansin kita kahit ang dami mong kasabay na naglalakad,” patuloy na kausap ng lalaking hindi niya kilala.

“B-babe?” naguguluhan niyang sambit. “Ah, oo babe, I love you, mabuti at nandito ka na. Akala ko talaga hindi mo na ako susunduin,” sakay niya.

Bahagya niyang nilingon ang lalaking nakaitim na ngayon ay bahagyang dumistansya nang makita ang lalaking ngayon ay tinatawag niyang “babe.”

“Halika! Kain tayo,” anang lalaki.

Advertisement

Patuloy nito sa drama nila at hinawakan ang kaniyang kamay na para talagang magkasintahan sila at mahal na mahal nila ang isa’t-isa.

“Sige. Gutom na rin ako,” aniya.

Sa muli niyang paglingon ay hindi na niya nakita ang lalaking nakaitim na damit. Umalis na yata ito nang makita ang lalaking lumapit sa kaniya. Nakahinga siya nang maluwag at lihim na umusal ng pasasalamat sa kung sinumang santo ang naghatid sa kaniya sa lalaking nagpanggap niyang nobyo.

“Salamat ah, utang ko sa’yo ang buhay ko. Akala ko talaga katapusan ko na,” aniya.

“Kanina ko pa napansin ang lalaking iyon, humanap lang ako ng tiyempo upang gawin ang dramang ginawa ko kanina,” anito at binitawan ang kamay niya.

Saka pa sila nagka-ilangan nang tuluyan nang nawala ang lalaking nakaitim.

“Sa susunod mag-iingat ka na. Hindi masamang tumulong sa kapwa, pero sa susunod isipin mo muna ang sarili mo bago ‘yong iba,” anang lalaki. “Tingnan mo kanina, tinulungan mo ‘yong babaeng muntik nang madukutan, pagkatapos mo siyang tulungan ikaw naman ang muntik na mapahamak.”

“Kaya nga e, pero salamat dahil dumating ka,” senserong sambit ni Jonna. “Hindi ko naman naisip na mangyayari ang bagay na iyon. Pero hindi ko na gagawin ang bagay na iyon sa susunod. Tutulong pa rin ako, pero sisiguraduhin ko nang hindi na ako malalagay ulit sa alanganin,” dugtong niya.

Advertisement

Ngumiti ang lalaki saka muling tumingin sa kaniya.

“Patrick, nga pala.” Pakilala nito sa dalaga.

“Jonna,” ganti niya.

Upang mas makampante ay sinamahan na siya ni Patrick sa paglalakad pauwi at nagkayayaan na nga silang ituloy ang pagkain sa labas na magkasama.

Salamat dahil dumating ito sa oras na pinakakailangan niya, at salamat ulit sa binata dahil hindi ito nag-atubiling tulungan siya kahit na hindi naman nito obligasyong gawin iyon sa kaniya. Salamat sa bago niyang kaibigan.