Sinuhulan ng Dalaga ang Kasera Upang Makuha Niya ang Pwesto na Patok sa mga Kustomer; Magtagumpay Kaya ang Bubuksan Niyang Negosyo?
Sakay ng magara niyang kotse ay papunta ang pamilya ni Maureen sa bagong bahay na lilipatan nilang mag-anak.
Nang mapadaan sila sa isang panig ng daan kung saan matao ay hind niya maiwasang magtaka.
Tila may isang pwesto roon na pinagkakaguluhan ng maraming kustomer.
Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan at inusisa ang isang lalaki.
“Ano hong meron diyan?”
Maagap itong sumagot.
“Ah, ‘yung karinderya po ni Aling Maring,” anito.
Nagtataka man ay hindi na siya nakapag-usisa pa. Umalis na rin kasi ang lalaki, na tila isa rin sa mga kustomer ng pinipilahang kainan.
“Ano kayang meron doon? Ang daming tao,” natatawang komento niya bago ipinagpatuloy ang pagmamaneho.
“Maganda kasi siguro ang lokasyon, anak. Kita mo na, iyon ang sentrong pwesto ng kainan na malapit sa simbahan, ospital, at paaralan,” katwiran ng kaniyang ina.
Napangiti si Maureen. Isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan.
“Ano kaya kung doon ko na lang itayo ang restawran ko? Maganda pa, kasi malapit lang sa bago nating bahay,” bulalas niya.
Natawa ang kaniyang ina.
“E paano ka makakapagtayo ng ibang negosyo sa pwesto na ‘yun, kung okupado ng iba?” takang tanong ng kaniyang ina.
Hindi na siya nagsalita, ngunit nanatili ang ngiti sa kaniyang labi. Alam na niya ang gagawin.
Matapos silang makapag-ayos ng gamit sa bago nilang bahay ay agad niyang tinungo ang may-ari ng pwestong kinatatayuan ng sikat na karinderya.
“Naku, hija. Hindi ko maaaring ibigay sa’yo ang pwesto. Nakita mo naman, may nangungupahan na roon. Dalawang dekada na rin si Aling Maring sa pwesto na ‘yan…” agarang tanggi ng kasera.
Ngunit sa sunod niyang sinabi ay nanlaki ang mata nito.
“Talaga po? Hindi niyo kayang gawan ng paraan, kahit pa triplehin ko ang bayad?” hamon niya bago iniabot ito ang makapal na sobre na naglalaman ng pera.
Agad-agad na nagbago ang tono nito.
“Sige, bukas na bukas din ay palilipatin ko si Aling Maring,” anito.
Napailing na lang si Maureen. Wala talagang sinuman ang hindi nasisilaw sa salapi.
Gaya ng pangako ng kasera ay pinaalis nito si Aling Maring. Ilang araw lang ang lumipas ay pumirma na siya ng kontrata na nagsasaad na siya na ang bagong nangungupahan sa dating pwesto ni Aling Maring.
Nang mga sumunod na araw ay naging abala na siya sa pagbubukas ng kaniyang restawran. May mga tao siyang binayaran para lang kumalat sa buong lugar ang kaniyang restawran,
Halos nakasisiguro na si Maureen na papatok sa tao ang restawran niya, at agad niyang mababawi ang kapital na ginasta niya.
Nang sa wakas ay unang araw na ng kaniyang restawran ay nakangiti siyang naghintay sa pintuan ng restawran upang salubungin ang mga kustomer.
Ngunit isang oras na ay wala pa ni isang pumapasok.
May mga napapadaan, ngunit ni wala mang sumusulyap sa bagong bukas niya na restawran.
Ngunit may iilang bulungan siyang naririnig mula sa mga dumadaan.“Hinding-hindi ko ipagpapalit ang karinderya ni Aling Maring!”
“‘Yung kay Aling Maring, mura na, malinis pa!”
Bandang ala-una na nang dumating ang kaniyang ina, kasama ang kaniyang kapatid.
“Kumusta ang negosyo, anak?” masiglang usisa nito.
Lumaylay ang balikat niya.
“Kahit isang kustomer, wala pa pong dumarating…” naghihimutok na reklamo niya sa ina.
Napailing ito bago iginala ang tingin sa elegante niyang restawran.
“Wala kang ideya kung bakit?”
Umiling siya.
“Dahil kung susuriin mo nang maigi, hindi lokasyon ang dahilan kaya tinatangkilik ang dating karinderya na nakatirik dito. Mahal ito ng tao dahil sa matagal na nitong relasyon sa mamamayan. Pero bigla-bigla mong kinuha iyon, gayong hindi ka naman nila kilala. Aba, natural lang na hindi sila matuwa…”
Hindi siya nakaimik.
“Isa pa, anak, narinig ko kung paano mo nakuha ang lugar na ito. Hindi tama ang ginawa mo. Hindi pera ang solusyon sa lahat. May mga bahay na hindi nabibili ng pera, gaya nito. Nakuha mo ang pwesto ng karinderya, ngunit hindi mo nakuha ang pwesto nito sa puso ng ibang tao,” paglilitanya ng kaniyang ina.
Napatunayan niya pang lalo na totoo ang sinabi ng kaniyang ina nang magbukas sa hindi kalayuan ang karinderya ni Aling Maring. Gaya ng dati ay tinangkilik ito ng tao, malayong-malayo sa restawran niya na parating nilalangaw sa kawalan ng kustomer.
Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang isara ang restawran kaysa patuloy siyang malugi.
Hindi man nagtagumpay si Maureen sa pagkakataong iyon ay isang mahalagang bagay ang kaniyang natutuhan: kapag mayroon kang naapakan na tao, hinding-hindi ka magtatagumpay.