Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniwala ang Nurse sa ‘Drama’ ng Isang Ginang na Nanghihingi ng Tulong Para sa Kaniyang Apo; May Napatunayan Siya sa Nang Makarating Siya sa Ospital

Hindi Naniwala ang Nurse sa ‘Drama’ ng Isang Ginang na Nanghihingi ng Tulong Para sa Kaniyang Apo; May Napatunayan Siya sa Nang Makarating Siya sa Ospital

Hindi pa man umiinit sa kaniyang kinauupuan si Nurse Evelyn sa kaniyang sinakyang de-aircon na bus nang isang ginang na nasa 50 hanggang 55 anyos ang edad ang sumampa sa sasakyan at tumayo sa harapan.

Nakasabit sa leeg nito ang isang dokumento. May nakakabit na ID sa bandang dibdib.

“Magandang gabi po sa inyong lahat…”

Ngunit bago pa siya magpatuloy ay sinansala na siya ng kundoktor.

“Hay naku misis, alam na namin ‘yan, hihingi kayo ng abuloy?” patutsada nito.

Parang napahiya naman ang ginang. Kiming nakiusap.

“Saglit lang po ito, kuya,” pakiusap nito.

“Hay naku nakakaperwisyo kayo ng mga pasahero eh, sige na, pakibilisan na lang…” tila wala na lamang magawang sabi ng kundoktor. Ipinagpatuloy nito ang paniningil ng pamasahe at pag-aabot ng tiket sa mga pasahero.

Maya-maya ay nagpatuloy na ulit ang ginang.

Alam na ni Nurse Evelyn kung ano ang pakay nito. Kahit nakasalpak sa kaniyang tenga ang earphones niya at nakikinig sa musika ay nakuha pa rin niyang marinig ang mga sinasabi ng ginang.

“Ako po si Laida Consuelo, 52 taong gulang. Gusto ko lang po sanang humingi ng tulong sa inyo. Ang akin pong apo na si Maymay, ay nakaratay ngayon sa ospital dahil sa pneumonia. Nais ko lamang pong kumatok sa inyong mga butihing puso na kung maaari pong makahingi ng tulong para sa kaniyang pagpapaospital gayundin ang mga gamot…”

Ipinakikita pa ni Aling Laida ang medical certificate at mga litrato ng apo.

Hindi alam ni Nurse Evelyn kung ilan sa mga pasahero ang naniwala, naawa, o nagbigay sa kaawa-awang ginang. Kunwari kasi ay nakapikit siya at nagtulog-tulugan. Sa totoo lamang ay hindi talaga siya naniniwala sa mga ganoon. Pakiramdam niya ay isang uri ito ng panlalamang sa kapwa.

Katwiran niya, may mas maayos at marangal na paraan para gawin iyon. Puwede niya itong ilapit sa lokal na pamahalaan o kaya naman, iba pang ahensya ng pamahalaan para sa mga usaping pangkalusugan.

Hindi na siya bago sa mga kalakaran sa lansangan.

Hindi nagbigay si Nurse Evelyn.

“Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal! Malaking tulong po ito para sa apo ko,” naiiyak na sabi ni Aling Laida bago pumara sa drayber at bumaba.

Narinig ni Nurse Evelyn ang dalawang pasahero sa bandang likuran niya.

“Nakakaawa si Nanay ‘no? Mahirap pa naman talagang magkasakit ngayon, lalo na sa mga walang pera. Sana naman gumaling yung apo niya. Mahina talaga ang puso ko sa mga ganyan, lalo na kapag nanay. Nagbibigay talaga ako.”

“Naku eh paano kung manggagantso lang pala? Eh ‘di tinolerate mo pa ang maling gawa niya?” pagkontra naman ng kasama nito.

“Bahala na siya roon. Konsensya na niya. Basta ako, malinis ang budhi ko. Gusto ko talagang makatulong,” sagot nito.

Nagkibit-balikat na lamang si Nurse Evelyn. Minabuti niyang umidlip saglit. Sa mismong terminal naman siya bumababa kaya ayos lamang kung makakatulog siya nang bahagya.

Maya-maya ay nasa terminal na ang bus. Bumaba na siya at naglakad patungo sa ospital na kaniyang pinaglilingkuran.

“Oh Nurse Evelyn, ikaw muna doon sa Room 50 ha. Wala si Nurse Joseph, manganganak na misis niya. Ikaw na muna ang bahala sa pasyente roon,” sabi sa kaniya ng head nurse.

“Copy po. Ano pong lagay ng pasyente roon?” tanong ni Nurse Evelyn.

“Batang babae, may pneumonia.”

Matapos makapag-ayos at makapaghanda ay nagtungo na si Nurse Evelyn sa silid kung saan siya nakatalaga.

Pagbukas niya ng pinto, hindi niya inaasahan ang babaeng bubungad sa kaniya.

Ito ang ginang na kani-kanina lamang ay nanghihingi ng tulong sa kanila sa bus. Naalala niya ang pangalan nito. Si Aling Laida!

Ngunit mukhang hindi siya nakilala nito. Nakangiti itong bumati sa kaniya.

“Magandang umaga ho, nurse…”

“Check ko lang ho yung bata… siya ho ba ang apo ninyo?” tanong ni Nurse Evelyn.

Hindi naman na nagtanong o nagtaka si Aling Laida kung paano nalaman ni Nurse Evelyn na apo niya ang pasyente. Lulusutan naman ito ni Nurse Evelyn kung sakali. Sasabihin niyang batay ito sa nitalang record ng bata.

Matapos ang ilang mga pagsusuri at pagpapainom ng gamot sa bata ay masayang ibinalita ni Nurse Evelyn na mukhang maayos na ang apo nito.

Mangiyak-ngiyak si Aling Laida sa magandang balita ni Nurse Evelyn.

“Salamat naman Diyos ko. May maganda na akong maibabalita sa magulang ng bata. Salamat po, nurse.”

Ngunit bago umalis ay inusisa ni Nurse Evelyn si Aling Laida kung nasaan ang mga magulang ng bata.

“Matagal na pong sumakabilang-buhay ang tatay ng bata, ang anak ko naman na nanay niya ay OFW pero hindi makauwi rito sa Pilipinas dahil sa mahigpit na amo. Ni hindi nga siya mapasuweldo pa, kaya kulang ang perang pampaospital ko. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko. Kinapalan ko na lang ang mukha kong manghingi ng tulong kung kani-kanino, kahit hindi ko na kakilala. Tinitiis ko na lang ang kahihiyan,” mangiyak-ngiyak na pagbabahagi ni Aling Laida.

May kung anong mabigat na bagay ang dumagan sa puso ni Nurse Evelyn. Tila nakonsensya siya sa mga ‘di magagandang bagay na naisip niya hinggil kay Aling Laida. Totoo palang kailangang-kailangan nito ng pera.

Paglabas niya ng kuwarto ay nagdudumali siyang nagtungo sa kaniyang locker area at kumuha ng 3,000 piso mula sa kaniyang pitaka.

Pagkaraan ay binalikan niya ang silid ng kaniyang pasyente.

“Naku Nurse, huwag na po…” nahihiyang sabi ni Aling Laida.

Ngunit pinilit ni Nurse Evelyn na mailapag sa palad nito ang iniaabot na tulong.

“Tanggapin na ho ninyo Nanay… pasensya na po kung hindi ako nagpaunlak kanina,” sabi ni Nurse Evelyn.

“H-Ho?” nagtatakang tanong ni Aling Laida.

“Huwag n’yo na lamang po akong intindihin. Ang mahalaga po, ang kapakanan ng bata. God bless po.”

Simula noon ay napagtanto ni Nurse Evelyn na hindi pala dapat husgahan ang kapwa batay sa kanilang mga ikinikilos dahil maaaring may malalim na dahilan ang mga ito. Mas mabuti na ang nakapagbigay ng tulong sa kapwa dahil tiyak na babalik din ito sa takdang panahon.

Advertisement