Tuwang-tuwa na Siya Nang Isang Ginang ang Mabudol Niya; Sinuwerte pa Siya na Makilala ang Isang Magandang Dilag

Matiim na tinitigan ni Elmer ang mga mata ng kaharap na ginang.

“Pumasok ka sa loob ng bangko at kunin mo ang lahat ng pera mo. Kailangan nating ipadala sa asawa mong may sakit,” utos niya bago ito bahagyang itinulak sa gawi ng bangko. 

Balisa siyang naghintay sa labas ng bangko, mailap ang mga mata sa gwardiya na nakabantay sa labas.

“Ano sa inyo, Ser?” maya-maya ay tila hindi nakatiis na usisa ng gwardiya.

Asiwa siyang ngumiti.

“Ah, Ser, hinihintay ko lang ang nanay ko. Nag-withdraw ng pera,” palusot niya.Tumango naman ito, mukhang kumbinsido.

“Ayaw niyong pumasok sa loob, Ser? Mainit dito sa labas,” hirit pa nito.

Umiling na lang siya bago niya itinuon ang kaniyang atensyon sa hawak niyang cellphone upang hindi na mag-usisa pa ang gwardiya.

Advertisement

Makalipas ang humigit-kumulang tatlumpung minuto ay lumabas na ang ginang na kausap niya kanina. 

Bitbit nito ang isang makapal na sobre.

Hinuli niya ang mata ng babae bago niya ito nilapitan. Sinabayan niya ang paglalakad nito. Nang makalayo na sila sa bangko ay bumaling siya sa ginang.

“Bigay mo na sa akin ang pera. Kailangang-kailangan na ng asawa mo,” aniya.Walang pag-aatubili nitong iniabot ang makapal na sobre sa kaniya.

Napangiti nang malapad si Elmer.

Pumara siya ng taxi bago isinakay ang pobreng ginang. Habang papalayo ang taxi ay maligaya niyang binibilang ang perang nakuha niya sa nabudol na ginang.

Napasuntok siya sa hangin nang mapagtanto na halos pitumpung libo ang pera na laman ng sobre.

Iyon ang araw-araw na buhay ni Elmer. Naghahanap siya ng mabibiktima na kaniyang hinihipnotismo para makakuha siya ng pera, o hindi kaya ay mahalagang gamit kagaya ng cellphone o alahas na maaari niyang ibenta.

Advertisement

Naglakad siya palapit sa motor niya na nakaparke sa hindi kalayuan. Mahaba pa ang araw, ngunit sa laki ng kinita niya ay pwedeng-pwede na siyang magpahinga.

Paalis na siya nang mapansin niya ang isang babae.

Kunot-noo itong palinga-linga habang nakakunot noo. Sa palagay niya ay may hinahanap ito na kung ano.Nang lumingon sa gawi niya ang babae ay tila saglit na tumigil ang pag-inog ng kaniyang mundo.

Napakaganda kasi nito. Ito na yata ang pinakamagandang babae na nakita niya sa tanang buhay niya.

Nagtama ang paningin nila ng dalaga, at halos mabingi siya sa lakas ng tibok ng kaniyang dibdib nang maglakad ang babae palapit sa kaniya.

Nakangiti ito, ngunit tila nahihiya.

“Kuya, baka alam niyo po kung saan ang lugar na ito?” usisa nito bago ipinakita sa kaniya ang isang papel na may laman na isang address.

Tiningnan niya ang laman ng papel. Hindi niya sigurado kung ano ang eksaktong lugar. Ngunit naisip niya na maaari naman siyang gumamit ng cellphone na magtuturo sa kaniya papunta sa lugar na patutunguhan ng dalaga.

Advertisement

Walang pag-aatubili niyang inalok ang magandang dilag na umangkas sa kaniyang motor.

“Sige, kung ok lang po. Ayaw ko rin pong maligaw,” natutuwang bulalas ng dalaga bago matimis na ngumiti.

Muli ay tila tumigil ang pag-inog ng mundo niya.

Habang nagmamaneho ay halos hindi siya humihinga. Kinakabahan pa rin kasi siya dahil sa kawalan ng distanya sa pagitan nila ng magandang babae.

Tuloy-tuloy siyang nagmaneho habang sinusunod ang boses mula sa kaniyang cellphone.

Nang sa wakas ay makarating sila sa paroroonan ng babae, ikinagulat niya nang makita na isang presinto pala iyon!

Kunot-noong nilingon niya ang dalaga.

“Sa presinto ka pala pupun–”

Advertisement

Bago pa niya matapos ang sasabihin ay naposasan na siya ng babae.

“Sa wakas, nahuli rin kita!” malakas na bulalas nito.

Natatauhan na minasdan niya ang mukha ng dalaga, na isa palang pulis.

Malayong-malayo ito sa mahinhin na dalaga na nakita niya kanina.

“Napakarami mo nang kasalanan. Mabuti na lang at nasaksihan ko ang ginawa mo sa babae sa bangko, kaya may kongkreto na akong ebidensya. Wala ka nang kawala,” nakangising wika ng babae.

Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod sa dalaga papasok sa presinto.

Sari-saring komento ang narinig niya, karamihan ay pinupuri ang babaeng pulis na nakahuli sa kaniya.

Ngunit may isang komento ang pinakatumatak sa isip niya.

Advertisement

“Ayun, nabudol ang mambubudol. Wala talagang kasamaan na hindi pagbabayaran!” 

Habang nagmumuni-muni siya sa kaniyang selda ay napag-isipan niya ang kaniyang pagkakamali.

Dahil sa panloloko niya sa iba ay naloko rin siya, na siyang dahilan kung bakit siya nakakulong ngayon.

Tunay nga na sa bawat kasalanan ay may naghihintay na kaparusahan.