Inday TrendingInday Trending
Kinukuhanan Niya ng Larawan ang Sarili Upang Kumita ng Pera sa Social Media; Nanigas Siya nang Mahuli ng Sariling Ina

Kinukuhanan Niya ng Larawan ang Sarili Upang Kumita ng Pera sa Social Media; Nanigas Siya nang Mahuli ng Sariling Ina

Simula nang mahumaling ang dalagang si Claire sa social media, palagi na niyang hinahangad na siya’y sumikat at magkaroon ng maraming tagahanga roon. Ginagawa niya ang lahat upang makaagaw pansin at makapagtamo ng sandamakmak na likes at mga komento.

May mga pagkakataon na binibidyuhan niya kung anong ginagawa niya sa isang araw, kung anong ulam ang niluluto ng kaniyang ina o kung saan man siya magpunta.

Paminsan din ay pino-post niya ang kaniyang mga litrato simula noong bata siya hanggang ngayon para lamang ipakalandakan kung gaano siya kaganda noon pa man.

Kaya lang, kahit anong gawin niya, hindi umaangat sa isang daang likes ang natatamo niya sa bawat post niya dahilan para siya’y maghanap ng paraan kung paano ito mapapalago.

Dito na niya nakilala ang dalagang si Mae na mayroong libo-libong tagahanga sa social media at dahil nga sa online lamang sila nagkakilala, hiniling niya na sila’y magkita nito upang malaman niya ang sikreto nito.

Laking tuwa niya naman nang ito’y agad na pumayag at ito pa ang dumayo sa lungsod na tinitirhan niya.

“Ano ba kasing sikreto mo, Mae? Paano ka nagkaroon ng sandamakmak na mga tagahanga?” agad niyang tanong dito nang sila’y magkita na.

“Hindi mo ba sinuri ang social media account ko?” tanong nito.

“Hindi, eh, nang makita kong marami kang tagahanga, agad na kitang pinagdalhan ng mensahe dahil gusto ko maging katulad mo!” masigla niyang tugon.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” paninigurado nito.

“Oo naman! Matagal ko nang gustong sumikat sa social media!” sabi niya pa kaga agad na kinuha ng dalaga ang selpon at pinakita sa kaniya ang isang litrato ng babaeng halos h*bo’t hub@d na, “I-ikaw ‘yan?” hindi niya makapaniwalang tanong.

“Oo, nagpapakita talaga ako ng balat para dumami ang mga followers ko. Talamak sa mga lalaki ang mga ganitong uri ng litrato! Hindi lang basta dadami ang mga tagahanga mo, Claire, maaari ka pang kumita ng pera!” wika nito na talagang ikinalaki ng mga mata niya.

“Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” tanong niya pa.

“Oo! Nakabili na nga ako ng bahay at lupa dahil lang sa mga litrato kong ito! Subukan mo rin! Tiyak mas marami ang hahanga sa’yo dahil makinis ang balat mo, malusog ang hinaharap mo at maganda pa ang mukha mo! Hindi ka naman nila magagalaw, eh, kaya huwag ka nang magdalawang-isip pa!” kwento pa nito dahilan para siya’y labis na mahumaling sa ganoong klaseng gawain.

Sinunod niya nga ang payo ng dalagang iyon at siya’y nagsimulang maglagay ng mga seksing larawan sa kaniyang social media accounts. Hindi naman siya nabigo dahil isang araw lang ang lumipas, halos dumoble na ang kaniyang mga tagahanga na talagang ikinatuwa niya! Pinagpatuloy niya ang gawaing iyon hanggang sa makatanggap na nga siya ng pera dahil sa ginagawa niyang iyon.

Lingid man ito sa kaalaman ng kaniyang ina na tiyak ay magagalit sa ginagawa niya, hindi siya nagpaalintana rito dahil bukod sa napapasaya siya nito, nagkakaroon pa siya ng pera kahit hindi humingi sa kaniyang magulang.

Kaya lang, isang araw, habang kinukuhanan niya ng litrato ang katawan niyang nakasuot lamang ng panloob na damit, bigla namang bumukas ang pintuan ng kaniyang kwarto dahilan para siya’y mabisto ng kaniyang ina!

“Anong ginagawa mo, Claire?” galit na tanong nito, “A-akala ko, sinisiraan ka lang sa akin ng mga kumare ko pero totoo palang naglalagay ka ng mga hub*d na larawan sa social media!” sigaw nito saka siya agad na sinabunutan.

“Mama! Wala namang masama sa ginagawa ko, eh! Kumikita ako ng pera rito, mama!” pangangatwiran niya pa habang pilit na tinatanggal ang kamay ng ina sa kaniyang buhok.

“Anong gagawin mo sa pera kung hindi ka na mabigyan ng respeto ng iba dahil sa pambababoy mo sa katawan mo, ha! Kaya pala sobra kung makatingin sa’yo ang mga tambay d’yan sa kanto natin dahil nakita na nila halos ang buong katawan mo!” mangiyakngiyak na nitong sabi na talagang nagbigay kirot sa puso niya.

Habang hinihintay niyang matapos umiyak ang ina, tiningnan niya ang ilan sa mga komentong natamo ng mga hub*d niyang larawan at doon niya lang napagtantong tama nga ang kaniyang ina, binababoy na pala siya ng mga kalalakihang nakakakita nito.

Sa sobrang kahihiyan niya, agad niyang binihisan ang sarili at dali-dali niya ring binura ang sandamakmak niyang hub*d na larawan saka niya niyakap nang mahigpit ang kaniyang ina. Tahimik siyang umiyak sa dibdib nito habang humihingi ng tawad.

“Hindi mo naman kailangan ng maraming tagahanga at pera, anak, dahil lilipas din ang mga iyon. Ang kailangan mo, respeto at pagmamahal na tiyak, madadala mo hanggang sa pagtanda mo,” pangaral pa nito na lalo niyang ikinaiyak.

Doon na nga natuldukan ang pagkahumaling niya sa social media. Siya rin ay nagpakalayo-layo muna sa kanilang lugar kung saan siya pinagpipiyestahan upang muling makapagsimula kasama ang kaniyang ina.

Sa ganoong paraan, nagkaroon siya muli ng lakas ng loob na mag-aral na hindi kalaunan ay napagtagumpayan niyang tapusin at naging daan upang siya’y kumita ng pera sa tamang paraan.

Advertisement