Papa, Mayaman Ba Tayo?

Malaki ang paghanga ni Luis sa kanyang amang si Mike. Ang kanyang tatay ang numero unong iniidolo ni Luis.

Dahil yumao na ang ina ni Luis, tanging si Mang Mike nalang ang nag – aaruga sa bata, kaya labis ang paghanga ng bata sa ama.

Isang umaga, nag punta ng kusina si Luis upang kumain ng umagahan. Pagdating niya sa kusina, ang nakita niya ay kanin lamang pero walang ulam.

Agad siyang tumakbo sa Papa niya na nag hahabi ng benibentang pisi.

“Papa!” tawag ni Luis sa ama.

Lumapit ang bata sa Papa niya. “Papa, pwede bang magtanong?”

“Sige lang anak, ano iyon?”

“Papa, mayaman ba tayo?” inosenteng tanong ng bata.

Advertisement

“Oo naman anak, mayaman tayo,” sagot ni Mang Mike.

“Pero Papa, kung mayaman po tayo bakit wala po tayong ulam?”

Tumayo si Mang Mike at sinamahan si Luis sa kusina. Kumuha ng plato, sumandok ng kanin. Kasabay tinimplahan ng mantika at toyo.

“Ayan anak, may adobo na tayo!” masayang saad ng ama sa anak.

Hindi na nagtanong si Luis at maganang kumain nalang ng adobong gawa ng ama.

Isang araw nagmamadaling umuwi ang bata galing paaralan.

“Papa!” sigaw ng bata.

“O anak, bakit?”

Advertisement

“Papa, ang sabi ng mga kaklase ko hindi tayo mayaman. Kasi hindi daw maganda ang bahay natin.”

Ngumiti lang si Mang Mike. Tumayo at sinamahan ang anak sa loob ng bahay.

“Anak, mayaman tayo. Tingnan mo nga may bahay tayo.” pagmamalaki ng ama kay Luis.

Sa tuwing tinatanong ni Luis ang Papa niya kung mayaman sila, laging oo ang nagiging sagot nito.

Pero noong tumungtong na siya ng sekondarya nagbago na lahat ng pagtingin niya sa Papa niya.

“Papa, mayaman ba tayo?! Sumagot ka!” sigaw ng anak na naggagalaiti sa galit sa ama.

“Oo anak, mayaman tayo.” tipid na sagot ni Mang Luis.

Mas lalo lang nabwisit ang lango sa alak na anak. “Lintek naman Papa! Matanda na ako kaya hindi mo mabibilog ang ulo ko! Hindi tayo mayaman! Ni hindi mo nga ako mapapag-aral ng kolehiyo e!” sumbat niya sa ama.

Advertisement

“Balang araw anak, maiintindihan mo rin kung bakit ko sinasabing mayaman tayo,” saad ni Mang Mike sa anak.

“Tama na Papa! Tumigil ka na! Simula ngayon hindi ako titigil hangga’t hindi ko naipapamukha sa iyo ang totong yaman. Ang tunay na mayaman, Pa!”

Simula noon umalis ng bahay ang binata. Dahil sa galit niya sa ama niya, nagawa niyang iwan ito. Pakiramdam niya puro kasinungalingan lang lahat ng sinabi nito sa kanya.

Nakipagsapalaran siya at nag aplay ng trabaho. Pero pareho-pareho lang ang sinasabi sa kanya, “Okay, tatawagan ka nalang po namin.”

“Thank you. Antayin niyo nalang po ang tawag ng HR Department namin.”

Halos mawalan na ng pag-asa si Luis. Pero dahil sa mas malalim na pinaghuhugutan, hindi siya sumuko at naghanap pa rin ng trabaho.

Sa tuwing makikita niya ang Tatay niya na araw-araw naghahabi ng pisi, mas lalo siyang nagiging desidido upang masupalpal ito sa walang kwentang paniniwala nito, tungkol sa buhay.

Nag antay pa siya ng isang buwan, bago tuluyang natanggap sa isang trabaho. Nagsikap siya ng sobra hanggang sa nag sunod-sunod ang pagtaas ng kanyang position.

Advertisement

“Congrats Luis! Sa wakas nagbunga na lahat ng sipag at tiyaga mo.”

“Ayos! Branch manager ka na!”

“Masayang -masaya ako para sa iyo, mahal.” masayang bati sa kanya ng girlfriend niyang si Nikka.

“Salamat sa inyong lahat. Lalong-lalo na sa iyo mahal, hindi ko magagawa lahat ng ito kung wala ka sa tabi ko.”

“Mahal, hindi lang ito dahil sa amin na mga nakasama mo sa trabaho. Dahil rin ito sa Papa mo. Alam kong isa siya sa mga dahilan kung bakit ka nag pursigi upang maabot lahat ng ito. Alam kong nag-aalala ka parin sa kanya. Kahit na binibigyan mo siya ng suporta. sa tingin ko, oras na para makasama mo na siya.”

Batid ni Luis na tama ang sinasabi ni Nikka. Matagal na silang hindi nagkikita ng Papa niya.

Sapat na sa kanyang nakapagbibigay siya ng perang pang suporta dito, at perang pambayad sa nag-aalaga sa Papa niya.

Pero hindi niya maitangging isa nga ang Papa niya sa mga dahilan, kung bakit siya nagsikap upang magtagumpay. Kaya kahit may galit siya sa Papa niya, nag desisyon siyang bisitahin na ito.

Advertisement

Gaya ng dati, naabutan niyang naghahabi pa rin ng pisi ang papa niya.

“Papa…” Lumingon sa kanya ang matanda, na inaaninag pa kung sino ang bisita.

“Papa… ako ito si Luis.”

“Luis? Anak? Ikaw na ba yan?” nangangapa ang kaawa-awang matanda.

“Papa nandito ako.”

“Nasaan anak? Nasaan ka?” humihikbi na ang Papa niya.

Hindi makapaniwala si Luis sa nakikita. Bulag na ang Papa niya. Awang-awa siya sa sinapit ng matanda.

Agad niyang isinama ito papunta sa kanila, at ipinatingin sa doktor.

Advertisement

“Papa, simula ngayon dito ka na sa amin titira. Kasama ko si Nikka, ang aking mapapangasawa. Huwag kang mag alala Papa, mayaman na tayo ngayon. Magandang bahay na ito.” pagmamalaki ni Luis sa ama.

“Matagal na tayong mayaman anak hindi ba?” sagot ng Papa niya sa kanya.

Napantig ang tenga ni Luis sa narinig. Hanggang ngayon naiinis pa rin siya sa tuwing sasabihin iyon ng Papa niya. Paalis na sana siya upang talikuran ang ama pero nagsalita ito.

“Anak, lagi mong tandaan na ang yaman ng tao hindi lang nakikita sa pera at karangyaan. Ang totoong yaman ng tao ay nasa sarili, nasa puso at pagmamahal na ating ibinabahagi sa iba. Mayaman tayo anak dahil hindi tayo sumuko. Mayaman, dahil nagsikap ka at nag tiyaga upang magtagumpay. Ipinagmamalaki kita.”

Doon lang napagtanto ni Luis na mali ang pagkakaintindi niya sa Papa niya. Hiyang-hiya siya sa sarili niya. Umiyak siya at humingi ng tawad sa kanyang ama.

“Papa, patawarin mo ako sa mga naging kasalanan ko sayo…” madamdaming paghingi ng patawad ni Luis.

“Wala iyon anak, naiintindihan kita.”

Simula noon nanumbalik ang dating magandang samahan ng mag – ama. Napagtanto ni Luis na hanggang ngayon ang Papa niya pa rin ang numero unong idolo niya.