Sa Bawat Pag-angat Mo, Nanliliit Ako

Hindi mag kumahog si Helen sa pagbibilang ng natitirang pera nila. Kahit anong gawin niya hindi pa rin ito sapat sa mga bayarin nila. Hindi naghuhusto sa mga gastusin nila ang kita sa pamamasada ni Ivan at kita niya sa pag tatrabaho sa isang kainan .

“Ivan anong gagawin natin? Kulang ang perang ‘to pambayad sa lahat ng bayarin. Aba’y kuryente lang ang mababayaran natin dito!”

“Eh ano pa ba? Pwede naman tayong pansamantalang humiram muna sa lending.”

“Anong klaseng sagot yan? Kaya nga tayo kapos lagi, dahil sa lintek na lending na yan! Ang dami na nating utang!”

“Helen, huwag ka namang sumigaw. Kaunting tiis nalang, makakaahon din tayo sa hirap. Pwede naman akong manghiram muna kay Ate, kahit magkano lang.”

“Manghiram?! Lagi nalang tayong nanghihiram Ivan! Hiyang-hiya na ako sa Ate mo. Ang dami na nating nautang sa kanila!”

“Helen bakit ka ba nagagalit?! Ginagawa ko namang lahat ng makakaya ko! Pasensya na kong hindi sumasapat ang kinikita ko.”

“Mas mabuti nalang siguro na mag abroad ako. Naghahanap ng kapalit ang employer ni Mareng Jocelyn sa Saudi.”

Advertisement

“Hindi ka aalis! Huwag mo akong pilitin dahil hindi ako papayag na iiwan ko kami ng mga bata!” sigaw ni Ivan sa asawa, bago tuluyang umalis.

Hating gabi na ng umuwi ito at lango pa sa alak.

“Ano ka ba naman Ivan? Wala na nga tayong pera nakuha mo pang uminom. Kahit kailan talaga wala kang kwenta!”

Napahagulgol sa iyak si Helen. Pagod na pagod na siya sa hirap ng buhay nila. Gustong gusto na niyang umasenso!

Kinabukasan maaga siyang umalis para kausapin ang kumare niyang si Jocelyn. Buo na ang desisyon niya, aalis siya ng bansa at doon susubukan niyang iahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

“Mareng Jocelyn!” tawag niya sa kumare.

“Mare napadalaw ka. Anong sadya mo?”

“Nabalitaan ko kasi na naghahanap ka ng kapalit sa dating trabaho mo sa Saudi. Nag babakasakali lang ako kung pwede ako.”

Advertisement

“Ano ka ba naman Helen, syempre pwedeng-pwede ka doon! Isa pa, mabait ang employer ko. Kaya sigurado akong hindi ka mahihirapan.”

“Ganoon ba? Kung ganyan naman pala ang sitwasyon doon, tiyak papayagan na akong umalis ni Ivan.”

“Oo sabihin mo sa asawa mo, malaking tulong ito sa pamilya mo. Tingnan mo ako, tatlong taon lang ako doon pero nakaipon kaming mag asawa.”

Dahil sa sinabi ni Jocelyn mas lalong na engganyo si Helen na umalis ng bansa. Palihim siyang nag asikaso ng papeles upang matuloy ang pangarap na pag a-abroad.

Matapos ang isang buwan, nakuha na niya lahat ng mga kakailanganin niya. Na-aprubahan na rin ang kanyang VISA paalis ng bansa. Kailangan na niyang sabihin sa asawa ang kanyang nalalapit na pag – alis.

Isang gabi binalak niyang aminin lahat sa asawa.

“Ivan… may sasabihin sana ako sayo.”

Hindi sumasagot sa kanya si Ivan. Nagpatuloy lang ito sa pagtungga niya ng alak.

Advertisement

“Ivan mag usap muna tayo. Please. Importante ang sasabihin ko.” desperadang pakiusap ni Helen sa asawa.

Pero walang reaksyon ito at patuloy lang sa pag inom ng alak.

“Ivan kausapin mo naman ako!”

“Kung sasabihin mo sa akin ang tungkol sa pag-alis mo… pwes alam ko na. Alam ko na lahat.” paputol-putol na sagot nito.

Hindi alam ni Helen kung paano ito nalaman ng asawa niya, pero buo na ang desisyon niya aalis na siya ng bansa.

Isang Linggo pa ang lumipas at tuluyan nang nakaalis ng bansa si Helen. Mahirap sa kanyang iwan ang pamilya pero ito lang naiisip niyang paraan.

Matapos ang tatlong taon nagbunga ang pagsisikap ni Helen para sa pamilya. Buwan-buwan kung magpadala siya. Nabayaran nila lahat ng utang nila at naipaayos ang bahay nila.

Masayang masaya si Helen dahil sa wakas makakauwi na siya sa Pilipinas at makakasama na niya ang pamilya niya.

Advertisement

Pero taliwas sa inaasahan niya, iba pala ang madadatnan niya. Pagdating niya ng airport, walang kahit sinong sumalubong sa kanya.

Pagdating niya ng bahay naabutan niyang kakarating lang ng asawa niyang si Ivan. Kasama ang kanilang anak na babae.

“Ivan…… Kyline……” tawag niya sa dalawa.

“Mama!” masayang sumalubong sa kanya ang bata.

Sa wakas natumbasan na ang matagal ng pangungulila niya sa anak.

“Ivan…..” tawag niya sa asawa niya.

Pero umalis lang ito, at parang hindi siya narinig.

Pagpasok niya ng bahay, laking gulat niya ng may makitang mga damit ng babae sa mismong kama nilang mag – asawa.

Advertisement

Alam na niya ang reyalidad, may babae ang asawa niya.

Magdamag niyang hinitay si Ivan. Dahil gusto niyang kausapin ito. Hanggang sa dumating na ito sa bahay nila na lango na naman sa alak.

“Ivan mag usap tayo! Kausapin mo ako!”

“Ay… nandito na pala ang asawa ko.” tila ba walang kasabikan sa tono ng boses ng lalaki.

“Ivan, ayusin na natin ang pamilyang ‘to. Ayusin na natin ang relasyon nating dalawa. Okay na ang lahat. Nakabayad na tayo sa mga utang natin. May bahay na tayo. May pera na ako pang negosyo. Mabibigyan na natin ng magandang kinabukasan si Kyline. Ivan….”

“Akala mo ba ganun lang kadaling magsimula ulit?! Hindi mo naiintindihan Helen! Ikaw yung umalis… Ikaw yung sumira ng pamilyang ito!”

“Umalis ako para sa inyo! Para sa atin!”

“Lagi mo namang sinasabi na umalis ka para sa amin, na umalis ka dahil mahal mo kami. Pero hindi, Helen! Umalis ka para tuparin ang mga pangarap mo! Para maipagmalaki mo ang sarili mo. Hindi mo alam kung anong nararamdaman ko habang ikaw tuloy-tuloy ang pag asenso mo! Pakiramdam ko wala na akong kwenta. Wala na akong halaga!”

Advertisement

Napahagulgol si Helen sa iyak nang marinig ang sinabi ng asawa. Hindi siya makapaniwalang ganoon kababaw ang pagtingin ng asawa niya sa mga sakripisyong ginawa niya.

“Hindi niyo alam kung ano ang pinagdaanan ko sa Saudi Ivan! Hindi niyo alam lahat ng hirap na piangdaanan ko doon! Hindi niyo alam na walang employer na sumundo sa akin sa airport. Hindi niyo alam na nagpalaboy-laboy ako sa kalye. Hindi niyo alam na namalimos ako. Hirap na hirap na ako pero hindi ako sumuko. Hindi ko sinabi sa inyo lahat dahil ayokong mag alala kayo! Ganoon ko kayo kamahal!”

Doon natauhan si Ivan sa sinabi ng asawa. Napagtanto niya ang kanyang kamalian. Naging makasarili siya at hindi niya inisip ang mga sakripisyo ni Helen.

“Halos ikasawi ko ang paglisan dito. Miss na miss ko kayo, pero kailangan kong tiisin dahil nais ko ang magandang buhay para sa aitng lahat. Masama ba iyon? Masama bang mangarap ng mataas para sa pamilya?” lumuluhang pahayag ni Helen.

Lumuhod naman si Ivan sa harapan niya habang lumuluha. “Patawad, Helen. Siguro ay hindi lang ako ang makatanggap sa sarili ko na wala akong nagawa para sa pamilyang ito. Wala kang kasalanan…”

Hinawakan ni Helen ang dalawang pisngi ng asawa at saka pinahiran ang luha.

“Hindi pa huli ang lahat… Magsimula tayo ng bago. Patawad din sa nagawa kong pag-alis, pero magmula ngayon, nandito na ako. Magkasama na tayong haharap sa problema,” nakangiti ngunit patuloy sa pagbuhos ang luha ng babae.

Nagbukas sila ng maliit na negosyo bilang panimula ng kanilang bagong buhay. Nagbago si Ivan at binawi naman ni Helen lahat ng taon ng hindi niya nakasama ang pamilya. Sa ngayon, ay buo at masayang nagsasama na ang kanilang pamilya.