Ang Tunay na Sukatan ng Pagiging Makatao

Isang magaling na doktor ang ama ni Hazel Bernardino. Sa katunayan, mayroon na itong mataas na posisyon sa ospital na matagal na nitong pinagtatrabahuhan.

Kung mayroon man itong sa tingin niya ay kapintasan, ito ay ang hindi nito pakikinig sa paliwanag ng mga nasa paligid nito. Kung ano ang dapat, yun ang masusunod.

Naalala niya ang araw na masaksihan niya kung paano nito ipinahiya ang kapwa nito doktor.

“Ano ka ba naman! Hindi ba’t ikaw ang naka-destinong doktor na magmo-monitor sa pasyenteng nasa room 615? Paanong nakalimutan mong sabihan na kailangan muna nila magbayad sa cashier bago natin tuluy-tuluyin ang paggamit sa sakit ng pasyente?” Bulyaw nito sa isang mas nakababatang doktor.

“Pasensiya na po talaga, Dok, diretsong dalawampu’t isang oras na po kasi akong naka-duty kaya pagod na pagod ako. Hindi na po mauulit, Dok,” nakayukong paliwanag ng nakababatang doktor.

“Aba, dapat lang! Gawin mo nang maayos ang trabaho mo!” Galit pa din nitong wika sa kawawang doktor na tila babagsak na ang katawan sa pagod.

Hindi ito tumatanggap ng rason. Basta sinabi nito, yun ang dapat masusunod, walang ibang dahilan ang makapagpapabago sa isip nito.

Sa emergency room, araw ng Biyernes. Nakatanggap sila ng tawag na sa loob ng 5 minuto ay dadating ang limang pasyente na nagmula sa aksidenteng banggaan ng bus at jeep. Si Doktor Bernardino ay nasa operating room nang mga sandaling iyon.

Advertisement

Sa kasamaang palad, apat na operating room lamang ang bakante kung kaya’t isa sa lima ay kailangan dalhin sa ibang ospital.

Tumunog ang telepono sa loob ng operating room. Sinagot ito ng isa sa mga nurse sa loob at itinapat sa tainga ni Doktor Bernardino na tuloy pa din ang mga kamay sa pag-oopera.

“Di ba sinabi ko na hindi ako pwedeng istorbohin maliban na lang kung matter of life and death?” Galit na bungad ng magaling na doktor sa tumawag.

“Dok, mahalaga po ito. Apat na operation room lang and available at lima po ang pasyente na kailangan ng operasyon,” sabi ng nasa kabilang linya.

“Anong ginagawa natin kapag ganyan? Ano ang dapat i-konsidera?” Naiinis na tanong ng doktor na nag-oopera.

“Syempre po kung sino ang pinaka-kritikal, yun po ang prayoridad natin, pero po—“ hindi na nakatapos pa ng sasabihin ang doktor dahil nagsalita na si Dr. Bernardino.

“E alam mo naman pala, bakit mo pa ako inaabala para sa tanong na malinaw na malinaw naman pala ang sagot? Kaya nga meron tayong mga alituntunin eh, para may gabay tayo sa pagdedesisyon. Ilipat mo na sa ibang ospital ang ikalimang pasyente bago mo pa ilagay ang buhay niya sa panganib,” dire-diretsong sabi ng doktor bago ibinaba ang tawag.

Muling nag-ring ang telepono pero sinabi ng doktor na wag nang sagutin ang tawag kaya naman nagpatuloy sila sa operasyon. Matapos ang anim na oras, lumabas ang mga tumulong sa operasyon at ang doktor na may ngiti sa kanilang mga labi dahil isang buhay na naman ang naisalba nila.

Advertisement

Ang doktor na napagod sa halos kalahating araw na operasyon ay dumiretso sa kanyang opisina. Nabigla siya sa dami ng tawag na hindi niya nasagot at mga mensahe na hindi niya nabasa.

Agad niyang tinawagan ang asawa na may pinakamaraming tawag sa kanya. Kinabahan siya ng marinig ang nanginginig na boses ng asawa.

“Ang anak natin…” Yun lang ang narinig niyang sabi ng asawa.

“Ano? A-anong nangyari kay Hazel?” Kinakabahang tanong niya sa asawa.

“Isa siya sa mga pasyenteng sinugod diyan! Kulang daw ang operating room kaya inilipat siya sa Sta. Rita Hospital. Kritikal ang lagay ng anak natin.” Umiiyak na sinabi ng asawa.

Agad agad siyang lumabas ng opisina. Nang makasalubong niya ang doktor na nakausap sa telepono habang nasa gitna siya ng operasyon, tila nahuhulaan na nito na alam na niya ang dahilan ng pagtawag nito kanina.

Sa kauna unahang pagkakataon, tipid na nginitian ni Doktor Bernardino ang mas nakababatang doktor upang ipaabot dito ang munting pasasalamat sa pagsubok nitong ipaalam sa kanya ang kalagayan ng nag-iisang anak.

Nagsisisi siya na hindi niya pinakinggan ang sinabi nito.

Advertisement

Nang makarating sa hospital ay nakita niyang ang umiiyak ang asawa. Kinakabahan man ay lumapit pa din siya para tapikin ito sa balikat.

Yumakap sa kanya ang asawa.

Saktong lumabas ang doktor mula sa operating room. Pagod ngunit bakas ang saya sa mukha nito.

“Doktor Bernardino!” Tila nagulat pa ang doktor nang makita siya.

“Kamag-anak mo ba ang dalagang inoperahan ko?” Usisa ng doktor.

“Anak ko si Hazel, Doktor Cervantes, kumusta na ba siya?” tanong ng ama ni Hazel.

“Maayos na ang lagay niya, mabuti na lamang at tinawagan ako ng anak ko, na isa ding doktor sa ospital niyo, upang mabigyan ko ng karampatang lunas ang pasyente,” paliwanag ng butihing doktor.

Nakahinga naman ng maluwag ang mag-asawa.

Advertisement

“Si Doktor Maria Cervantes ba ang sinasabi mong anak?” Gulat na tukoy ni Doktor Bernardino sa katrabaho na madalas niyang kagalitan.

“Oo,” nakangiting sagot ng doktor.

Hiyang hiya naman si Doktor Bernardino sa mas nakababatang doktor na katrabaho niya. Sa kabila ng hindi magandang pakikitungo niya dito, siniguro nito na magiging ligtas ang nag-iisa niyang anak.

Sisiguraduhin niya na makakahingi siya ng dispensa dito, at makakapagpasalamat na din. Nakikinita niya na na magiging isang magaling na doktor ito balang araw. Nasisiguro niya na mas mahihigitan nito ang galing niya.

Hindi man maganda ang nangyari sa anak niya, mayroon namang ipinaalala sa kanya ang buhay – hindi laging isip ang pinapairal. Kung minsan ay mas mahalaga na pairalin ang puso.