
Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ama dahil Palagi na lang Itong Humihingi sa Kaniya ng Pera; Magsisisi Siya Kapag Nalaman Niya ang Dahilan
“Anak…” Napalingon si Angela sa ama nang dumungaw ito sa nakabukas na pintuan ng kaniyang kwarto.
“O, papa, bakit po?” tanong naman niya rito sa pagitan ng pagtatanggal niya ng sapatos. Kauuwi lang kasi niya galing sa trabaho.
“Anak, sumahod ka na ba? Manghihingi sana ako ng pera. Wala na kasi akong pambili ng gamot na pang-maintenance ko, e,” sagot naman ng kaniyang ama na halatang nahihiya pang magsabi sa kaniya.
“Ho? Hindi ba at sagot naman ni kuya ang pang-maintenance n’yo ni mama?” takang tanong naman ni Angela sa ama.
“E, na-short ang kuya mo, anak, e. Alam mo namang kapapanganak lang ng asawa niya,” kakamot-kamot sa ulong katuwiran naman ng kaniyang ama na nagpatango naman kay Angela.
“Ganoon po ba? Sige po. Tamang-tama dahil kasasahod ko lang,” saad naman ni Angela na agad namang dumukot sa kaniyang pitaka ng limang libo upang ibigay sa kaniyang ama.
“Sobra-sobra naman ito, anak, salamat!”
Nginitian lang ni Angela ang ama bilang tugon bago niya isinara ang pintuan ng kaniyang kuwarto upang ipagpatuloy ang kaniyang pagbibihis.
Simula noon ay halos buwan-buwan nang nanghihingi sa kaniya ng pang-maintenance ang kaniyang ama, dahil anito ay hindi na halos makasuporta ang kaniyang kuya mula nang ito ay magkaanak. Dahil doon ay nalipat tuloy ang kargo sa balikat ni Angela, samantalang alam naman ng mga magulang niya na ’di hamak na mas maliit ang kinikita niya kaysa sa kuya niyang nagtatrabaho bilang isang engineer.
Ganoon pa man ay hindi na nagreklamo pa si Angela. Patuloy siyang sumuporta sa mga magulang niya sa loob ng ilang taon, kahit pa minsan ay labag sa loob niya ang pagbibigay sa mga ito. Pakiramdam niya ay ‘obligado’ siyang magbigay dahil mga magulang niya ang mga ito, at hindi dahil mahal niya sila at hindi niya gustong maging malala ang dinaramdam nilang sakit.
Nadagdagan pa ang galit na unti-unting namumuo sa puso niya para sa ama nang makitang matapos niya itong bigyan ng ‘allowance’ para sa maintenance nito ay nagawa pa nitong makipag-inuman sa mga kaibigan nito! Iyon ang ikinapuno ng damdamin ni Angela na hindi na niya napigilan pang sumabog.
“Papa, ano ho ’yang ginagawa n’yo?! Nanghihingi kayo sa akin ng pang-maintenance tapos ay makikipag-inuman kayo?!” galit na aniya sa ama na agad namang tumayo sa inuman at inaya siyang mag-usap sila sa loob.
“Pasensiya ka na, anak. Niyaya lang talaga ako ng ninong mo dahil ngayon lang siya umuwi galing sa abroad, e. Balak ko naman talagang tumakas doon pagkatapos ng ilang shot,” sagot naman nito sa kaniya, ngunit hindi pa rin napahupa n’on ang galit ni Angela.
“Hindi ho! Sinasayang n’yo lang ’yong gamot n’yo. Sinasayang n’yo lang ho ’yong perang ibinibigay ko sa inyo! Alam n’yo ho ba kung ilang gimik namin ng mga kaibigan ko ang hindi ko pinuntahan para lang may maibigay ako sa inyo? Napapahiya na nga ako dahil hindi ko man lang mailibre ang friends ko!” sabi pa ni Angela sa ama na noon ay napapayuko na lang dahil sa mga sinasabi niya.
“Anak, pasensiya na…” tanging nasabi lang nito.
Simula noon ay hindi na kailan man nagbigay pa si Angela sa mga magulang. Bukod doon ay umalis din siya sa puder ng mga ito at nagpakasasa sa sarili niyang sweldo. Inubos niya iyon sa pagbili ng kung anu-anong bagay na hindi niya naman kailangan kaysa ibigay niya sa kaniyang mga magulang. Inilibre niya ang mga kabarkada niya sa masasarap na kainan para lang magyabang sa mga ito.
Ngunit bigla na lang may nangyaring hindi maganda. Isang araw kasi ay napasama si Angela sa natanggal na mga empleyado sa kanilang kompanya dahil sa madalas niyang pagliban sa trabaho sa tuwing may gimik silang magbabarkada. Dahil doon ay wala na siyang pagpipilian pa kundi ang bumalik sa puder ng mga magulang niya.
“Pasensiya na po. Wala po akong ibang mapupuntahan bukod dito. Wala na rin ho kasi akong pera para pambayad sa renta ng apartment na tinutuluyan ko,” nahihiyang pakiusap niya sa mga magulang.
“May pera ka, anak. Ang totoo ay itinago ko ito sa ’yo dahil alam kong kakailanganin mo ito pagdating ng araw. Kilala ko kasi ang katigasan ng ulo mo kaya nag-isip ako ng paraan para mapilit kitang mag-ipon. Iyon ang dahilan kung bakit palagi akong humihingi sa ’yo ng pang-maintenance sa loob ng ilang taon kahit sinusuportahan naman ako ng kuya mo. Inipon ko kasi ang lahat ng ibinigay mo sa akin at inilagay ko sa bangko… heto ang passbook mo, anak. Kunin mo,” sagot naman ng kaniyang ama sabay abot sa papel ng kaniyang bank account.
Nakaramdam ng labis na kahihiyan si Angela dahil sa ginawa niya noon sa kaniyang mga magulang. Bigla siyang nanliit sa kaniyang sarili. Wala siyang bukambibig ngayon kundi ang paghingi ng tawad. Nagsisisi siyang trinato niya ang mga ito nang hindi maganda gayong ang ikabubuti lang niya ang gusto ng mga ito. Ngayon ay nangako siya sa sarili na babawi siya sa mga ito at hindi na sila muling pag-iisipan ng masama o pagdadamutan.