
Nabasag ng Dalaga ang Mamahaling Plorera sa Mansyon ng Kanilang Amo; Imbes na Parusa ay Gantimpala pa ang Ibinigay Nito
Hindi alam ng dalawang kasambahay na sina Josie at Imelda kung ano ang gagawin nila. Animo sila parehong naestatwa sa kanilang kinatatayuan habang tinititigan nila ang mga piraso ng bubog sa sahig na mula sa pinakamahal at pinakamalaking plorera sa koleksyon ng kanilang amo!
Sa pagkakaalam ng dalawa ay nagkakahalaga ’yon ng humigit-kumulang limang milyong piso, lalo na at nabili pa iyon ng kanilang amo sa ibang bansa at nag-iisa na lamang ’yon dahil sa sobrang pagiging antigo ng naturang plorera. Mahilig kasing mangolekta ng mga ’yon ang kanilang among si Madam Victoria.
“A-ano’ng gagawin natin dito, Imelda?” nanginginig sa takot na ani Josie sa kaniyang kasamahan.
“Aba, ewan! Labas ako d’yan. Kasalanan mo naman kasi kung bakit ko nabitiwan, e! Hindi mo kasi hinawakang mabuti,” tarantang sagot naman nito na ipinasa lang sa kaniya ang lahat ng sisi kahit na ang totoo ay dalawa naman silang sabay na napabitiw doon nang may dagang bigla na lang tumalon galing sa loob n’on!
“H-huwag ka namang ganiyan, Imelda. Pareho lang naman tayong napabitiw, e.” Maluha-luha na si Josie dahil sa kaba.
Bago pa man makasagot muli si Imelda sa kaniya ay narinig na nila ang mga tunog ng pagyabag ng mga takong ng kanilang Madam Victoria. Dahilan upang lalong manginig ang tuhod ng dalawang katulong.
“Oh my gosh! Ano ang nangyari dito?!” malakas na bulalas ng kanilang amo nang madatnan ang nangyari sa kaniyang pinakamamahaling plorera!
“Madam, p-pasensiya na po… m-may tumalon po kasing daga galing sa loob ng plorera. Nagulat po kami kaya nabitiwan po namin. Hindi po namin sinasadya!” tanging naisagot ni Josie sa kanilang amo habang nakayuko. “Tatanggapin ko po kung ano’ng parusa ang ibibigay n’yo sa akin.”
“Madam, wala po akong kinalaman d’yan. Si Josie po kasi, pinilit niyang buhating mag-isa ’yang plorera. Inaalok ko naman siya ng tulong pero ayaw niya. Bida-bida kasi,” pagsisinungaling naman ni Imelda pagkatapos ay binalingan siya. “O, ano, Josie? Huwag kang magsinungaling d’yan. Idadamay mo pa ako!” pagbabanta pa nito na pinanlalakihan pa siya ng mga mata.
“Tama na ’yan. Huwag na kayong magturuan! Sige na, si Josie na ang may kasalanan!” putol naman ng kanilang amo sa kanilang usapan. Dahil doon ay halos bumagsak ang balikat ni Josie samantalang si Imelda naman ay lihim na napangisi.
“Sumama kayong dalawa sa akin sa opisina ko,” utos pa ng kanilang amo na agad namang tinalima ng dalawa.
Pagkarating nila sa opisina nito sa loob pa rin ng mansiyon ay agad na kumuha ng tseke ang kanilang amo. Sandali nitong pinirmahan ang mga iyon at tig-isa sila nitong inabutan.
“Heto ang para sa ’yo, Imelda… heto naman ang para sa ’yo, Josie,” anito na agad namang nakapaghatid ng malaking ngiti sa pisngi ni Imelda habang luha naman ang kay Josie.
“Para saan po ito, madam?” tanong pa ni Imelda sa amo.
“Para ’yan sa naging serbisyo mo sa amin ngayong buwang ’to, Imelda. Dinagdagan ko na rin ’yan ng separation pay, 13th month pay at pamasahe mo pauwi sa probinsya. Ito na ang huling araw ng serbisyo mo sa amin… makakaalis ka na,” seryosong sagot naman ng kanilang amo na nagpawala ng ngiti sa mukha ni Imelda!
“Iyan namang sa ’yo, Josie, ay para sa pagiging matapat mo sa akin kahit na may posibilidad na ikapahamak mo ang pag-amin sa kasalanang kayong dalawa namang talaga ang dapat na humarap. Hanga ako sa mga taong katulad mo dahil bibihira na lang akong nakakatagpo ng ganiyan. Ang plorerang nabasag n’yo ay natutumbasan ng halaga, ngunit ang taong katulad mo, Josie, ay mahirap hanapin,” litanya pa ni Madam Victoria na ikinagulat pareho ng dalawa!
“Pero, madam, wala po akong kasalanan!” giit pa rin ni Imelda na tinatangkang makalusot sa kanilang matalinong amo, ngunit nasupalpal siyang muli nito nang bigla nitong iharap sa kanila ang monitor ng computer nito kung saan nakakonekta ang mga CCTV camera sa buong mansyon.
Biglang nawalan ng kulay ang mukha ni Imelda dahil sa labis na pagkapahiya habang si Josie naman ay hindi makapaniwalang binigyan siya ng kanilang amo ng tumataginting na isang daang libong piso bilang gantimpala!
“N-napakalaki po yata ng ibinigay n’yo sa akin, madam! Maraming-maraming salamat po! Napakalaking tulong po nito sa aming pamilya!” bulalas pa ni Josie na ikinangiti ng kanilang amo.
“Huwag ka munang magpasalamat, Josie, dahil may kasunod pa ’yan. Kung ipapangako mong hindi ka magbabago sa pagiging tapat mo sa akin ay mas malaki pa d’yan ang makukuha mo,” sagot pa nito na agad namang tinanguan ni Josie!
Samantala, nang gabing iyon ay wala nang nagawa pa si Imelda kundi ang mag-empake. Punong-puno siya ng pagsisisi at isang malaking leksyon ang natutunan niya sa nangyari. Ngayon ay uuwi tuloy siyang luhaan sa kanilang probinsya, dala ang katotohanang napaalis siya sa trabaho dahil sa pagiging sinungaling niya!