
Nang Mawalan ng Paningin ay Nawalan na rin Siya ng Kwenta sa Kaniyang mga Kaanak; Pagsisisihan Nila ang Ginawang Pang-aalipusta sa Kaniya
“Ate Aira? Ate Irene? Inay?”
Kanina pa tawag nang tawag si Joey sa mga tao sa bahay ngunit kanina pa rin walang sumasagot sa mga tawag niya samantalang naririnig niya naman na may nag-uusap sa kaniyang paligid. Kakapa-kapa tuloy siya sa mga gamit dahil kailangang-kailangan na niyang magbanyo.
Nagkaroon kasi ng malubhang sakit si Joey na naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang paningin. Dahil doon ay nawalan na siya ng pagkakakitaan at hindi na siya nakasusuporta pa sa kaniyang mga kaanak na kumupkop sa kaniya noong nawala ang kaniyang ina. Ngunit buhat nang mawalan ng paningin si Joey ay tila ba nawalan na rin siya ng halaga sa mga kasama sa bahay na dati ay binubuhay niya. Hindi niya alam kung papaanong bigla na lang siyang hindi pinapansin ng mga ito. Tila ba nawalan siya ng silbi sa kanila. Nawalan siya ng kwenta.
Maya-maya pa, habang kakapa-kapa siya para makarating sa banyo ay hindi sinasadyang natabig niya ang isa sa mga basong nasa mesa, dahilan para mabasag iyon. Dahil doon, sa wakas ay nagawa niyang makuha ang atensyon ng mga kasama niya sa bahay.
“Ano ba ’yan! Bulag na nga, inutil pa!” dinig niyang anas ng kaniyang Ate Aira na hindi man niya nakikita ay nabobosesan niya pa rin naman.
“P-pasensiya na, ate… hindi ko sinasadya!” kinakabahan namang sabi ni Joey.
Maya-maya ay naramdaman niyang tinabig pa siya ng kaniyang Ate Aira na naging dahilan para matumba siya.
“Ano? Bulag ka na nga, lampa ka pa?” galit pang anas nitong muli.
“Huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganiyan, ate!” katuwiran naman ni Joey.
“O, bakit? Hindi na ikaw ang bumubuhay sa pamilyang ’to ngayon, Joey. Kami na! Dahil sa sakit mo, kinailangan tuloy naming magbanat ng buto kaya huwag kang nagrereklamo d’yan dahil para sa amin ngayon, wala ka nang silbi pa!”
Hindi nakasagot si Joey sa narinig na sinabi ng kaniyang ate. Hindi niya akalain na pagkatapos ng ilang taong pagsasakripisyo niya noon para sa kanila ay susuklian lang nila siya ng masamang trato at mga pang-aalipusta!
Kung noon ay puro mga papuri ang ibinibigay nila sa kanila, ngayon ay busog na busog siya sa panlalait at pang-iinsulto, hanggang sa hindi na kayanin pa ni Joey ang magtagal sa pakikisama sa kanila. Nagpasiya siyang umalis sa kanilang puder. Hindi naman din siya pinigilan ng mga ito dahil alam naman nilang wala siyang mapupuntahan… ngunit doon sila nagkakamali.
Lingid sa kaalaman ng mga ito, nang maaksidente siya ay eksaktong nahanap siya ng kaniyang tunay na amang matagal na rin pala siyang hinahanap. Wala ring alam si Joey noon na ang ama niya ay isang napakayaman palang negosyante na kalaunan ay siyang nagbayad ng pampaopera ng kaniyang mga mata upang muli siyang makakita.
Dahil doon ay nagkaroon muli si Joey ng pagkakataon na umasenso sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili niyang negosyo sa tulong ng kaniyang ama na hindi naman nagtagal ay mabilis na umangat dahil sa kaniyang determinasyon.
Isang araw ay dumalaw si Joey sa lugar kung saan dating nakatayo ang bahay na tinitirhan niya kasama ang mga kaanak ng kaniyang ina na siyang nang-alipusta sa kaniya. Buhat kasi nang mawala siya sa puder ng mga ito ay nagkandamalas-malas na ang kanilang buhay hanggang sa umabot na sa puntong kinailangan na nilang ipagbili ang kanilang bahay at lupa. Hindi nila alam na siya ang nakabili n’on at ngayon ay balak na niya ’yong pagtayuan ng isa pang branch ng kaniyang sikat na sikat nang resto-bar.
Nang malaman iyon ng dating mga kaanak ay halos magkumahog ang mga ito na muli siyang makita. Sinadya pa siya ng mga ito sa kaniyang opisina para lang kunwari ay manghingi ng tawad sa kaniya.
“Pinagsisisihan na namin ang nagawa namin sa ’yo noon, Joey. Nadala lang kami ng emosyon. Hindi namin sinasadyang tratuhin ka nang ganoon… hindi ba at tinuring ka naman naming pamilya noong una? Minahal ka namin ar trinato nang maayos,” sabi pa sa kaniya ng kinalakhang ina, na tiyahin ng tunay niyang nanay.
“Oho. Itinuring ninyo akong pamilya at trinato ninyo ako nang maayos noong una dahil may pakinabang pa ako sa inyo. Pero noong nawalan ako ng paningin ay nawalan na rin ako ng halaga dahil wala na rin akong silbi. Kung pagpapatawad lang ho ang gusto n’yong makuha sa akin, ibinibigay ko na ’yon sa inyo. Ngunit isa lang ang hiling ko… sana, pagkatapos nito ay hindi na tayo magkita pang muli kahit kailan,” iyon ang mga katagang iniwan niya sa kanila bago niya sila tinalikuran nang tuluyan.