
Tinanggihan ng mga Kaanak ang Pag-aalaga sa Masungit na Don; Ang Pinagmamalupitan pa pala Niyang Ampon ang Magtitiyaga sa Kaniya
“Wala pa rin bang umaako ng pag-aalaga sa akin, kahit sino sa mga kamag-anak ko?” seryosong tanong ni Don Wilfredo sa kaniyang abogado nang hapong iyon.
Malungkot naman itong umiling bilang tugon sa kaniya. “Wala po, Don Wilfredo. Ginawa ko na po ang lahat ng pangungumbinsi sa kanila, pero wala talagang may gustong mag-alaga sa inyo, kahit pa alukin ko sila ng pera.”
“Mga walang kwenta!” bulalas ng Don sa narinig. Napabuntong hininga pa siya habang galit na nagpabaling-baling sa loob ng kaniyang kwarto. Aanhin niya ang magarang bahay na ito, at ang lahat ng kaniyang kayamanan kung wala man lang siyang kadugong mapag-iiwanan ng lahat ng ito?!
“Ngunit may isang taong handang mag-alaga sa inyo, Don Wilfredo. Iyon nga lang, hindi n’yo siya kadugo,” maya-maya ay muling saad ng kaniyang abogado na nakakuhang muli sa kaniyang atensyon.
“Sino?” kunot-noong tanong muli ng Don.
“Si Aurora po,” tukoy naman nito sa noon ay batang inampon ng kaniyang namayapang asawa nang malaman nitong hindi sila maaaring magkaanak, dahil wala siyang kakayahang gawin iyon.
Hindi niya kailan man nagustuhan ang batang ’yon dahil sa tuwing makikita niya ito ay naaalala niya lang ang kakulangan niya bilang lalaki at labis siyang nakadarama ng pagkapahiya dahil doon. Tuloy ay palagi niya itong napagbabalingan ng galit na nauuwi sa malupit niyang pakikitungo sa bata. Ganoon pa man ay hinayaan niyang alagaan ito ng kaniyang asawa hanggang sa ito ay sumakabilang buhay na.
Matagal nang hindi nakatira sa kaniya si Aurora simula nang makatapos ito ng kolehiyo at makapagtrabaho sa ibang bansa, kaya naman kataka-takang bumalik ito ngayon sa Pilipinas para lamang alagaan siya gayong hindi naman sila naging malapit sa isa’t isa.
“Kung sa tingin ng batang ’yan ay sa kaniya ko ibibigay ang lahat ng pera’t ari-arian namin ng asawa ko dahil lamang inalagaan niya ako ay nagkakamali siya. Sapat nang inaruga at pinag-aral siya ng asawa ko. Hindi ko siya kadugo para lang sa kaniya ko ibigay ang lahat ng pinaghirapan ko noon!” malupit na pahayag pa ng Don na hindi niya inaasahang sasagutin ng isang tinig sa kaniyang likuran.
“Huwag po kayong mag-alala, Dad. Hindi ko gagawin ’yon dahil sa pera n’yo. Gagawin ko ’yon dahil bukod sa ibinilin sa akin ni mommy na alagaan ka, mahal ko kayo kahit ayaw n’yo sa akin. Maniwala man kayo o hindi,” singit ng ngayon ay dalaga nang si Aurora sa usapan nina Don Wilfredo at ng abogado nito. Hindi naman nakasagot ang matanda sa sinabi niya, ngunit ibinaling nito sa iba ang tingin. Ni ayaw siyang makita nito ngunit hindi iyon ininda ni Aurora.
Ginawa niya ang lahat para maging mabuti ang lagay ng kaniyang ama-amahan kahit pa madalas ay hindi sila magkasundo nito. Alam naman kasi niyang hindi siya gusto nito noon pa man kaya natutunan nang tanggapin ni Aurora na hindi siya kailan man matatanggap nito. Nagkasya na lamang siya sa pagmamahal dito nang palihim dahil kahit papaano ay nagpapasalamat pa rin siya na hinayaan siya nitong maging parte ng kanilang pamilya.
Samantala, anumang pilit ni Don Wilfredo sa kaniyang sarili na huwag mapalapit sa kaniyang ampon ay tila hindi niya magawa dahil ngayon ay nakikita niya na kung bakit ganoon na lang ito kamahal ng kaniyang asawa noon. Napakamapagmahal kasi ng dalaga at kahit madalas niya itong pagalitan at pagsalitaan ng hindi maganda’y hindi pa rin siya nito nagawang iwanan. Patuloy lamang siya nitong pinagtiyagaang alagaan na kalaunan ay unti-unting nakapagpalambot sa puso ni Don Wilfredo.
Ngayon ay nagsisisi siya kung bakit hindi niya ito nagawang mahalin noon bilang tunay na anak. Kung kailan malapit na siyang mawala sa mundo’y saka pa niya gustong bumawi sa anak.
Pinilit ni Don Wilfredo na palakasin ang kaniyang katawan upang kahit papaano ay magawa niya pang iparamdam kay Aurora ang pagmamahal ng isang ama na noon ay hindi niya naibigay dito. Sinimulan niya na ring ilipat sa pangalan nito ang lahat ng kaniyang ari-arian.
“Patawarin mo ako, anak. Gusto kong bumawi sa lahat ng oras na nasayang sa atin bilang mag-ama kaya naman sana ay hayaan mo akong gawin ’yon,” isang araw ay saad ni Doon Wilfredo sa kaniyang anak na agad namang nakapagpaluha kay Aurora.
Hindi naman sumagot ang dalaga bagkus ay niyakap lamang siya nito nang mahigpit na para bang sapat na ang sinabi niya bilang pambawi sa mga nagawa niya rito. Simula noon ay naging mas maayos ang samahan nilang mag-ama at natutunan ng matanda na wala sa dugo ang pagiging pamilya.