Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinansin ng mga Tauhan sa Tindahang Iyon ang ‘Pipitsugin’ daw Nilang Kustomer; Mapapahiya Sila sa Susunod Niyang Pagbisita

Hindi Pinansin ng mga Tauhan sa Tindahang Iyon ang ‘Pipitsugin’ daw Nilang Kustomer; Mapapahiya Sila sa Susunod Niyang Pagbisita

“Ma’am, sandali lang po, saan po kayo pupunta?” Ikinagulat ni Ara ang ginawang panghaharang na ’yon sa kaniya ng babaeng guwardiya sa isang tindahan ng mga mamahaling damit. Dahil doon ay agad na napataas ang kaniyang kilay at hinarap ito.

“Hindi ba halata, ate? Bibili ako ng damit sa loob,” sagot niya na nagpipigil ng inis.

Sa gulat niya ay bigla na lang siya nitong pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa bago siya muling tinanong nito. “Sigurado ka ba? Mahal ang mga damit dito, baka hindi mo alam,” sabi pa nito na lalong nakadagdag sa kaniyang init ng ulo. Gusto niyang mainis at magbunganga ngunit mahuhuli na siya sa kaniyang appointment kung gagawin niya pa ’yon. Paano kasi ay hindi sinasadyang marumihan ang kaniyang suot nang bigla na lang matapon ang kapeng iniinom niya kanina roon kaya naman kinailangan niyang makipagpalit ng damit sa kaniyang Yaya Olivia na siya niyang tanging kasama kanina.

“May pambili ako at nagmamadali na ako kaya papasukin mo na ako, ate,” giit pa niya. Dahil doon ay wala naman na itong nagawa kundi papasukin siya.

Nagsimula na siyang mamili ng damit na isusuot sa naturang tindahan. Nang may magustuhan siya ay agad siyang bumaling sa isa sa mga tauhan doon upang itanong kung magkano ’yon, ngunit ganoon na lang ang pag-iinit ng kaniyang ulo nang hindi siya pansinin nito, bagkus ay bumaling ito para batiin ang ibang kadarating lang na kustomer na hindi hamak na mas magara ang suot na damit kaysa sa kaniya.

Gusto niyang matawa sa nararanasang sitwasyon ngunit hindi niya magawa dahil sa sobrang init ng kaniyang ulo. Nagsimula na siyang pumasok sa isa sa mga fitting room doon upang magsukat ng damit, ngunit lalo pang nadagdagan ang nararamdaman niyang galit nang sundan siya ng guwardiya at bantayan siya sa labas ng fitting room.

“Binabastos n’yo ba talaga ako?!” anas niya sa medyo malakas na tinig. “Kustomer ako rito, baka hindi n’yo alam!” aniya pa, ngunit wala pa ring nagtangkang pumansin sa kaniya.

Bagkus ay narinig pa niyang bumulong ang isa sa mga sales lady sa tindahang iyon sa kasama nito. “Akala mo kung sino, mukha namang pipitsugin!” anito.

Napailing na lang si Ara sa mga nangyayari. Hindi niya maisip na ganito pala tratuhin ng mga tauhan sa tindahang ito ang ibang kustomer kapag sa palagay ng mga ito ay isa kang pipitsugin! Dahil doon ay napuno na siya at minabuti na lang na lumabas sa naturang tindahan, ngunit bago iyon ay may pahabol pa ang guwardiya. Kinapkapan siya nito, ’di ’tulad ng ibang kustomer na lumalabas, na para bang mayroon siyang ninakaw sa loob!

Tinawagan ni Ara ang kaniyang sekretarya at sinabing kanselahin na lang ang appointment niya ngayong araw dahil may mas importante siyang kailangang gawin. Pagkatapos ay tinawagan niya rin ang may-ari ng tindahang ’yon ng mga mamahaling damit upang i-report dito ang mga nangyari sa kaniya. Agad naman itong nagmadaling pumunta sa kaniyang lokasyon.

“Pasensiya ka na talaga, Ara! Hindi ko akalaing gagawin sa ’yo ’to ng mga tauhan ko!” Hiyang-hiya sa kaniya ang kaibigan.

“Hindi mo naman ’yon kasalanan, Clarissa. Ang gusto ko lang ngayon ay samahan mo akong turuan ng leksyon ang mga mapangmatang empleyadong ’yon dahil kung patuloy nilang gagawin ’yon sa mga kustomer na para sa kanila ay ‘pipitsugin’ ay baka kailanganin kong alisin ang shop mo dito sa mall ko!” matapang pang dagdag niya na diniinan pa ang pagkakasabi ng kaniyang huling salita.

Bumalik si Ara sa loob ng tindahan at ganoon na lang ang gulat ng mga empleyado n’on nang makitang kasama na niya ang kanilang boss! Agad silang nagbigay galang dito, pati na rin sa kaniya, kahit pa agad na rumehistro sa kanilang mukha ang takot!

Ipinakilala siya ni Clarissa sa kanila na ikinagulat naman nila, at sa isang iglap lang ay halos maglumuhod na ang mga ito sa kaniya dahil sa paghingi nila ng tawad.

Mabuti na lang at kahit mukhang istrikta at masungit ay nananatili pa ring may awa si Ara sa mga ito. Ganoon pa man ay siniguro niyang matututunan nila ang kanilang leksyon. Sinuspinde niya ang mga ito bilang parusa at ipinasok sila sa isang seminar kung paano tatratuhin nang pantay-pantay ang lahat ng kanilang magiging kustomer pang iba!

Advertisement