
Palaging Ipinapahiya ng Babae ang Kaibigan sa Harap ng Lalaking Napupusuan Nito; Nais Niya Kasing ‘Sulutin’ ang Binata
“Oops! Sorry, hindi ko sinasadya!” tatawa-tawang ani Larissa sa kaibigang si Audette matapos niya itong patirin habang naglalakad ito papasok sa kanilang eskuwelahan, dahilan upang madapa ito at bumagsak mismo sa harap ng lalaking nagugustuhan nito—si Joshua, na siya rin niyang napupusuan.
Simula nang malaman ni Larissa na iisa sila ng lalaking napupusuan ay tila nakalimutan na niyang magkaibigan nga pala sila ni Audette. Awtomatiko kasing nakalimutan niya rin ang kanilang mga pinagsamahan dahil ngayon ay karibal na ang tingin niya rito, lalo pa at lingid sa kaalaman nito ay gusto rin ito ni Joshua.
Dahil doon ay plano niyang ‘sulutin’ sa kaibigan niya ang binata, hindi pa man nagkakaaminan ang dalawa. Hindi papayag si Larissa na sa iba mapunta ang lalaking gusto niya, kahit pa kay Audette na kaibigan niya!
“Bakit ka ba namamatid?” tanong pa sa kaniya ni Audette na halata ang inis sa tinig.
“Ikaw naman, joke nga lang. Ang arte mo naman!” katuwiran naman niya na animo wala siyang ginawang mali sa kaibigan.
“Napapansin kong palagi kang ganiyan sa akin, Larissa. Ano ba’ng problema mo?”
“Wala!” mabilis pang sagot ni Larissa. “Huwag kang over acting, Audette. Biro lang ’yon, ’tapos, nagkakaganiyan ka na?” anas niya pa. “Palibhasa, ako lang ang friend mo, e. Wala kasing nagtatagal sa ugali mong ’yan,” sabi pa niya. Napabuntong-hininga na lang si Audette at hindi na ito nakasagot pa sa kaniyang sinabi. Pinalampas na lamang nito ang ginawa niya at hindi na nagsalita pa ng tungkol doon.
Ang totoo ay gusto niyang pagmukhaing mahina ang utak ni Audette upang ma-turn off dito si Joshua. Gusto niya rin itong pagmukhaing masama sa harap ng binata nang sa ganoon ay siya ang lumabas na mukhang matalino sa kanilang dalawa. Sigurado siyang kapag ginawa niya ’yon ay mababaling na rin sa wakas ang atensyon ng binata sa kaniya.
Kaya naman ipinagpatuloy ni Larissa ang ginagawang pagpapahiya kay Audette. Nariyang nilagyan niya ng pulang tinta ang upuan nito upang magmukha itong tinagusan kaya naman halos pagtawanan ito ng buong klase nila. Palagi niya rin itong ginagawang paksa sa kaniyang mga biro na talaga namang nagpapahiya rito nang todo!
Hindi naman siya magawang patulan ni Audette sapagkat palagi niyang sinasabi na ‘biro’ lamang iyon dahil nga magkaibigan naman sila. Palagi rin siyang pinagpapasensiyahan nito kahit na minsan ay talagang sumusobra na siya sa ginagawa niya.
Ngunit walang pakialam si Larissa tungkol doon. Ang gusto niya lang ay ipahiya si Audette nang sa ganoon ay mabaling sa kaniya ang atensyon ni Joshua na sa palagay niya ay unti-unti nang nangyayari lalo pa at palagi niyang nahuhuling nakatingin sa kaniya ang binata. Dahil doon ay lalo niya pang ginalingan ang pagbubuhat ng sariling bangko habang inaapakan niya naman ang pagkatao ng kaniyang kaibigan.
Samantala, hindi naman alam ni Audette ang gagawin upang itigil na ni Larissa ang ginagawa nito sa kaniya. Ayaw niya kasing ipahiya ang kaibigan dahil iniisip niya pa rin ang pinagsamahan nila kahit ganoon mismo ang ginagawa nito sa kaniya.
Hanggang isang araw ay bigla na lang siyang lapitan ni Joshua, ang lalaking napupusuan niya, upang tanungin kung bakit hindi siya lumalaban sa tuwing ipapahiya siya ni Larissa…
“E, kasi, magkaibigan kami,” tanging sagot ni Audette sa binata.
Lingid sa kaalaman ng dalawa, dahil sa ginagawang iyon ni Larissa ay lalong tumindi ang pagkagusto ni Joshua kay Audette. Lalo kasi siyang humanga sa pagiging mabuting tao nito na kahit pa masama ang trato sa kaniya ng kaibigan niya ay mas pinili niya pa ring hindi ito gantihan dahil sa kanilang pagkakaibigan.
Dahil doon, kalaunan ay niligawan na ni Joshua si Audette na siya namang ikinagulat ng dalawa, lalo na ni Larissa!
“Bakit siya ang nililigawan mo, Joshua? Hindi ka ba nahihiyang maging girlfriend ang ’tulad niya?!” inis na inis na tanong ni Larissa sa binata na agad naman siyang sinagot.
“Bakit naman ako mahihiya? Gusto ko ngang ipagmalaki na nililigawan ko ang pinakamabait na babae sa klaseng ito na kahit palagi siyang ipinahihiya ng ‘kaibigan’ niya ay handa pa rin siyang magpasensiya! Ikaw ang dapat mahiya sa sarili mo, Larissa. Alam ko at alam mo sa sarili mo na kaya mo ginagawa ’yon dahil naiinggit ka sa kaniya!” sagot naman sa kaniya ni Joshua na halos ikadurog ng puso niya.
Hindi niya akalaing dahil sa ginagawa niya kay Audette ay lalo palang naging masama ang tingin sa kaniya ng binata. Ngayon, bukod sa wala na siyang buhay pag-ibig ay sigurado siyang mawawala na rin ang nag-iisang kaibigang handa siyang mahalin kahit ano pa ang ugali niya. Iyon ang napapala ng traydor na ’tulad niya!