Isang Di Inaasahang Tagapagligtas ang Matatagpuan ng Magbo-Boteng Magkapatid Matapos Silang Iwan ng Ama
“Dyaryo bakal bote!” sigaw ng isang binatilyo habang naka angkas sa kariton ang nakababatang kapatid nito.
Bata pa lang ay iniwan na sila ng Nanay nila at ipinagpalit sa ibang pamilya. Kaya’t labis na lang ang pasasalamat nila sa amang hindi sila pinabayaan kahit ito may malubhang karamdaman.
“Mga anak pasensya na kayo at ito lang naiuuwi kong pagkain, talagang nanghihina na ako dulot ng sakit ko” wika ng ama.
“Sabi sa inyo Tay kami na ang gagawa niyan, magpahinga ka na lang dito kami na bahala.” sagot ng panganay.
Mahal na mahal ng magkapatid ang kanilang ama, ngunit hindi rin nagtagal ay dumating ang araw na ito’y mamamaalam na sa kanila.
“Huwag niyong pabayaan ang isa’t-isa at magmahalan kayo,” paubo-ubong payo ng tatay nila.
“Tay, basta huwag mo kaming pababayaan,” hagulgol ng panganay na anak bago malagutan ng hininga ang ama.
Simula noon, si Oman na ang nagtaguyod sa kanilang magkapatid pero madalas kapag siya ay mag isa ay hindi niya mapigilan umiyak sa sobrang pagka- miss niya sa kanyang ama.
“Kuya gutom na ko,” umiiyak na sabi ng kapatid sabay hawak sa humihilab nitong tyan.
“Konting tiis na lang tol kulang pa itong nakolekta natin, sayang yung ekstrang kikitain natin sa junkshop para may pambili tayo ng pagkain” sagot ng kuya niya.
“Ayun kuya daming bote doon sa bakanteng lote” turo ni bunso. “
Oo nga, kaya lang baka may bantay diyan, teka silipin ko muna.” dahan dahan niyang tinignan kung may tao ba dito.
“Diyan ka lang at huwag kang aalis, hahakutin ko lang tiba tiba tayo dito.”masayang hirit ng kuya nito.
“Sige bilisan mo po.” sagot ng bata.
Habang sinasako na ang mga boteng nakatiwangwang ay laking gulat ni Oman ng may biglang dumating na 3 bata na magbobote din. “Psst, alis ka dito amin yang mga bote na yan”, mayabang na sigaw ng lider ng grupo.
“Bakit may nakalagay ba dito na pangalan mo?” pilosopong sagot ng binata.
“Gusto mo ata makatikim eh”, susungaban na sana ng tatlo ang nag iisang si Oman ng biglang..
“Arffff, arffff!” isang puting aso ang biglang sumulpot sa likuran ni Oman at galit na galit itong tinatahulan ang mga aaway sa binatilyo. Halos mapatumba sa kanilang mga pwetan ang tatlo sabay takbo palayo.
Biglang umamo ang mukha ng aso at tinignan si Oman. “Nice doggie, wag mo kong kakagatin ah, good boy..”dahan dahang bumalik ang lalaki sa kariton nila at mabilis na kumaripas paalis sa bakanteng lote.
“Kuya, dahaa-n dahaa-an lang” habang halos tumaob na ang kapatid sa loob ng kariton.
“Mang Teban, pakitimbang na po ito,” sabi ni Oman.
“Aba ang dami nito ah, oh ito 350 pesos umuwi na kayo at baka hinahanap na kayo ng Tatay niyo.” Pero paglingon sa kariton nila ay wala na dun ang bunsong kapatid.
“Jon, asan ka?” bumibilis na ang tibok ng puso ng binata sa paghahanap sa kapatid. Hindi niya ito makita sa paligid, “Naku naman, jon asan ka tol?” napapaiyak na siya.
“Arffff, arfffffff!” ang tahol na iyon ang bumaling sa atensyon ni Oman.
“Kuya!” kasunod noon ay patakbong lumapit sa kanya ang kapatid. Niyakap niya ito sabay binatukan niya nang malakas.
“Gago ka talaga, san ka nagpunta?”
“May lalaki kasi na kumuha sa akin sa kariton, di mo ko marinig kasi tinakpan niya bibig ko, nung isasakay na ako sa van biglang dinamba ng asong ito yung mama kaya nabitawan ako.”
Muling nagpaamo na naman ang aso, “Kuya uwi na natin siya kawawa naman o tsaka mukhang wala naman may ari sa kanya.” pagpipilit ng bata.
“Sige na nga basta ikaw na ang mag-alaga sa kanya ah,”
“Salamat kuya aalagaan ko siyang mabuti.” tuwang tuwang sabi ng bata.
Kinagabihan paguwi sa bahay ay hapong hapo ang magkapatid sa mahabang araw ng pagkalakal, bagsak kagad ito sa kanilang papag na higaan.
Sa kasagsagan ng kanilang mahimbing na tulog, may mga nagsisigawan na kapitbahay at nagtatakbuhan.
“Dali, labas niyo na mga pamilya niyo ang laki ng sunog!” sigaw ng isang ale. Sa laki ng apoy, at lakas ng hangin mabilis itong kumalat sa mga dikit dikit na bahay sa lugar nila.
“Kuya, gising!” natatarantang sabi ng bata habang inaalog ang mukha ni Oman.
Nag-uubuhan na ang dalawa sa loob ng barung- barong nila dahil sa makapal na usok. Sigaw sila nang sigaw ng saklolo pero walang nakakarinig.
“Kumapit ka sa akin,” sabi ng binata sa kapatid. Biglang nagdasal ng taimtim si Oman at bumulong na, “Tay, huwag mo kaming pabayaan..”
“Arrfffff, arffffff!”magkakasunod na malakas na tahol ang narinig nilang dalawa at biglang may sumipa ng pinto nila. “Dito may mga bata!” sigaw ng bumbero.
Dali daling sinagip ng bumbero ang magkapatid at inilayo sa nasusunog na lugar.
“Okay lang kayo?” tanong ng bumbero.
“O-opo.” sabay na sagot ng magkapatid,nangangatog pa dahil sa sobrang nerbyos.
“Buti na lang maasahan itong aso niyo, tahol siya nang tahol at hindi ako tinantanan kaya sinundan ko at ayun natagpuan ko kayo.” kwento ng lalaki.
Biglang naglambing ang aso kay Oman at siya’y dinamba sabay dinilaan sa mukha.
“Oy easy lang,” nakangiting sabi ng binatilyo, hindi niya alam kung ano ang nangyari pero nang mapatitig siya sa mata ng aso ay may naalala siya, ang hiling niya sa kanyang ama.
“Hindi mo kami pinabayaan..” bulong niya. Hanggang maalala niya ang mga pagkakataon na niligtas sila ng aso sa bingit ng kapahamakan.
Walang humpay ang pagdila ng aso sa mukha niya at biglang naramdaman ni Oman ang kakaibang kasiyahan sa piling nito. Naisip niya na maari ito ang padala ng kanilang ama na tagabantay nilang magkapatid.