Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Huwag Muna, Hindi Ko Pa Kaya! - Inday Trending

Huwag Muna, Hindi Ko Pa Kaya!

“Papa, huwag ka munang bumitaw po, hindi pa po ako handa!” sigaw ng batang si Diane sa kaniyang ama habang nakahawak ito sa kaniyang bisikleta.

“Papa, huwag n’yo po munang bitawan! Natatakot po ako!” patuloy sa pagsigaw ng bata.

“Sige lang, anak, pumadyak ka lang d’yan. Kailangan mong ipokus ang sarili mo sa pagpapatakbo ng bisikleta. Huwag kang mag-alala, nandito ako at hindi kita pababayaan,” paninigurado ni Rodolfo.

Sinunod ni Diane ang bilin ng kaniyang ama. Malayo ang kaniyang tingin. Nagpatuloy ito sa pagbabalanse ng kaniyang sarili. Pinagpatuloy niya ang pagpadyak sa bisikleta habang ang kaniyang ama naman ay nakahawak sa upuan nito. Dahil sa itinuon ng bata ang kaniyang isipan sa pagpapaandar ng bisikleta ay hindi na niya namalayan pa ang pagbitaw ng kanyang ama. Sa wakas ay tuluyan nang natuto si Diane na sumakay ng bisikleta.

“Ang galing mo, anak! Sabi ko sa’yo ay kaya mo ‘yan!” natutuwang sambit ni Rodolfo sa kaniyang anak. “Napakabilis mo talagang matuto. Kanina ay natatakot ka pa riyan. Dapat talaga ay nakuhaan ko ang itsura mo para napakita ko sa mama mo. Tiyak akong matutuwa at matatawa siya!” kantiyaw pa ng ama.

“Salamat po, papa, kasi hindi nyo po ako pinabayaan na masemplang. Lumakas po ang loob ko nang sinabi nyong hindi n’yo ako pababayaan,” saad ni Diane.

“Talagang hindi kita pababayaan, anak. Lagi lang kaming nandito ng mama mo para sa’yo,” nakangiting wika ni Rodolfo sa anak. “Tara na at pumasok na tayo. Bukas ka naman mag-ensayo,” paanyaya niya.

Malapit sa kaniyang amang si Rodolfo ang batang si Diane. Madalas magkasama ang dalawa sapagkat nakaratay ang kanyang inang may malubhang karamdaman. Nag-iisang anak lamang si Diane kaya ganoon na lamang ang pagbibigay ng atensyon ni Rodolfo sa anak. Nais niyang sa bawat yugto ng buhay ng bata ay naroon siya.

Ngunit isang araw ay tuluyan ng binawian ng buhay ang ina ng dalaga na ngayong si Diane. Lubusan ang kalungkutan na naramdaman nilang mag-ama sa pagyao ng ilaw ng tahanan. Ngunit lalong masakit ito kay Diane sapagkat hindi na matutunghayan ng kanyang ina ang nakatakda niyang pagtatapos sa kolehiyo.

Isang araw ay ikinagulat ni Diane ang pag-uuwi ng kanyang ama ng isang babae sa kanilang bahay.

“Pa, sino siya?” naiinis na sambit ni Diane sa kanyang ama. “Wala pang isang taon, pa, matapos bawian ang buhay si mama at ngayon ay nag-uuwi na kayo ng babae dito sa bahay? Hindi niyo na nirespeto ang alaala niya. Ni hindi man lang kayo magbabang luksa muna!” galit na sambit ng dalaga.

“Anak, siya ang Tita Edith mo. Siguro ay panahon na rin na magkaroon tayo ng isa pang babae dito sa bahay na mag-aasikaso sa atin, anak,” paliwanag ni Rodolfo sa anak.

Ngunit sa tindi ng galit na naramdaman ni Diane sa kanyang ama ay hindi na niya pinakinggan ang paliwanag nito.

“Kung ititira mo dito ang babaeng ‘yan ay magsama kayo! Pero hindi ko kayang madungisan ang alaala ng mama ko. Tutal kaya ko naman nang bumukod ay aalis na ako sa pamamahay na ito,” panunumbat ni Diane sa kanyang ama.

Tuluyan nang nag-empake si Diane at umalis ng kanilang bahay. Pilit man siyang pigilan ng kanyang ama ay wala na itong magawa sapagkat buo na ang desisyon ng dalaga.

Lubusan ang sama ng loob ni Diane sa puntong kinalimutan na niya ang kanyang ama. Namuhay mag-isa si Diane. Kahit na tinalikuran ni Diane ang kanyang ama ay hindi naman nakalimot sa kanya si Rodolfo. Walang araw na hindi niya tinawagan ang anak kahit na hindi nito sinasagot ang ama.

Isang araw ay nakatanggap na lamang si Diane ng tawag mula sa hindi kilalang numero sa kanyang telepono. Nang sagutin niya ito ay laking gulat niya ng marinig ang tinig ng kanyang madrasta.

“Diane, makinig ka muna. Huwag mo muna akong babaan ng telepono. Si Edith ito, ang asawa ng papa mo,” saad ng babae. “Hindi maganda ang kalagayan ng papa mo. Baka naman pwede mo siyang puntahan kahit sa huling sandali,” dagdag pa nito.

“Kalimutan mo muna ang galit mo sa iyong ama, Diane. Parang awa mo na. Puntahan mo na siya bago pa mahuli ang lahat,” pagmamakaawa ni Edith.

Lubusang kinabahan si Diane sa tinuran ng kanyang madrasta. Kaya dali-dali itong umuwi sa kanilang bahay. Doon nga ay nakita niya ang kanyang matandang amang nakaratay na sa higaan.

Patakbo siyang lumapit dito at hindi na niya napigilan ang pagluha.

“Anak, patawarin mo ako sa nagawa ko sa’yo. Masaya ako na nandito ka. Ngunit nais ko lang sabihin sa’yo ang katotohanan. Huling habilin sa akin ng iyong ina na ipangako kong mag-asawa akong muli para sa iyo. Para may mag-alaga sa iyo at mayroon kang nanay na matawag. Alam niya na matagal ka nang nangungulila sa pag-aasikaso ng isang ina,” saad ni Rodolfo kahit hirap ito sa pagsasalita.

“Mahal kita, anak. Mahal ko rin ang iyong ina. At natutunan ko na rin mahalin si Edith. Kaya irespeto mo siya tulad ng pagrespeto mo sa amin ng mama mo. Masaya ako na sa huli ay nasilayan ko ang mukha mo,” nakangiting wika ni Rodolfo sa anak.

Halos bumaha ang luha ni Diane na makita sa ganitong sitwasyon ang kanyang ama. “Papa, huwag ka munang bumitaw po, hindi pa po ako handa!” pakiusap ni Diane kay Rodolfo.

“Papa, patawarin n’yo po ako,” umiiyak niyang sambit.

Tuluyan nang binawian ng buhay si Rodolfo. Patuloy naman sa pag-iyak si Diane habang yakap niya ang katawan ng walang buhay niyang ama.

Lubos na pinagsisisihan ni Diane ang pagtalikod niya sa kaniyang amang si Rodolfo. Lubusan siyang nagsisisi sa mga panahong kaniyang inaksaya. Ngayon ay hindi na maibabalik pa ang mga panahon na nasayang na sana ay naging maligaya siya sa piling ng kaniyang natatanging ama.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.