Wala ng Tip Ngayon!

Alas singko na ng hapon at kakauwi lamang ni Isiah sa kaniyang trabaho. Inilapag na niya ang kaniyang mga gamit at saglit na nagkape.

“Ma, aalis na po ako,” paalam ng binata sa kaniyang nanay.

“Anak, kakarating mo lang. Bakit hindi ka na muna magpahinga? Papat*yin mo na ‘yung sarili mo sa ginagawa mo,” sita ni Aling Pilar, ang nanay ng binata.

“Ma, labasan na kasi ngayon sa opisina kaya naman sayang din kung ipapahinga ko pa. Ganitong oras po kasi ang maraming booking kaya mauuna na ako,” paliwanag ng binata tsaka ito humalik sa ulo ng kaniyang ina at kinuha ang helmet.

“Anak, salamat,” pahayag ng ale. Ngumiti naman si Isiah sa kaniyang ina bago umalis.

Call center agent sa umaga at Angkas drayber naman sa gabi. Ito ang trabaho ng lalaki na siyang pinagkukunan nila ngayon ng pantustos sa mga gastusin.

“Sana may magbigay naman ng tip ngayong gabi,” wika ni Isiah sa kaniyang kasamang drayber na nakaparada sa parking lot ng SM.

“Naku, pare, himala na lang yata ngayon ang mga kustomer na nagbibigay ng tip! Kung puwede nga lang patungan ‘yung bayad sa application ay ginawa ko na! Ang trapik-trapik tapos mainit pa. Mabuti sana kung kagaya tayo ng mga sasakyan na naka-aircon kaso hindi. Maitim ka na nga wala ka pang tip,” sagot naman ng kasamahan kay Isiah.

Advertisement

“Suwerte pa rin pala ako kasi kahit papaano ay nabibigyan ako ng tip. ‘Yun nga lang ay barya lang. Pero ayos na,” nakangiting saad ni Isiah.

“O, itong nag-post sa FB sa’yo na ‘to. Ikaw na ang mauna at alam kong malaki ang pangangailangan mo. 50 pesos lang mula Cubao hanggang Divisoria. Ang barat na talaga ng mga tao ngayon,” pahayag muli ng kasamahan ni Isiah.

“Sige. Ako na ang bahala rito. Pera pa rin naman ito at unang biyahe ko. Sige, pare. Mamaya na lang ulit,” paalam ni Isiah sa lalaki.

“Lord, kayo na po ang bahala sa’kin. Kailangan ko po ng tip ngayon at petsa de peligro na ang pitaka ko!” dasal ng binata sabay pinaharurot niya ang motorsiklo.

“Angkas po,” sigaw ni Isiah sa isang pulang gate. Nakita niyang isang medyo may edad ng babae at isang dalaga ang lumabas ng bahay.

“Kuya, ang nanay ko po ang sasakay. Ingatan niyo po,” saad ng dalaga kay Isiah.

“Opo, ma’am. Ako na po ang bahala sa kaniya. Puwede ko po bang hawakan ang mga braso niyo para maalalayan ko kayo sa pagsakay?” tanong naman ni Isiah sa kaniyang pasahero. “Kaya ko na, hijo,” nakangiting sagot ng ale.

Sumakay na ang babae at pinaandar na ni Isiah ang motor.

Advertisement

Habang nasa trapik ay kinausap ng babae ang binata. “Hijo, bakit mo natanong ang braso ko?” saad ng babae. “Alam ko po kasing tubo iyan ng dialysis. Masakit po kasing hawakan ang mga ganiyan kaya natanong ko kung puwede pong hawakan,” magalang na sagot ni Isiah sa babae.

“Alam mo ang sakit ko? tanong muli ng ale. “Nakikita ko lang po sa nakakasabay naming pasyente ng nanay ko. Canc*r po ang sakit ng nanay ko at may nakakasabay po kaming diabetic na nagda-dialysis kapag pumupunta kami sa ospital. Diabetes po ang sakit niyo, tama po ba ako?” sagot muli ni Isiah.

Tumango naman ang babae at napangiti ito.

Nakapagkuwentuhan ang dalawa ng kaunti lalo na at trapik naman. Dahan-dahan lamang ang pagmamaneho ng binata dahil sa pag-iingat niya sa kaniyang pasahero.

“Ma’am, nandito na po tayo,” wika ni Isiah sa babae.

“Hijo, ito ang bayad ko,” saad ng babae sabay abot ng isang libo sa binata.

“Ay, saglit lang ho ma’am, ha. Iwan ko lang po ang motor ko at magpapapalit lang po ako sa tindahan,” paalam ng binata.

“Hindi na. Sa’yo na ang sukli,” pahayag ng babae tsaka ito ngumiti sa binata.

Advertisement

“Ho? 50 pesos lang ho ang pamasahe niyo. Masyado hong malaki ang sukli. Mahirap po ang pera ngayon,” tanggi ni Isiah sa ibinayad ng pasahero.

“Canc*r survivor ako dati at ngayon ay diabetic naman. Kaya kung canc*r ang sakit ng nanay mo ay alam ko ang pinagdadaanan niyo. Isipin mo na lang na tulong ko ‘yan sa nanay mo. Sabihin mo sa kaniya kaya niya ang sakit na ‘yan!” masiglang wika ng babae.

Kaagad namang naluha si Isiah at niyakap pa niya ang babae. “Maraming salamat, ho,” saad nito. Niyakap din siya ng babae at hinaplos ang buhok niya. “Kaya mo ‘yan, anak,” bulong ng babae.

“Lord, salamat,” wika ng puso ni Isiah habang inilalagay niya ang pera sa kaniyang pitakang wala ng laman.

“Lord, hindi mo talaga ako pinababayaan kahit kailan. Maraming salamat sa mga ginagamit mong instrumento para tulungan kaming lumaban ni mama,” dagdag pa nitong dasal.

Nasa stage 4 na ang canc*r ng ina ni Isiah. Bukod sa napakalaking gastos sa ospital ay napakalaki rin ng gastos sa gamot kaya naman kulang talaga ang kinikita niya sa dalawa niyang trabaho. Pero nagpapasalamat pa rin siya dahil sa mga ganitong pangyayari. Sa huli ay masasabi niyang may mga taong mabubuti pa rin ang puso at hindi ganid sa pera na handang tumulong sa iba.