Ako ang Nagtanim, Iba ang Umani

Nakapila na ang mga sako-sakong bigas. Naghahanda na rin si Mang Jobert upang salubungin ang amo niyang si Mr. Chou.

Malaki ang utang na loob ni Mang Jobert kay Mr. Chou dahil pinahiram siya nito ng napakalaking pera upang makapagsimula siyang mag-tanim ng palay.

Nasalanta kasi ang huli niyang ani dalawang taon na ang nakakalipas at wala siyang ibang malapitan upang makapagsimula muli. Ayaw kasi niyang isangla o ibenta ang kaniyang lupain dahil minana pa niya ito mula sa kaniyang kalolo-lolohan.

Hanggang sa lumapit si Mr. Chou kay Mang Jobert. Inalok siya nito ng isang napakaganda solusyon. Pahihiramin siya nito ng puhunan at ang kapalit lamang daw ay ang kalahati ng kaniyang ani hanggang sa mabayaran na niya ang halagang inutang niya na walang patong na interes.

Dumating na ang isang malaking trak. Kasunod nito ay isang magarang sasakyan na minamaneho ng negosyanteng si Mr. Chou.

Dali-daling naglakad si Mang Jobert upang batiin ang lalaki. Malaki ang ngiti ng matandang magsasaka habang sinisilip-silip niya si Mr. Chou na noo’y pababa na ng sasakyan.

“Magandang umaga ho, Mr. Chou!” masayang bati ni Mang Jobert.

“O, tay! Good morning po! Kumusta po kayo? Ayos na po ba ang mga bigas? Marami po kasi akong aasikasuhin ngayong araw kaya kailangan kong umalis kaagad,” masayang bati ng negosyante kay Mang Jobert.

Advertisement

Mabilis namang itinuro ni Mang Jobert ang mga bigas na hahakutin ni Mr. Chou. Pinili pa ni Mang Jobert ang pinakamagagandang klase ng bigas upang ibigay niya dito. Halos ibigay na nga niya ang lahat kay Mr. Chou. Kaunti lang ang natitira para sa kaniyang pamilya.

Para sa kaniya ay wala na siyang ibang kilalang negosyante na mas babait pa kay Mr. Chou. Kaya naman sa tuwing may sinasabi ang kaniyang asawa at mga anak laban sa tinitingala niyang negosyante ay palagi niyang ipinaaalala sa mga ito na kung wala si Mr. Chou ay malamang wala na rin silang lupain ngayon.

May apat na anak si Mang Jobert. Dalawa dito ay may sariling pamilya na at naninirahan na sa Maynila. Ang dalawa pang natitira niyang mga anak ay kasama niya at ng kaniyang asawang si Aling Petra.

Isang araw habang nagtatanim si Mang Jobert at ang dalawa niyang anak ay nagkaroon sila ng pagtatalo tungkol sa totoong pagkatao ni Mr. Chou.

“Tay, ang sabi po doon sa bayan mapagsamantala daw iyang si Mr. Chou. Paano po kapag…” sinaway agad ni Mang Jobert ang bunso niyang anak. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito kaya nauwi iyon sa matinding pagtatalo.

“Kayo, ha, huwag kayong magpapaniwala sa kanila! Kung wala si Mr. Chou, tandaan niyo, wala kayong kanin na kinakain ngayon!” galit na tugon ng lalaki.

Mula noon ay hindi na muli pang nagbanggit ang mga anak ni Mang Jobert ng kahit na anong hindi magandang komento tungkol kay Mr. Chou dahil nanggigitil sa galit ang magsasaka sa tuwing may naririnig siyang masama tungkol sa negosyante. Kahit ang mga malalapit na kaibigan, mga kapitbahay, pati ang kaniyang sariling pamilya ay inaaway niya kapag sinisiraan nila ang butihing negosyante.

Lumipas pa ulit ang anim na buwan. Panahon na naman ng tag-ani. Tulad ng nakaraan ay inayos na ng pamilya ni Mang Jobert ang mga sako ng bigas at iba pang mga inaning pananim na kukunin ni Mr. Chou.

Advertisement

Dumating ang malaking trak na maghahakot ng mga ani ngunit hindi dumating si Mr. Chou.

Gusto sana itong makausap ni Mang Jobert ngunit hindi rin ito nagpakita sa taniman.

Kinabukasan habang nag-aayos sa taniman si Mang Jobert ay may napansin siyang mga karatula sa paligid ng kaniyang lupain. Nakalagay doon na pribadong pagmamay-ari daw iyon.

Mayamaya ay may dumating na mga lalaking malalaki ang katawan. Ang iba sa mga ito ay may mga dalang mga armas.

Nagtaka si Mang Jobert kaya hinarap niya ang mga nasabing lalaki. Nang tanungin niya ang mga ito ay sinabi nila na hindi na raw niya maaaring taniman ang lupa.

Napag-alaman din niyang nakasaad daw iyon sa pinirmahan nilang kasunduan ni Mr. Chou noong nanghiram siya dito ng pera.

Sinubukang ireklamo ni Mang Jobert ang mga lalaki sa kanilang kapitan dahil trespassing daw iyon. Ngunit nang makausap ng kapitan ng barangay si Mr. Chou ay pinatotoo nito ang pahayag ng mga lalaking bantay.

Sinabi rin ni Mr. Chou na pagmamay-ari na niya ang lupa base sa papel na pinirmahan ni Mang Jobert kaya wala na daw maaaring gawin ang pobreng magsasaka kung hindi ibigay na lang ang titulo ng lupa sa negosyante.

Advertisement

Umuwi ng bahay si Mang Jobert na halos hindi makapagsalita. Ang inakala niyang anghel na tumulong sa kaniya ay ubod pala ng sama at pinagsamantalahan lamang siya.

Pinagsamantalahan ni Mr. Chou ang kahinaan ni Mang Jobert dahil pinasulat nito ang pangalan ng magsasaka sa isang pirasong papel gayong hindi naman niya nauunawaan kung ano ang nakasulat doon. Hindi alam ni Mang Jobert na ang nakasaad pala sa papel ay ibinenta niya ang kaniyang lupa kay Mr. Chou. Hindi kasi siya marunong magbasa. Grade 1 lang ang kaniyang inabot.

Alam ni Mang Jobert na nagkamali siya kaya naman halos hindi siya makakibo sa tuwing naririnig niyang pinag-uusapan siya sa kanilang baryo habang siya ay papauwi sa kanilang bahay.

Nadatnan ni Mang Jobert ang kaniyang mag-iina na nakaupo lamang sa labas ng kanilang bahay habang tinatanaw ang kanilang malawak na lupain.

Napaiyak si Mang Jobert.

Mayamaya ay nilapitan siya ng kaniyang mga anak at asawa.

“Kasalanan ko ito. Kasalanan ko ang lahat ng ito at ngayon ay mawawala na sa atin ang ating lupain,” paninisi ni Mang Jobert sa kaniyang sarili.

“Tay, wala po kayong kasalanan doon. Si Mr. Chou po ang may kasalanan ng lahat at hindi kayo,” mariing sabi ng isa niyang anak habang tinatapik nito ang kaniyang likuran.

Advertisement

“Opo, tay. Huwag niyo na pong sisihin ang sarili niyo,” dagdag pa ng bunsong anak ng magsasaka.

“Kaya natin ito. Kakayanin natin ito, Jobert,” pagpapalakas ng loob ni Aling Petra sa kaniyang asawa.

Napuno ng luha at matinding emosyon ang kanilang tahanan noong mga oras na iyon. Matapos magkapatawaran at ihinga ang mga pagsisisi ay handa na muli ang mag-anak na harapin ang bukas kahit na wala na silang lupain. Ngunit nananatili pa rin ang kanilang hangarin na sana ay mabawi pa nila ang kanilang lupa.

Dumating na ang itinakdang araw kung kailan ibibigay na ni Mang Jobert ang titulo ng kanilang lupa kay Mr. Chou. Labis ang kalungkutan ng magsasaka dahil dito.

Hinintay ng buong pamilya si Mr. Chou ngunit hindi ulit ito nagpakita. Ang assistant lamang nito ang dumating. Ibinalita nito sa kanila na nasa kulungan daw ang negosyante dahil sa patung-patong na kasong kinakaharap nito dahil sa pangangamkam nito ng mga lupain at pera.

Hindi lamang pala sila ang naging biktima ng negosyante. Marami pala itong naloko.

Dahil sa pagkakakulong ni Mr. Chou hindi na natuloy ang paglilipat ng titulo ng lupa sa negosyante. Mananatili ang lupa kay Mang Jobert dahil illegal daw ang proseso ng pagbili nito ng lupa. Ikinatuwa ito ng magsasaka pati ng kaniyang buong pamilya.

Simula noon ay natutunan na ni Mang Jobert na huwag basta-basta magtitiwala sa iba lalo na kung pera ang pag-uusapan. Naging mas mapanuri at maingat na rin siya pagdating sa mga dokumento at usaping negosyo.