Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal - Inday Trending

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal

Araw-araw ay nakakatanggap ng liham si Liyan mula sa kaniyang secret admirer. Sa tuwing binubuksan niya ang kaniyang locker ay may naghihintay na sulat para sa kaniya kaya labis ang pag-aasam niya na makilala ang binatang nagpapadala nito.

Hanggang isang araw ay nakita niya ang kaniyang kaklaseng si Jake na malapit sa kaniyang locker. Nung lumapit siya dito ay agad nagtapat sa kaniya ng pagsinta ang binata.

“Ikaw ba ang nagpapadala ng mga sulat sa akin?” tanong ni Liyan. “Nabuko mo na ako, Liyan. Matagal na kasi akong may gusto sa’yo. Kaso hindi ko alam kung paano ko sasabihin kaya idinadaan ko na lang ang lahat sa liham. Narito ako para sana magpaalam kung puwede ba kitang ligawan,” sambit ng binata.

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal

Dahil sa effort na pinakita ng binata ay pumayag naman si Liyan. Hindi nagtagal ay naging magkasintahan ang dalawa.

Ngunit labis na kalungkutan ang naramdaman ni Liyan pagkalipas ng dalawang taon na magkarelasyon sila ng binata sapagkat napagdesisyunan ni Jake na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa ibang bansa.

“Sandali lang naman ang dalawang taon, babe. Hindi mo mamamalayan ang pagdaan ng mga araw. Bukas makikita mo paggising mo ay kasama mo na ako muli,” sambit ni Jake kay Liyan.

“Alam ko naman ‘yon, babe. Pero hindi mo maiaalis sa akin ang malungkot. Iba kasi kapag malayo ka at hindi kita nakakasama. Alam mo kung gaano ko nais na makasama ka sa araw-araw,” tugon ni Liyan.

“Dalawang taon lang ako mawawala, Liyan. Tsaka para sa atin ang ginagawa kong ito,” sambit ng binata.

Hindi nagtagal ay tuluyan na ngang natungo sa Japan si Jake upang mag-aral. Naiwan naman si Liyan na malungkot at laging nag-iisa. Naging maayos naman ang kanilang relasyon sapagkat palaging tinatawagan ng binata ang dalaga.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nagbago ang pakikitungo ni Jake kay Liyan.

Lingid sa kaalaman ng dalaga ay palagi siyang pinagmamasdan ng matalik na kaibigan ni Jake na si Kobe. Nung isang beses na nakita nito na umiiyak si Liyan ay hindi na nito napigilan pa ang kaniyang sarili na lapitan ang dalaga.

“Sa tingin ko ay kailangan mo ito,” sambit ni Kobe kay Liyan habang iniaabot niya ang isang panyo. “Huwag ka nang umiyak diyan. Hindi bagay sa’yo ang nalulungkot,” dagdag pa nito.

“Puwede ko bang malaman ang dahilan ng pagluha mo?” tanong muli ni Kobe. “Wala naman, Kobe. Namimiss ko lang talaga si Jake. Iba pa rin ‘yung nandito siya,” sambit ni Liyan.

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal

Dahil ayaw ni Kobe na nakikita niya si Liyan na malungkot ay sinamahan niya ito pansamantala. Alam niyang hindi matatapos ang kalungkutan na nararamdaman ni Liyan hangga’t hindi nakakabalik si Jake.

Sinikap ni Kobe na hanggang wala pa si Jake ay parati siyang nariyan upang masandalan ni Liyan sa oras ng kalungkutan. Nakahanap naman ng isang kaibigan si Liyan sa katauhan ng binata.

Dahil palaging sinasamahan ni Kobe si Liyan ay hindi maiwasan ng dalaga na mahiya na dito.

“Pasensiya ka na sa akin, Kobe. Minsan naiisip ko na parang pabigat na ako sa buhay mo. Hindi mo tungkulin na samahan ako pero ngayon ay nandito ka sa tabi ko,” sambit ni Liyan sa kaibigan.

“Walang anuman, Liyan. Kaibigan mo ako. Masaya naman ako sa ginagawa kong pagsama sa’yo. Alam ko kasing mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon,” saad ni Kobe.

“Si Jake kasi. Isang linggo na siyang hindi nagpaparamdam sa akin. Matagal nang malamig ang pakikitungo niya sa akin. Ang sabi niya sa akin ay abala lang daw siya sa dami ng reports na kailangan niyang tapusin,” wika ng dalaga.

“Ayokong pag-isipan siya ng masama, Kobe. Pero ang hirap lang kasi. Sobrang miss ko na siya pero nararamdaman kong hindi niya ako namimiss,” malungkot na pahayag ni Liyan.

“Kilala ko si Jake, Liyan. Hindi siya magloloko. Alam ko kung gaano ka niya kamahal kaya huwag ka nang mag-isip ng kung ano pa man. Kung gusto mo ay mamasyal na lang tayo. Saan mo gustong pumunta?” paanyaya ng binata.

Sinamahan ni Kobe si Liyan sa mall tsaka sila kumain.

Kahit na anong pilit ng dalaga na iwaglit sa kaniyang isipan si Jake at ang panlalamig nito sa kaniya ay hindi niya magawa. Maya’t maya pa rin ang tingin niya sa kaniyang telepono para tignan kung nagparamdam na ba ang kaniyang kasintahan ngunit wala siyang natanggap na mensahe mula dito.

“Alam mo, Kobe, naaalala ko ‘yung mga panahong nililigawan pa lang ako ni Jake. Nung mga panahong may lihim pa siyang pagtingin sa akin. Palagi siyang nag-iiwan ng mga sulat sa locker ko sa school. Hanggang ngayon ay tinatago ko pa ang mga ito,” kuwento ng dalaga.

“Wala akong ibang hilig gawin sa bahay kung ‘di basahin ang mga liham na ibinigay niya sa akin noon. Doon na lang ako kumukuha ng lakas ng loob upang kumapit sa aming relasyon. Sana ay hindi na lang natapos ang ganoong pagtingin niya sa akin,” pahayag ni Liyan.

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal

Kita ni Kobe ang lungkot sa mga mata ni Liyan kaya ginawa niya ang lahat upang lumigaya ito. Nanood sila ng sine, tinuruan niyang mag-gitara ang dalaga at maging sa paggawa ng kanilang mga asignatura ay kasa-kasama ni Kobe si Liyan.

Unti-unting nawala ang kalungkutang nadarama ng dalaga. Halos nakalimutan na niya ang kaniyang paghihintay sa kasintahan.

Hindi maintindihan ni Liyan ngunit tila nagkakaroon na siya ng damdamin para kay Kobe. Nakita niya kasi ang laki ng kaibihan nito sa kaniyang kasintahan at kahit kailan ay hindi pa nagawa sa kaniya ni Jake na unahin siya sa kahit na anong bagay.

Habang lumalalim ang nararamdaman ni Liyan para kay Kobe ay ganoon na lamang ang paglayo ng kaniyang puso kay Jake.

Ayaw niyang magtaksil sa kaniyang kasintahan kaya isinantabi niya ang tinitibok ng kaniyang puso. Hindi niya rin alam kung parehas ba sila nang nararamdaman para sa isa’t isa kaya naman pilit niyang binabalewala ang sinisigaw ng kaniyang puso.

Isang araw ay laking gulat na lamang ni Liyan nung bigla na lang bumalik ng bansa si Jake upang magbakasyon sa Pilipinas. Humingi ito ng tawad sa kaniya.

Hindi maintindihan ni Liyan kung bakit hindi na siya ganoong kasaya na makita muli ang kasintahan.

Dahil sa pagbabalik ni Jake ay pilit na itinuon ni Liyan ang kaniyang pag-ibig sa kasintahan sapagkat ang akala niya ang nararamdaman niya para kay Kobe ay bunga lamang ng kaniyang pagkasabik kay Jake.

Ngunit malaki ang pinagbago ni Jake lalo na nang malaman nito na laging nakakasama ni Liyan ang kaniyang matalik na kaibigan. Naging mainitin na ang ulo ng binata at madalas nitong pinagdududahan ang dalaga. Ang simpleng ‘di pagkakaunawaan na dalawa ay palaging nauuwi sa matinding away.

Hindi maunawaan ni Liyan kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Jake sa kaniya na umabot pa sa puntong nagawa siyang pagbuhatan ng kamay ng kasintahan.

Nang maabutan ni Kobe ang pananakit na ginagawa ni Jake kay Liyan nung binisita niya ang dalaga ay agad niyang sinapak ang kaniyang kaibigan at pinalayo ito kay Liyan.

Nagpatuloy sa pag-aaway ang dalawa at pilit naman silang inaawat ni Liyan. “Tigilan niyo na ‘yan!” sigaw ni Liyan.

“Mang-aagaw ka, Kobe!” galit na bulalas ni Jake.

“Ako ba talaga ang mang-aagaw, pare, o ikaw?” sambit ni Kobe.

Naguluhan si Liyan sa sinabi ng binata.

“Bakit hindi mo aminin ngayon kay Liyan ang totoo, pare!” hamon ni Kobe.

“Aminin ang ano?” nagtatakang tanong ni Liyan.

“Bakit hindi mo sabihin kay Liyan na ako naman talaga ang may gusto sa kaniya noon at alam mong interesado ako sa kaniya. Aminin mo sa kaniya na ako ang nagpapadala sa kaniya ng mga liham noon at hindi ikaw,” sambit ni Kobe kay Jake.

“Totoo ang narinig mo, Liyan. Matagal na kitang minamahal. Ngunit nung sinabi sa akin ni Jake na gusto ka niya at nais ka niyang ligawan ay pilit kong kinalimutan ang nararamdaman ko para sa’yo dahil mas pinahalagahan ko ang pagkakaibigan namin. Pinalabas niya na siya ang nagpapadala sa iyo ng mga sulat,” pag-amin ng binata.

Lubusan ang panliliit na naramdaman ni Jake kaya galit na galit niyang iniwan ang dalawa.

“Magsama kayo! Tutal ‘yan naman ang gusto niyo, ‘di ba?” wika ni Jake.

Lubos na ikinagulat ni Liyan ang kaniyang narinig. Kaya pala ganoon na lamang kadaling nahulog ang kaniyang loob kay Kobe ay dahil matagal na niya pala itong minamahal dahil sa mga sulat na ibinigay nito noon sa kaniya.

Hindi Pala Siya ang Tunay Kong Mahal

Hindi na napigilan pa ni Liyan na aminin ang kaniyang nararamdaman sa binata.

“Mahal kita, Kobe. Hindi ko alam kung bakit ang t*nga ko at hindi ko man lang nalamam na ikaw pala talaga ang minamahal ko,” sambit ni Liyan.

Lubusang ikinatuwa ni Kobe ang kaniyang narinig mula sa dalaga. Hindi magkamayaw ang kaniyang tuwa nang malaman niyang minamahal din pala siya ng dalaga. Buong saya niyang niyakap si Liyan.

Mula noon ay pormal nang niligawan ni Kobe si Liyan. Hindi nagtagal ay sinagot din naman siya ng dalaga.

Samantala, bumalik naman ng Japan si Jake at maluwag na sa kaniyang loob na tanggapin ang relasyon ng dalawa.

Naging masaya ang relasyon nina Liyan at Kobe. Kahit kailan ay hindi nagbago ang pagtingin at pagtrato ni Kobe sa dalaga.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.