Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Nakaraan o Kasalukuyan? - Inday Trending

Nakaraan o Kasalukuyan?

“Pa-kiss nga!” paglalambing ni Keilsey sa nobyo niyang si Mark habang inginunguso pa ang mga labi nito sa binata. Natawa naman ang binata sa inasta ng kasintahan. Natatawa kasi talaga siya pag naglalambing ang nobya dahil para itong bata kung umasta.

Inihatid niya ang dalaga sa bahay nito pagkatapos sunduin sa trabaho. Ito ang tungkulin niya araw-araw sa nobya, ang ihatid at sunduin ito sa trabaho araw-araw. Nang sa gayon, gaano man sila kaabala sa trabaho ang may oras pa rin silang dalawa sa isa’t isa.

“Pumasok ka na nga sa inyo at gabi na. Baka mapagalitan ka pa,” natatawang sagot niya sa nobya at mahinang pinitik ang mga nakangusong labi nito.

“Aray ha? Okay. Sige. Bye,” padabog na sagot ng dalaga at akmang papasok na sa loob ng gate ng bahay nito nang bigla siyang hablutin ng nobyo at marahang hinalikan sa noo.

“Goodnight. See you tomorrow,” mahina ngunit napaka-lambing na usal ni Mark sa kaniyang kasintahan na nagpipigil naman ng kilig.

Tumingala si Keilsey sa binata at binigyan ito ng matamis na ngiti habang nakatingin sa kaniyang mga mata. Mahal na mahal ni Keilsey ang kanyang nobyong si Mark. Sa sobrang pagmamahal niya rito, pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya anumang oras kapag kasama niya ang binata.

“I love you,” sagot ni Keilsey sa nobyo.

“I love you,” tugon din ni Mark sa kaniyang kasintahan bago niya ito tuluyan ng pinapasok sa loob ng bahay nito. Napangiti naman si Mark habang pinagmamasdan ang likod ng dalaga habang papasok na ito sa loob ng kanilang bahay. Hindi si Keilsey ang kaniyang unang pag-ibig, ngunit nasisigurado niyang ang dalaga ang kaniyang tunay na pag-ibig.

Nakilala niya si Keilsey tatlong taon na ang nakalilipas. Ito yung mga panahong sobra siyang nasaktan dahil sa kaniyang unang pag-ibig. Sobra siyang nasaktan sa ginawang pag-iiwan at pangtataboy sa kaniya ng babaeng minamahal na bigla na lamang siyang nagbago. Naging masungit at mainitin ang kaniyang ulo.

Isang doktor si Mark at isa namang intern si Keilsey ng mga panahong iyon. Bago at nagsisimula palang si Keilsey noon sa ospital. Madalas siyang kinakabahan at nagkakamali kaya naman parati siyang nasisigawan ni Doctor Mark Sanchez.

Hindi alam ni Mark kung bakit pero nakikita niya palang ang nakangiting mukha ng dalaga ay naiinis na siya. Paano nagagawa ng dalaga na ngumiti ng ganoon na parati naman itong napapagalitan at nasisigawan sa ospital, hindi lang sa kanya kundi pati na rin sa iba pang mga doktor. Saan ito kumukuha ng lakas ng loob na ngumiti sa kabila ng mga paghihirap na dinaranas nito araw-araw.

Hindi namalayan ni Mark na parati na siyang nakatingin sa dalaga, parating nakamasid. Nakita niya kung gaano ka buti ang puso ng dalaga. Lahat ng kaniyang pwedeng matulungan ay tinutulungan ng dalaga ng walang pag-aalinlangan. Hindi rin nawawalan ng mga ngiti si Keilsey sa kanyang mga labi na mas lalong nagpapaganda sa mukha ng dalaga.

Unti-unting gumaan ang loob niya sa dalaga at nagsimulang maging mabait rito. Paminsan-minsan, hindi man niya ipinapahalata, ay tinutulungan niya na rin ang dalaga sa tuwing napapagalitan ito.

Naging malapit ang loob nilang dalawa sa isa’t isa hanggang sa umamin si Mark sa kanyang nararamdaman sa dalaga ng may mga nag-umpisang manligaw sa dalaga na kapwa niya doktor. Doon napagtanto ni Mark na mahal niya na pala ang dalaga.

Labis na tuwa rin naman ni Mark ng malamang iniibig na rin pala siya ng dalaga. Nanligaw siya rito ng halos isang taon bago siya sagutin ng dalaga, at ngayon nga ay malapit na ang kanilang pangalawang anibersaryo at plano niya ng alukin ng kasal ang dalaga.

Masayang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan si Mark habang tinitingnan sa kaniyang kamay ang singsing na gagamitin niya mamaya para alukin ang nobya na pakasalan siya. Bagama’t kinakabahan sa magiging sagot ng kasintahan ay nasasabik na rin siyang magkita sila.

Malapit na siya sa lugar kung saan sila magkikita ng bigla na lamang may tumawag sa kanya. Si Trisha. Ang pinakamatalik niyang kaibigan at unang babaeng minahal siya. Tumawag ito para ipaalam sa kaniya na nagbalik na ito sa Pilipinas at na gusto siya nitong makita sa lalong madaling panahon.

Natigilan naman si Mark sa kaniyang mga narinig at tinitigan ang singsing na hawak sa kaniyang mga kamay at biglang kinabig ang manibela para puntahan ang babaeng tumawag sa kaniya. Tatlong taon siyang iniwan ni Trisha, ng kaniyang unang pag-ibig. Ang babaeng una niyang minahal ng labis. Ngayon naman ay nakabalik na ito at nais niyang marinig ang mga sasabihin nito sa kanya.

Pagkarating niya sa bahay ni Trisha ay agad siyang niyakap ng mahigpit ng dalaga.

“Mark! Sobrang namiss kita!” masayang salubong ni Trisha sa matalik na kaibigan. Ngumiti lamang si Mark at tinitigan siya.

“Anong kailangan mo at bumalik ka sa Pilipinas? At bakit mo ako pinapunta rito?” malamig niyang tanong sa dalaga.

“Oh come on, don’t be such a stranger Mark. Bata pa lamang tayo ay matalik na tayong magkaibigan. Masama ba kung bumalik ako rito nang malaman ko mula kay Tita na may balak ka na raw alukin ng kasal ang panakip butas mo?” Pa-inosentong tanong ni Trisha sa binata.

“Wag na wag mong tatawaging panakit butas si Melissa. Mahal ko siya,” marahang sagot ni Mark sa dalaga.

“Pero mahal mo rin ako,” para bang nakakasiguradong ganti ni Trisha sa pahayag ng binata.

“Minahal. Nakaraan,” pagtatama ni Mark sa sinabi ng kaibigan. Hinawakan naman ni Trisha ang kamay ng binata.

“Mark please, stop this. Umuwi na ako oh! Handa na akong mahalin ka. Pwede nang maging tayo,” nagsusumamong saad ng dalaga kay Mark. Tinanggal naman ni Mark ang mga kamay ng dalaga na nakahawak sa mga kamay niya.

“Hindi ako laruan na pwede mong itapon o balikan sa kung anumang oras na gustuhin mo. Pasensya na Trish, pero hindi na kita mahal. Pumunta lang ako rito para ipaalam sa’yo at sabihin sa’yo na mahal ko si Keilsey at ‘wag mo na kaming guguluhin.

Kahit bilang respeto na lang sa pagiging matalik nating magkaibigan ng mahigit sa sampung taon. Ikaw man ang una kong pag-ibig at inaamin kong lubos kitang minahal, at ikaw mismo ang sumayang doon. Si Keilsey na ang mahal ko ngayon, siya ang aking kasalukuyan at hinaharap. Siya ang babaeng gusto kong makasama ko sa aking buong buhay hanggang sa aking pagtanda.

Siya ang nagbalik ng liwanag sa mundo ko nang dumilim ito dahil sa’yo. Paalam, Trisha. Panalangin ko ay makahanap ka rin ng lalaking lubos na magmamahal sa’yo at paliligayahin ka, dahil hindi na ako iyon,” sa huling pagkakataon ay niyakap ni Mark ang matalik na kaibigan at umalis na upang puntahan ang babaeng matiyaga siyang hinihintay. Ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay.

Buong pusong tinanggap ni Keilsey ang alok na kasal ng kaniyang pinakamamahal na kasintahan. Makalipas lamang ang isang taon ay ikinasal na sila ni Mark at agad din namang biniyayaan ng kambal na anak.

Masayang-masaya si Mark habang nakatingin sa kaniyang mag-iina habang mahimbing na natutulog. Nabigo at sobra man siyang nasaktan sa kaniyang unang pag-ibig, labis na kaligayahan naman ang hatid sa kaniyang buhay ng kaniyang tunay na pag-ibig. Sabi nga nila, inilalayo raw tayo ng ating Diyos Ama sa mga tao o bagay na hindi para sa atin at siguradong makakasama sa atin. Huwag mag-alala kung tayo man iwan ng taong labis nating mahal, dahil ang tamang tao ay kailanman hindi tayo iiwan. Maghintay at magtiwala lamang.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.