“Pa, gusto ko po ng bagong cell phone. ‘Yung maganda ‘yung camera, ha! Regalo mo sa akin sa birthday ko,” bungad agad ni Kimberly sa ama na kararating lang galing sa trabaho.
Kahit bakas ang pagod sa mukha ng ama ay malaki ang ngiti na tumango ito tanda ng pagpayag sa kapritso ng anak.
Nag-iisang anak kasi si Kim at sanay na sanay ito na nakukuha ang gusto. Kaya naman kahit mababa lamang ang kinikita ng ama sa pagiging taxi driver ay pilit pa rin nitong tinutustusan ang luho ng anak.
“Yehey! Salamat po, papa!” Yumakap si Kimberly sa ama at nagsimula nang magtanong. “Gusto mo po ng kape?” malambing nitong tanong.
Napailing na lang si Mang Carding sa inasta ng anak. Napakagaling talaga nito mang-uto. Napapailing ngunit napapangiting tumango na lang siya sa anak.
“Kailangan kong mag-overtime sa pamamasada ng ilang linggo para maibigay ang hinihiling na cell phone ni Kimberly,” sa isip-isip ni Mang Carding habang pinapanood ang anak na kumakanta-kanta pa habang hinahalo ang kapeng tinitimpla nito para sa kaniya.
Nang mga sumunod na araw ay tuluy-tuloy ang pamamasada ni Mang Carding upang makaipon ng pera na ipapambili ng cell phone ng anak.
“Carding, bakit naman gabing-gabi ka na parati umuwi?” sita ni Aling Lina sa kaniyang asawa isang gabi. “Ah, alam mo naman si Kimberly. Malapit na ang kaarawan kaya gusto ko ding bilihan ng inuungot niyang cell phone,” natatawang sabi ni Mang Carding sa asawa.
Napabungtong-hininga na lang si Aling Lina. “Sasabihan ko nga ‘yang si Kimberly. Kung anu-ano ang hinihingi na hindi naman mahalaga!” mayamaya ay sabi nito.
“Naku! Hayaan mo na ang bata. Alam mo namang kaligayahan ko na ang makita na makuha ni Kimberly ang mga bagay na gusto niya,” pakiusap ni Mang Carding sa asawa.
“Sandali lang naman ito. Kapag nakaipon na ako ng sapat na pera ay babalik na ako sa dati kong oras ng pamamasada,” pangako pa niya.
“Basta mag-iingat ka! Napakarami pa namang masasamang loob na nagkalat ngayon,” nakasimangot pa ding sabi ni Aling Lina.
“Oo naman!” pangako ni Mang Carding sa asawa.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Tatlong araw na lang at kaarawan na ni Kimberly kaya naman excited na excited siya dahil alam niyang tutuparin ng kaniyang ama ang ipinangako nitong cell phone sa kaniya. Wala pang pangako ang ama na hindi nito tinupad.
“Wala kang hihilingin na hindi ko ibibigay, anak,” Naalala niya pa nung sinabi ito ng kaniyang ama nung bata pa siya.
Samantala, si Mang Carding ay masayang-masaya dahil sa wakas ay nakabili na siya ng cell phone para sa anak. “Paniguradong matutuwa si Kimberly,” iyon ang nasa isip niya habang pauwi na.
Gagarahe na sana siya para sa araw na ‘yun ngunit may pumarang lalaki malapit sa pinagbilhan niya ng cell phone. Lalampasan niya na sana ito pero nanghinayang siya sa kikitain niya kaya naman hinintuan niya ito.
Hindi kagaya ng iba na sa likod pumupuwesto, ang kaniyang pasahero ay sa tabi niya umupo.
“Ayaw niyo ho sa likod pumwesto, sir?” magalang na tanong niya sa lalaki. “Mas sanay ho ako dito,” maikling sagot nito.
Hindi na lamang siya nagsalita at sinimulan nang magmaneho papunta sa destinasyon ng lalaki.
Mayamaya ay napansin niya na tila balisa ito at hindi komportable sa kinauupuan nito. “Naiinitan ho ba kayo, sir?” Akmang lalakasan niya ang aircon nang magsalita ito.
“Ihinto mo sa tabi, manong,” mababa ang boses nito.
Agad niya naman inihinto ang sasakyan. Nagtaka pa siya dahil malayo pa ang lugar na iyon sa pupuntahan ng kaniyang pasahero.
“Holdup ito,” sabi ng pasahero pagkahinto ng taxi.
Nahihintakutang napatingin siya sa lalaki na ngayon ay nakalabas na ang kutsilyong nakatago sa tagiliran nito. Kaya pala mukhang hindi ito komportable kanina.
Pasimple niya sanang itatago ang cell phone na binili niya para sa anak ngunit napunta ang tingin nito sa paper bag na hawak niya.
“Regalo ko ‘to sa anak ko,” mahinang pakiusap niya sa lalaki.
“Wala akong pakialam! Ibigay mo sa’kin ‘yan at ang pera mo kung ayaw mong masaktan!” asik ng holdaper.
Umiiling na niyakap ni Mang Carding ang paper bag. “Malulungkot si Kimberly kapag hindi ko naibigay ang pangako kong cell phone!” sa isip-isip niya.
Nakipag-agawan ang holdaper subalit talagang matindi ang kapit ni Mang Carding sa paper bag.
Ngunit mayamaya lang ay tila nawalan siya ng lakas dahil sa matinding sakit na naramdaman niya sa kaniyang tagiliran. Pagtingin niya ay nakatusok na doon ang kutsilyo na kanina ay hawak ng lalaki.
Sa kaniyang nanlalabong paningin ay nakita niya ang matinding pagkabigla na bumadya sa mukha ng holdaper habang nakatingin sa kaniyang tagiliran. Mayamaya ay nagmamadali itong kumaripas ng takbo palabas ng kaniyang taxi.
Napangiti pa si Mang Carding nang makitang hindi nito nakuha ang cell phone mula sa kaniya bago siya tuluyang nagpatalo sa matinding antok na nararamdaman.
Gumagawa ng assignment si Kimberly nang humahangos na bumungad sa kaniya ang ina. “Kimberly! Nasaks*k daw ang papa mo!” At tumakbo na ito palabas ng bahay.
Tila bumagsak ang kaniyang puso sa narinig at dali-daling sumunod sa kaniyang ina. Habang papunta sa ospital ay baon niya ang piping hiling na makaligtas mula sa kapahamakan ang kaniyang ama.
Nang dumating sa ospital ay nalaman niya na ligtas na mula sa panganib ang kaniyang ama. Nanatili ang panginginig ng kaniyang ina kaya naman napagdesisyunan niyang bumili ng maiinom para dito.
Habang naglalakad ay naulinigan niya ang pag-uusap ng dalawang pulis na nauuna sa kaniya.
“Kawawa naman ‘yung taxi driver na isinugod natin dito,” sabi ng mas nakababatang pulis. “Oo nga. Ang tindi ng kapit dun sa cell phone kaya nas*ksak, eh,” sagot naman nung isa.
“Para daw sa anak niya, eh. Sabi ng driver dun sa holdaper,” napapalatak na sabi naman ng nakababatang pulis.
Tila nanghina sa narinig si Kimberly. Tila yata dahil sa kaniya kaya napahamak ang ama.
Kaya naman nang magising ang kaniyang ama matapos ang operasyon nito ay umiiyak na yumakap siya dito. “Papa, ito po ang pinakamagandang regalo mo sa akin.”
“Ah, nakita mo na ang regalo kong cell phone? Nagustuhan mo ba?” tanong ng ama habang hinahaplos ang kaniyang buhok.
“Hindi po ang cell phone, pa. Ito. Itong nanatili kang ligtas para sa amin. Sorry po kung masyado akong naghangad. Hindi na po ako hihingi ng mga bagay na hindi ko naman kailangan simula ngayon,” umiiyak na hingi niya ng paumanhin sa butihing ama.
“Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, anak. Kaligayahan ko ang makita kang masaya at nakukuha mo ang gusto mo,” sabi ng ama.
Mas lalo lamang naiyak si Kimberly sa sinabi nito.
Alam na niya kung ano ang mas mahalaga ngayon. Alam niya na na walang materyal na bagay ang hihigit pa sa pagmamahal na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang ama. Wala na siyang ibang hahangarin pa.