Inday TrendingInday Trending
Ako na lang Kasi!

Ako na lang Kasi!

Nakatingin lang sa screen ng kaniyang cell phone si Denise habang tuluy-tuloy na tumutulo ang kaniyang mga luha. Nakita niya lang naman sa status ng kaniyang crush na si Louie na may bago na itong girlfriend. Akala niya pa naman ay sa wakas ay may pag-asa na siya sa binata. Matagal niya na kasing minamahal ang binata pero hanggang sa malapit na kaibigan lang talaga ata ang tingin nito sa kaniya.

Nitong huli kasi ay napapadalas ang kanilang paglabas-labas at mas naging malapit pa sila sa isa’t isa. Para na nga silang mag-MU kung titignan, eh. Mula umaga hanggang gabi ay magka-chat sila. Ipinapaalam ang ginagawa ng isa’t isa. Nagpapaalam sa isa’t isa kung may lakad o bago gawin ang isang bagay.

Kaya akala talaga ni Denise ay may something na sa kanilang dalawa. Akala niya ay sa wakas ay napapansin na din siya ng binata gaya ng pagtingin niya rito.

Pero heto siya ngayon. Umiiyak dahil umasa lang pala siya. Pinaasa at pinaikot lang pala siya ng lalaking minahal niya. Sadyang napakat*nga niya lang talaga ata pagdating kay Louie. May mga nanliligaw din naman kasi sa kaniya pero kay Louie nakatingin ang kaniyang mga mata. Ito kasi ang itinuturing niyang dream guy kaya naman ilang taon niya na talaga itong minamahal ng palihim.

“Denise, ito nga pala si Sheila, girlfriend ko. Babe, siya pala si Denise, best friend ko,” pagpapakilala ni Louie sa dalawang babae sa isa’t isa.

“Hi, I’m Denise. Nice to meet you,” nakangiting saad ni Denise kahit sa loob-loob niya ay gustung-gusto niyang magwala sa harapan ng mga ito. Hindi man lang siya na-informed na matalik pala silang magkaibigan ng binata! Akala niya may something pero best friends lang pala para sa binata. Parang gusto niya tuloy sapakin bigla si Louie.

“Hello, nice to meet you din. I’ve heard so much about you. Parati kang nakukuwento sa’kin ni babe. Kaya nga minsan ay nagseselos na ako, eh. But no worries. I know naman na hanggang best friends lang talaga ang turingan niyong dalawa, eh,” nakangiting sagot ni Sheila.

Hindi alam ni Denise pero kahit na nakangiti ang dalaga ay para bang naiinis ito. Naiirita siya.

Pero siyempre bilang matalik na kaibigan kuno ni Louie ay tinanggap niya si Sheila sa buhay nila at pinakisamahan ng maayos. Kahit na masakit sa kaniya ay pinilit niya ang sarili na kalimutan ang nararamdamang niya para kay Louie at ginampanan ng maayos ang kaniyang pagiging best friend sa binata.

Napaka-supportive friend niya sa relasyon nito kay Sheila. Sa tuwing may problema ang dalawa o sa tuwing sosorpresahin ng binata si Sheila ay parating nariyan si Denise at nakaalalay sa dalawa. Kulang na nga lang ay parangalan siyang pinakadakilang martir ng taon sa mga ginagawa niya, eh.

“Hay!” malakas na napabuntong-hininga si Denise sabay higa sa malambot niyang kama.

Kakauwi niya lang kasi galing sa sorpresang ginawa nila ni Louie para sa girlfriend nitong si Sheila. Pagod na pagod talaga siya dahil pinagsuot pa talaga siya ng mascot ng binata. Wala naman siyang magawa dahil hindi rin siya makatanggi kay Louie. Sobrang rupok niya talaga pagdating sa binata.

“Ikaw kasi, eh. Bakit ba kasi nagpapakat*nga ako sa’yo ng ganito?” saad niya sa larawan nilang dalawa ni Louie na nakasabit sa dingding ng kwarto niya.

Mayamaya lang ay nakatanggap siya ng tawag mula sa binata kaya naman agad niya itong pinuntahan sa condo unit nito. Naabutan niya itong nagpapakalunod sa alak.

Agad niya namang inagaw ang hawak nitong bote at kinausap ito ng maayos. Tinanong niya kung ano nga ba ang nangyari pagkatapos niyang umalis.

Inalok pala ng binata si Sheila ng kasal ngunit tinanggihan ito ng dalaga at nakipaghiwalay sa binata. Nagmakaawa si Louie kay Sheila pero matagal na pala itong nagbabalak na hiwalayan siya dahil may relasyon din ito sa boss niya.

Nanatili lang si Denise sa tabi ni Louie hanggang sa mag-umaga.

Araw-araw ay ginagawa ng dalaga ang lahat para mapasaya si Louie hanggang sa unti-unting bumalik ang dating sigla nito.

Sa mga panahong lugmok at pakiramdam ni Louie na napakadilim ng kaniyang mundo ay si Denise ang nagsilbing liwanag niya at binalik siya sa tamang daan. Doon niya napagtanto na mahal niya pala ang dalaga. Hindi lamang bilang matalik na kaibigan kung ‘di mas malalim pa roon.

Pinilit niyang kumbinsihin ang sarili na hanggang sa matalik na kaibigan lamang silang dalawa dahil natatakot siya na baka mawala sa kaniya ang dalaga.

Dinala ni Louie si Denise sa pinakapaborito niyang lugar. Sa isang burol kung saan makikita mo ang malawak na langit at mga butuin sa gabi.

Napaka-perfect ng gabi kaya naman ngayon balak ng binata na umamin sa dalaga sa kaniyang tunay na nararamdaman.

“Denise, huwag ka sanang mabibigla at sana ay maniwala ka sa sabibihin ko,” panimula ni Louie bago bitawan ang mga salitang nais niyang sabihin sa dalaga.

Tinignan niya sa mata si Denise at buong pusong sinabing, “Mahal kita, Denise.”

Sunud-sunod na naglaglagan ang mga luha sa mga mata ni Denise. Kay tagal niyang hinintay ang mga salitang iyon mula sa binata kaya naman hindi na napigilan ng dalaga ang sarili at bigla niyang hinalikan si Louie. Isang halik na puno ng pagmamahal.

“Mahal na mahal din kita. Simula pa nung una,” mahinang sambit ng dalaga pagkatapos ng kanilang halik at ipinatong ang kaniyang noo sa noo ng binata at pinikit ang kaniyang mga mata.

Sa wakas ay nagkatotoo na ang matagal niyang pinapangarap ang mahalin din siya ni Louie, ang lalaking matagal na niyang minamahal ng palihim.

Advertisement