Isa ang San Sebastian sa pinakamaganda at pinakamasagana na isla sa Pilipinas. Dahil nga ito’y isang isla ang pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan roon.
Araw-araw ay masaya ang mga mamamayan dahil parating masagana ang karagatan at marami silang nahuhuli. Maunlad ang bayan ng San Sebastian dahil sa biyaya ng karagatan sa kanila.
Ngunit unti-unti itong nagbago nang magsimula ang pagpapatayo ng mga istrukturang pangkomersyal at ng pabrika sa kanilang bayan dahil sa kagustuhang humabol sa pag-unlad ng mga siyudad. Nagsimulang pabayaan ng mga tao ang karagatang pinagkukunan nila ng kanilang pangunahing kabuhayan.
Maraming namam*tay na mga isda dahil sa mga basura at mga kemikal na nanggagaling sa pabrika. Nagkalat din ang mga plastik at iba pang naglalakihang basura sa karagatan kaya naman madalas may lumulutang na mga isda at iba pang mga lamang dagat dahil sa pagkalason. Marami na ring natagpuang namam*tay na mga rare species gaya ng mga pawikan, dolphin at mga balyena dahil sa kapabayaan ng mga mamamayan ng San Sebastian.
Ang dating maunlad na isla ay unti-unting lumubog ang ekonomiya. Para bang pinarusahan sila ng kalikasan at ni isang isda o lamang dagat ay wala na silang makita o mahuli. Para bang nagsi-alisan na ang lahat ng mga ito.
“Paano ba ‘yan? Wala na naman tayong huli ngayong araw! Mangungutang na naman tayo sa tindahan ni Aling Nena. Sana naman ay magpautang pa siya kahit mga de-lata at bigas lang,” saad ni Mang Raul sa kasamahang si Mang Lito.
“Oo nga, eh. Ako rin, eh, mukhang sa tindahan din ni Aling Nena ang bagsak,” tugon ni Mang Lita. Napakamot na lang sa kaniyang ulo ang lalaki habang iniisip ang nagpatung-patong na nilang utang dahil sa ilang linggo nang wala silang huli.
Dumaan pa ang ilang linggo at wala pa rin silang nahuhuli na kahit anumang lamang dagat.
Dahil sa wala na silang makain ay isa-isa nang nagsisi-alisan ang mga mamamayan. Lumipat sila sa mga karatig isla at naghanap ng ibang pagkakakitaan para mabuhay ang kanilang mga pamilya.
Isa sa mga pamilyang nagpaiwan sa isla ng San Sebastian ang pamilya nila Mang Raul at Mang Lito. Dito na sila ipinanganak kaya naman ayaw talaga nilang lisanin ang isla. Araw-araw ay hindi sila nagsasawang sumubok na magpalaot para manghuli at nagbabakasakaling may mahuli na.
“Saan na naman kayo pupunta? Magpapalaot na naman kayo? Eh, wala na nga kayong mahuhuli sa karagatan! Nagsi-alisan na ata lahat ng mga isda, eh! Tumigil na kayo at maghanap na din ng ibang trabaho sa ibang isla o bayan! Hindi ba kayo naaawa sa amin ng inyong mga anak?” Ito ang madalas na sabihin ng mga asawa nina Mang Raul at Mang Lito. Ngunit parang bingi ang dalawa at ipinagpatuloy lang ang kanilang paglaot araw-araw.
Hanggang sa isang araw ay may kumagat sa kanilang pain at pumasok sa kanilang lambat.
Mukhang malaking huli ito dahil sa bigat kaya naman labis na natuwa ang dalawa at sabik na hinila ang lubid ng lambat hanggang sa maiangkat na nila ang kanilang huli.
Unti-unti nilang nakita ang buntot nito. mukhang isang napakalaking isda ang nahuli nila. Paniguradong matutuwa ang kanilang pamilya!
Ngunit laking gulat nila nang makita kung ano ang kanilang nahuli.
Isang batang babaeng may buntot ng isda! Isang batang sirena ang kanilang nahuli! Naghihina ngunit patuloy pa rin itong nagpupumiglas.
Nagkatinginan lamang ang dalawang lalaki. Parehong hindi makapaniwala sa kanilang nakikita.
Iniuwi nila ang batang sirena at inilagay sa isang malaking drum na lalagyan ng kanilang tubig. Pinuno nila ito ng tubig dagat at ikinulong doon ang batang sirena.
“Ano na ang gagawin natin sa batang sirena?” pabulong na tanong ni Mang Lito sa kasamahan.
“Hindi ko pa alam. Pero maaari nating pagkakitaan iyon. Magtayo kaya tayo ng perya? O ibenta na lang natin sa may-ari ng perya sa Maynila. Paniguradong tiba-tiba tayo diyan,” puno ng pagkasabik na sagot ni Mang Raul sa lalaki.
“Sigurado ka ba? Hindi kaya tayo parusahan ng kalikasan sa gagawin nating iyan? O baka gantihan tayo ng sirenang iyan!” may bahagyang takot na maririnig sa boses ni Mang Lito.
“Ano ka ba? Nakita mong bata ang nahuli natin! Wala pang kayang gawin iyan!” Bagama’t medyo nabahala sa sinabi ng kasamahan ay hindi ito ipinahalata ni Mang Raul.
Nagsilabasan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga mamamayan ng San Sebastian nang bigla silang nakarinig ng isang matinis at malakas na tinig.
Halos lumuwa ang kanilang mga mata sa gulat nang makita ang isang babaeng may napakahabang buhok ang lumulutang sa gitna ng karagatan. Magkahalong pagkamangha at takot ang naramdaman ng mga mamamayan sa kanilang nakita.
Isang sirena! May isang galit na galit na sirena ang nagpakita sa kanilang lahat.
Tila ba nakikisabay sa galit ng sirena ang kalikasan dahil kasabay ng galit na mukha nito ang isang napakalakas na bagyo at mga ipo-ipo sa likod nito.
“Ibalik niyo ang anak ko! Hindi na kayo nakontento sa pagsira sa aming tahanan! Pagkatapos niyong sirain at wasakin ang karagatang wala namang ibang binigay sa inyo kung ‘di kasaganahan ngayon naman ay kukuhanin niyo pa ang nag-iisa kong anak! Sadyang napakasama talaga ninyong mga tao! Wala na kayong ibang inisip kung ‘di ang kapakanan ninyo! Ang dapat sa inyong lahat ay mawala dito sa mundo!” galit na galit na sigaw ng sirena sa ibang lenggwahe pero hindi nila alam kung paano nila iyon naintindihan.
Bagama’t natatakot ay nagpakatatag si Mang Raul at hinarap ang sirena. “Sandali po! Pasensiya na po! Hindi po namin sinasadyang kunin ang anak niyo! Aksidente lamang po namin siyang nakuha nung kami ang pumalaot kanina. Huwag po kayong mag-alala at ibabalik namin siya sa inyo ngayon din!”
Unti-unti namang kumalma ang sirena sa kaniyang narinig.
Agad din namang inilabas at pinakawalan nila Mang Raul at Mang Lito ang umiiyak na batang sirena at ibinalik sa kaniyang ina.
“Humihingi po kami ng tawad sa nangyari,” taos-pusong paghingi ng tawad nila Mang Raul at Mang Lito.
“Pero kung maaari ay puwede po ba kaming makahingi ng tulong sa inyo. Gagawin po namin ang lahat maibalik lamang sa dati ang kasaganahan ng aming isla. Mahal na mahal namin ang San Sebastian at ayaw sana naming lisanin ito. Maaari niyo ba kaming tulugan?” Bagama’t may pag-aalinlangan ay nilakasan na ni Mang Raul ang kaniyang loob at kinapalan na ang kaniyang mukha maibalik lamang sa dati ang kanilang minamahal na isla.
“Kung gusto niyong muling bumalik ang dating kasagahan ng inyong isla ay kailangan lamang ninyong maibalik ito sa dati niyang anyo. Matuto kayong makontento sa kung ano ang ibinigay sa inyo ng kalikasan at huwag niyo itong abusuhin dahil hindi niyo magugustuhan ang ganti niya sa inyo,” Iyon lamang ang sinabi ng sirena at umalis na ito kasama ang kaniyang anak.
Sinubukang ibalik ng mga mamamayan ang dating ayos ng kanilang isla. Nilinis nila ang karagatan, inalis ang mga basura at ipinasara ang pabrika. Nagtanim din sila ng mga halamang dagat para mas mapasigla at mapalusog ang kanilang karagatan.
Gaya nga ng sinabi ng sirena ay unti-unting nanumbalik ang kasaganahan sa Isla ng San Sebastian at muling nanumbalik ang saya at mapayapang pamumuhay ng mga mamamayan nito.