
Mala-yelong Puso
“Alam mo ikaw ang manhid mo! Bakit ba ganiyan ka? Ang sama mo! Parang wala kang pakialam sa mga taong tunay na nagmamahal sa’yo, ha, Aiza? Hindi ka ba naaawa sa tao?” naiinis na sabi ng kaibigan ni Aiza na si Mikee.
Nasa kwarto ni Aiza ang kaibigan at nakasilip sa kaniyang bintana. Tinitignan ang lalaking nasa labas ng kanilang bahay na sinisigaw ang kaniyang pangalan habang nagmamakaawang patawarin siya ng dalaga.
“Ako pa talaga ang dapat maawa. Sino ba ang nagloko sa aming dalawa? Ako ba? At hindi ko naman sinabi sa kaniya na magpaulan siya diyan sa labas habang nagmamakaawang patawarin ko siya. Choice niya na ‘yan!” matigas na sagot ni Aiza sa kaibigan.
Nasa labas kasi at ginaw na ginaw na ang binatang si Ronald dahil basang-basa na ito sa malakas na buhos ng ulan. Mga ilang oras na rin itong nakatayo sa labas ng kanilang bahay at humihingi ng tawad sa pagkakamaling kaniyang nagawa sa dalaga.
Apat na taon nang magkasintahan sina Ronald at Aiza. Ngunit kung kailan tumagal na ang kanilang relasyon ay dun pa talaga naisipan ng binata na mangaliwa.
Labis na nasaktan si Aiza kaya naman bumalik sa pagiging yelo ang kaniyang pusong minsan nang sinagip ng binata sa pagiging bato.
Napakaganda at napakatalino kasi ni Aiza kaya naman hindi nakakapagtaka kung bakit marami ang nahuhumaling sa kaniya. Marami ang nanligaw at sumubok na hulihin ang pihikang puso ng dalaga. Sabi nga nila maikukumpara na nga raw sa bato sa kamanhidan.
Hindi kasi naniniwala sa pag-ibig si Aiza. Paano ba naman niya magagawa iyon kung ang lahat ng lalaki sa buhay niya ay wala ng ibang ginawa kung ‘di magloko at iwan silang mga babae sa kanilang pamilya?
Niloko ng lolo niya ang lola niya at sumama sa kerida nito. Ganun din ang kaniyang magaling na ama na wala ng bukambibig kung ‘di ang wagas na pagmamahal daw nito sa kaniyang ina pero nagawa pa ring sumama sa ibang babae at iwan sila.
Kung totoo nga ang pagmamahal na sinasabi nila paano nila nagagawang maghanap pang iba? ‘Yan ang hindi maintindihan ni Aiza.
“Babe, hayaan mo kasi akong magpaliwanag muna! Parang awa mo na! Kausapin mo na ko!” umuubo at pilit na sigaw ni Ronald sa dalaga.
Napasilip ulit si Aiza sa bintana.
Ang totoo ay nag-aalala na rin siya sa kalagayan ng nobyo pero labis pa rin ang galit na nararamdaman niya para sa lalaki.
Nasa huling taon ng high school sina Aiza at Mikee nang dumating sa kanilang paaralan si Ronald. Transferee kasi ito.
Isang pulis ang ama nito at kakalipat lang ng destino kaya naman napalipat din sila ng kaniyang ina sa lugar nila Aiza.
Nung una ay sadyang natutuwa lamang si Ronald dahil sadyang kakaiba ang kamanhidan ni Aiza. Kinulit niya ito nang kinulit at sinubukang landiin pero lahat ng ginawa niya ay walang epekto sa dalaga. Totoo nga ang kamanhidan nito!
“Isang araw mamahalin mo rin ako!” sigaw ni Ronald kay Aiza pagkatapos siyang iwan ng dalaga sa gitna ng park.
“Hihintayin ko rin ang araw na ‘yan kung matutupad man ‘yan,” malokong sagot ni Aiza sa binata.
Nagsimula sa lokohan pero ‘di nagtagal ay naging seryoso na si Ronald dahil sa nakilala niya nang lubos ang dalaga at unti-unting nahulog ang kaniyang loob dito.
Ginawa niya ang lahat para mapatunayan na seryoso siya sa dalaga. Binago niya ang kaniyang sarili. Dati siyang kilalang chick boy pero nagpakatino siya para sa dalaga. Inayos niya ang buhay niya lalung-lalo na ang pag-aaral niya. Pinatunayan niya na karapat-dapat siya sa tiwala at pag-ibig ni Aiza. Na-inspire siyang maging mabuting tao dahil sa dalaga.
Hinding-hindi makakalimutan ni Ronald ang araw nung nakamit niya ang matamis na oo ng dalaga. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasuwerteng tao sa buong mundo nung mga sandaling iyon.
“Oo? As in oo girlfriend na kita? Tayo na?” hindi makapaniwalang tanong ni Ronald kay Aiza. Baka naman kasi nagkakamali lang siya ng dinig.
Ngumiti ng malaki ang dalaga at tumango. Niyakap ni Ronald ang dalaga ng mahigpit at halos magtatatalon sa tuwa.
“Pangako. Hinding-hindi kita sasaktan! Aalagaan ko ang puso mo. Ikaw at ako lang hanggang sa huli. Pangako. Ikaw na ang huling babaeng mamahalin ko,” masayang pangako ng binata kay Aiza.
“Aasahan ko ‘yan, ha. Dahil ikaw lang din ang tanging lalaking mamahalin ko sa buhay kong ito,” naluluhang sagot ni Aiza sa nobyo.
Hindi na nakatiis si Aiza at nilabas na ang binata. May dala siyang dalawang payong at ibinigay ang isa sa nobyo. Hindi ito pinansin ng binata at agad siyang niyakap ng mahigpit dahilan para mabitawan niya rin ang mga payong na hawak niya.
Ramdam na ramdam niya ang panginginig ng binata habang umiiyak. Nilalagnat na rin ito dahil ramdam niya rin ang mainit na balat nito na dumidikit sa balat niya. Para bang napapaso siya sa apoy sa init.
“Babe, let me explain,” umiiyak na pakiusap nito sa kaniya.
Nalusaw ang mala-yelo niyang puso at pinapasok na ang binata sa bahay. Pinakinggan niya na rin ang paliwanag nito dahil hindi talaga ito mapakali hangga’t hindi nakakapagpaliwanag sa kaniya.
Naabutan niya kasing may kahalikang ibang babae si Ronald sa isang party ng kaibigan nila. Hindi lang iyon kung sinong babae dahil alam niyang ‘yun ‘yung babaeng sobrang pinagseselosan niya. Ang first love ng nobyo niya.
Pero ayon nga sa binata ay lasing lang ang babae at inakalang siya ang boyfriend nito kaya hinalikan siya nito.
Awang-awa si Aiza sa itsura ng nobyo niya. Nakokonsensiya siya dahil nagkasakit ito ngayon dahil sa katigasan niya. Kung sana ay nakinig siya sa paliwanag nito, eh, ‘di sana hindi ito nagkasakit.
“Mahal na mahal kita, Aiza. Ikaw lang,” paulit-ulit na sambit ng binata hanggang sa mawalan na ito ng malay.
Tinitigan ni Aiza ang maamong mukha ni Ronald habang paulit-ulit na sinasabi ang mga katagang iyon sa kaniya at hinawakan ang kamay nito. Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili. Hinalikan niya ang noo ng binata. Mahal talaga siya ni Ronald. Bakit ba parati niyang nakakalimutan iyon?
Si Ronald ay hindi kagaya ng lolo at ama niya. Iyon ang dahilan kung bakit niya napiling mahalin ang binata.
Inalagaan ni Aiza ang nobyo hanggang madaling araw. Bukas pagkagising nila ay plano niyang sagutin ang binata sa matagal na nitong inaalok na kasal. Dahil sa mga nangyari ngayon ay sigurado na siya na ang binata lamang talaga ang nag-iisang mamahalin niya at ang kaniyang tanging pag-ibig sa buhay na ito. Panahon na siguro para magtiwala rin siya sa pag-ibig nito sa kaniya.