Paniniwala o Pamilya
Araw ng Sabado, ibigsabihin lamang nito, araw din ng pagsamba ng pamilya nila Raine. Simula pagkabata, kinagisnan na niya ang ganitong gawain pati na mga katuruan nila sa kanilang samahan na iba sa pinaniniwalaan ng marami. Hiwalay sa ina niya si Raine at siya’y naiwan sa pangangalaga ng kaniyang ama na si Rey. Ito’y mula nang tinalikuran ng ina niya ang samahan at tinakwil ito ng kaniyang ama.
“Congratulations, sayo anak!” masayang wika ni Rey sa anak.
“Salamat, Pa. Dahil sayo nakapagtapos ako ng pag-aaral, para sayo din ito, Pa. Para sa atin,” nakangiting sabi naman ni Raine.
“Oras na para magpasalamat tayo sa simbahan dahil dito sa narating mo, Nak,” wika muli ng ama.
Hindi naman umimik dito si Raine at sumama na lamang sa kaniyang ama sa bahay upang magbihis at magpunta sa kanilang simbahan.
Makalipas ang ilang araw, may nag alok kay Raine ng magandang trabaho sa Maynila. Hindi niya ito tinanggihan kahit na nga tutol dito ang kaniyang ama.
“Basta wag mo kalilimutan ang mga katuruan natin, pati na ang oras ng mga pagdarasal at pagsamba,” mahigpit na bilin ng ama.
“Pa, uuwi naman ako pagkatapos ng tatlong buwan eh. Mag-iingat ka, Pa,” tugon naman niya sa kaniyang ama.
Makalipas ang tatlong buwan, bumalik si Raine sa kanilang bahay. Dala-dala nito ang kaniyang maleta nang salubungin ng ama na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay. Nakangiti ito habang nakatingin sa anak na papalapit sa kaniya.
“Pa! Kumusta?” masayang bati ng anak sa ama habang ito’y umaakap sa ama.
“Aba. Ayos na ayos lang, malusog na malusog! Mukhang namayat ka ah? Halika at kumain ka muna. Malamang gutom ka pagkatapos ng napakalayong biyahe,” masayang tugon ng ama.
Pumasok sila sa bahay at doon ay nagkuwentuhan. Tuwang-tuwa ang mag-ama na nagbabahagian ng kani-kanilang mga kuwento noong sila’y magkahiwalay.
“Oh, Nak, tamang-tama at sabado bukas! Makakapagpahinga ka pa ngayon kaya dapat bukas ha, maaga tayong sasamba. Naku! Matutuwa ang kapatiran sa pagbabalik mo,” masiyang sambit ng ama sa kaniyang anak.
“Ha, Pa? Ah.. Eh… may pinapapuntahan nga pala sa akin yung Boss ko dito. Kailangan ko daw kunin yung parang transcript of records ko doon sa school. Bukas lang ako pwede, Tay eh. Kasi sa Lunes kailangan ko na rin umalis. Alam mo na, busy ang anak mo magpayaman,” birong sabi ni Raine sa ama.
“Ganoon ba? Alam mo naman hindi na natin kailangan maghangad pa ng maraming kayamanan eh. Sayang naman kung hindi ka makakapunta, siguro baka pwede sa hapon ay humabol ka sa pagsamba,” wika naman ng ama.
“Hmmm… Sige ho, Pa. Titignan ko ho, depende po kasi kung mahaba pila sa school,” sagot ni Raine sa ama.
Napansin ni Raine ang pagbabago sa timpla ng ama. Kaya naman, tinuloy na lamang niya ang pagkukuwento niya ng mga karanasan sa Maynila. Natapos ang gabi na ‘yon na masaya ang mag-ama, nagtatawanan, halata na bumabawi sa pangungulila sa isa’t isa.
Kinabukasan ay maagang umalis ng bahay si Raine dahil ani niya maaga siya dapat sa eskwelahan. Inunahan niya ang ama sa pag-alis ng bahay upang wala ng diskusyonan pa.
Pagkaraa’y bihis na rin ang ama at handa nang sumamba. Isa kasi siya sa mga pinuno ng kanilang samahan at tapat siya dito mula pa noon. Kaya ni-isang araw ng pagsamba ay hindi niya ito kinakalimutan. Ganoon pa man, tuwang tuwa siya sa kaniyang anak na para sa kaniya ay naging masunurin sa lahat ng kaniyang sinasabi at sa tingin niya ay magiging tapat din sa samahan.
Nang paalis na siya ng bahay, nakita niya ang maleta ng dalaga na nakabukas sa taas ng kama sa silid nito. Naisip niyang maglaan ng kakaunti pang oras upang ayusin ito. Para din naman maging maayos ang pag-uwi ng dalaga. Sa kaniyang pag-aayos, nagulantang siya dahil kitang-kita ng dalawa niyang mga mata ang ipinagbabawal na kasulatan ng kanilang samahan. Kasama rito ay iba pang mga babasahin ukol sa ibang katuruan. Hindi mapigilan ng ama na magalit dahil dito. Para sa kaniya, mas mahalaga higit na sa kahit ano ang kaniyang katapatan sa samahan at dapat din itong matutunan ni Raine.
Sa pag-uwi ni Raine, hindi niya inaasahan ang na makita ang ama na nakaupo sa kanilang sala.
“Oh, Pa. Bakit hindi ka sumamba?” takang bati niya sa ama.
Ngunit nakatingin lamang ang ama sa kaniya. Sa pagkakataong ito, nakasimangot at mukhang galit na galit. Nagulat siya nang siya’y makalapit pa sa ama dahil hawak-hawak nito ang libro na ipinagbabawal ng kaniyang ama. Nang mga oras na iyon, alam na ni Raine ang nangyayari sa ama at sigurado siyang itatakwil siya nito gaya ng ginawa sa ina.
“Tay, hindi naman maha-” sambit ni Raine sa ama.
Ngunit naputol ang nais niyang sabihin nang tumayo ito at isang malakas na sampal ang pinadako sa kaniyang mukha. Napatigagal siya dito at nagsimulang magpaliwanag.
“Pa… matagal ko na ho gustong sabihin. Ayokong mawalay sa piling mo nang dahil lang sa mga paniniwala mo. Sana naman ko ay maintindihan niyo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Raine sa ama.
“Hindi mo na ako ginalang! Inulit mo lang ang ginawa ng lapastangan mong ina! Ang samahan lang natin ang makakapagligtas sa atin, at alam mo iyan! Kahit na kailan, hindi ako nagkulang sa’yo, Raine! Kahit na kailan…” sambit muli ng ama.
“Malaki na ako, Pa… Siguro naman may kalayaan akong pumili ng paniniwalaan ko…” pagpapaliwanag ni Raine sa ama.
Ngunit walang mababakas na luha sa mga mata ng kaniyang ama kundi puro lamang galit dahil sa ginawa niya.
“Lumayas ka na, pagdating ko, wala ka na sa pamamahay na ito at hindi ko na kailan pa gustong makita ulit yang pagmumukha mo! Hindi ko mapapalampas ang pagtataksil na ginawa mo,” huling sabi nito pagkatapos ay umalis na ng bahay.
Naiwan si Raine na umiiyak at walang ibang sambit kundi, “Patawad, Pa… Patawad po…”
Makalipas ang isang buwan, wala nang contact ang mag-ama. Pilit na kinakausap ni Raine ang ama ngunit wala itong sagot sa kaniya. Hanggang isang araw…
“Hello, Sir? Hello, po? Si Sir Rey Antonio po ba ito?” wika ng isang babae mula sa telepono.
“Ako nga. Sino sila?” tugon ni Rey sa babae.
“This is from Dela Cruz Rehabilitation Center. Kailangan po namin ng konsento ninyo para kay Ms. Raine Antonio. Pumunta na lang po kayo dito, Sir saka namin ipapaliwanag at nangyari. Salamat po,” tugon ng babae sa kabilang linya.
Kinabahan si Rey nang marinig ito. Samu’t saring mga nakakabahalang eksena ang naiisip niya. Nanghina siya nang maalala ang ngiti at halakhak ng kaniyang pinakamamahal na anak, ano kaya ang nangyari dito.
Kaagad siyang pumunta sa ospital at matapos marinig ang sinabi ng doktor, awang-awa siya sa sinapit ng anak. Hindi niya lubos maisip kung gaano natakot ang anak mula sa nangyari dito. Nilooban ang dalaga sa kaniyang apartment ng apat na lalaki at hinalay ito.
Nagresulta ito ng trauma sa dalaga at hanggang ngayon ay hindi makausap. Ibinigay rin sa kaniya ng mga pulis ang cellphone ng dalaga na naglalaman ng mga larawan nila mula noong bata pa ito hanggang huli nilang pagsasama. Nakita rin niya ang mensahe ng dalaga sa kaniya noon bago pa siya magpalit ng numero. Puro pangangamusta araw-araw at maya-maya ang ginawa ng anak. Ngunit ni isa dito ay walang sagot mula sa kaniya. Walang magawa ang ama kundi pagsisihan ang pagtalikod sa kaniyang anak.
“Patawarin mo ako, Nak. Kung sana hindi kita pinaalis, kung sana hindi kita tinakwil dahil lamang sa relihiyon at paniniwala ko. Patawad dahil naging makasarili si Tatay…” mahinang wika ng ama habang ito’y umiiyak sa harapan ng anak.
Ngunit huli na ang lahat, dahil si Raine na dating maunawain at masiyahin, ngayon ay wala na sa katinuan.
Hindi naman dapat relihiyon o anumang paniniwala ang maging sagabal upang magkaroon tayo ng maayos na relasyon sa ating pamilya. Bawat isa ay may karapatan na maniwala o maging kakaiba dahil sa huli, tanging ang Diyos lamang ang makakapagligtas sa atin at hindi ang kung anong relihiyon. Ang mahalaga ay tanggap at inuunawa natin sila, sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakaiba-iba natin. Ito ang leksyon na itinuro ng kalunos-lunos na pangyayari na naganap sa buhay ng mag-ama.