Buong Puso Ibibigay Sa Iyo
“Okay, Sunshine, inhale, exhale, inhale, exhale…” pagpapaulit-ulit ng doktor sa dalaga.
“And that’s it. You’re done!” wika nito matapos suriin ang puso ni Sunshine.
“Mas maayos na ang kalagayan niya ngayon, pwede niyo na siyang iuwi ulit at ipagpatuloy ang mga gamot niya. Bawal ang matitinding emosyon at pagpapagod. Alam niyo na, baka atakihin na naman siya at mahihirapan na siyang maka-recover pag nangyari ulit ‘yun,” bilin ng doktor sa mga magulang ni Sunshine.
“Sunshine, my dear, huwag na ulit manonood ng kahit anong movies, ha? Tignan mo nangyari sayo,” sambit naman ng kaniyang Mommy.
“You know we’re just worried about your health, right?” dagdag naman ng kaniyang Daddy.
“Yes, Mom, Dad… I’m sorry for making you worry. Sinubukan ko lang po kung kaya ko na pero…” wika naman ng bente anyos na dalaga.
“It’s okay, hija. Nandito lang kami para sa’yo,” tugon naman ng ina.
“Okay, halika na. Alam naman namin na ayaw na ayaw mo dito sa ospital, hindi ba?” masayang tinig mula sa kaniyang ama.
Simula pagkapanganak kay Sunshine ay may sakit na ito na heart failure. Hindi kinakaya ng puso niya na mag-pump ng dugo sa buo niyang katawan. Hindi na ito nagagamot kaya naman naghihintay na lamang siya ng heart donor upang makapatuloy na mabuhay.
Bawat sandali ay nag-aalala ang Mommy at Daddy niya dahil malaki ang posibilidad na atakihin siyang muli sa puso, na siyang babawi sa buhay ng dalaga. Ngunit walang makitang donor ang kaniyang pamilya kahit na noong nagpunta sila sa America. Kaya naman, marami ang ipinagbawal sa kaniya. Tulad na lamang ng pagpapagod, pakikipag-usap sa kahit na kanino at panonood ng kahit na anong palabas pati na pakikinig ng musika.
Mahigpit na ipinagbabawal sa kaniya na makaramdam ng masidhing emosyon tulad ng sobrang pagkalungkot at saya. Ngunit para sa kaniya, handa na siyang mawala kaysa naman mabuhay pa nang matagal sa kalungkutan ng pagiging mag-isa.
Kinagabihan, nakauwi na sila sa bahay. Agad naman silang sinalubong ni Manang Fe. Ang tanging tao na nakakasama at nag-aalaga sa kaniya mula pa noong maliit siya.
“Sunshine! Sunshine!” sambit ni Manang Fe habang mabilis na tumatakbo upang salubungin si Sunshine.
Walang tugon dito si Sunshine dahil pinagbabawalan din siyang maging malapit kay Manang Fe.
“Manang Fe!” malakas na sabi ng ama.
“Ay.. Sir.. pasensya na ho,” biglang naalala ni Manang Fe na nandoon nga pala ang ama at ina ni Sunshine.
“Pakipasok na siya sa kaniyang silid at siguraduhin mo na sa pagkakataong ito hindi na siya kailanman makakapanood ng kahit na anong palabas. Kahit na musika!” matikas na paalala ng ama ni Sunshine.
“O-opo, Sir… pasensya na po talaga. Hindi na po mauulit yung makapanood siya ng ganoon, Sir,” tugon naman ng kasambahay.
Pagtapos nito ay dinala na nga ni Manang Fe si Sunshine sa kaniyang silid. Laking pasalamat ng dalaga sa kasambahay dahil hindi ito sumusunod sa bilin ng ama. Ani niya, mas mauuna pa siyang pumanaw sa lungkot kaysa sa atake sa puso kung wala ni isa siyang makakausap sa buong araw.
Pagkalipas ng ilang araw, nagkaroon ng business trip ang Daddy ni Sunshine kasama ang kaniyang Mommy. Marami itong bilin ukol kay Sunshine bago ito umalis.
“Pagkakataon ko na makapaglakad-lakad!” sa isip-isip ng dalaga dahil ito’y nasasabik nang makalabas ng kaniyang silid.
“Naku, Sunshine! Bata ka! Papagalitan ako ng Daddy mo kapag nalaman niyang pinayagan kitang lumabas ng kwarto mo!” mataas ang tinig na sabi ni Manang Fe sa dalaga.
“Huwag kang mag-alala manang, hindi naman ho ako masyadong magpapagod,” sabi ng dalaga at nginitian lang ang nag-aalalang matanda.
Tumungo siya sa kanilang bakuran kung saan maraming mga tanim at bulaklak ang makikita. Mababakas sa mukha niya ang pagkahalina at tuwa sa nakita. Nang makitang kontento na ang dalaga ay hinayaan na ito ni Manang Fe.
“Oh sige, diyan ka na muna ha? At pupuntahan ko yung tubero para ipagawa yung baradong lababo sa likod,” paalam ni Manang Fe.
“Hmmm..” ang tanging tugon ng dalaga na nawili na sa pagtingin sa paligid.
Nagpaikot-ikot siya habang may malaking ngiti sa kaniyang mga labi. Ngunit nagwakas ito dahil sa isang tinig na nagmula sa kaniyang likuran.
“Ehem!”
Nagulat si Sunshine nang maringgan ang boses ng isang lalaki.
“Magandang umaga ho, Mam!” wika nito sa kaniya.
Nakangiti sabi ng isang binata kay Sunshine ngunit hindi niya alam kung anong isasagot niya rito. Hindi siya sanay makipag-usap sa ibang tao dahil si Manang Fe lang naman talaga ang nakakausap niya bukod sa mga magulang. Umatras siya ng ilang hakbang at akma na sana siyang tatakbo ngunit nagulat siya ng may humawak sa kaniyang braso. Hindi siya makapagsalita pati na makagalaw.
“Ako si Andres! Ako ang nag-aalaga nitong mga halaman niyo dito. Saka nakikita na rin kita at nakukuwento ka sa akin ni Manang Fe! Kaso ayaw niya sabihin ang pangalan mo sa akin. Ano ba ang pangalan mo, Mam?” nakangiting tanong ng binata.
“Ha… Eh…” tugon niya sa binata.
Hindi pa rin siya tumutugon kaya napalitan ng pagkapahiya ang ngiti ng binata, tatalikod na sana ito pero natigilan nang magsalita siya.
“Su-Sunshine! Sunshine…” tugon niyang bigla. Maging siya man ay nagulat sa kaniyang ginawang pagsagot dito.
“Ang ganda ng araw ngayon Ms. Sunshine! Parang ikaw…” banat naman ni Andres habang todo pa rin ang ngiti sa dalaga. Dito ay napangiti na rin si Sunshine. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang emosyon ng mga oras na iyon. Nakipagkuwentuhan siya sa bibong si Andres at nakipagtawanan. Ang dami nitong alam tungkol sa paghahalaman kaya naman ay humanga siya dito.
“Sana po mas madalas kayong magawi dito,” imbita ni Andres kay Sunshine.
“Ha… oo naman, sige!” tugon naman niya.
“Hindi ka pa man umaalis sa paningin ko, namimiss na kaagad kita!” muling banat ng 24 anyos na binata habang ito’y maaliwalas na nakangiti at nakatitig sa dalaga.
Hindi na rin maitago ni Sunshine ang kaniyang naramdaman. Hindi man niya alam ngunit sigurado siyang masaya siya. At iyon ang unang pagkakataong nakadama siya ng ganoon. Hinawakan ni Andres ang mga kamay ng dalaga at akma sanang may sasabihin nang biglang dumating si Manang Fe.
“Sunshine! Sunshine!” malakas na tawag nito sa dalaga.
Dahil sabay na nagulat ay kapwa tumakbo ang dalawa sa magkaibang direksyon. Nagmadaling umalis si Sunshine papunta sa may salas habang natatawa-tawa pa dahil nakita niya ang pagkataranta sa mukha ni Andres habang kunwa-kunwari ay abala ito ngayon sa paghahalaman.
“Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako muli ng saya…” sambit ng dalaga sa kaniyang isip habang nakahiga na sa kaniyang kama nang kinagabihan.
Hindi mapigilan ni Sunshine ang kaniyang ngiti. Kapansin-pansin din ito para kay Manang Fe. Hindi na ito nagpatumpik-tumpik pa at tinanong na niya ang dalaga.
“Ano man nangyari sayo Nak, bakit nakangiti ka ata ngayon?” tanong niya kay Sunshine.
“Si Andres po Manang… ang sarap niyang kausap no?” nakangiting sabi ng dalaga.
“Hala ka man day! Bakit ka nakipag-usap kay Andres?!” gulat na tanong ni Manang Fe.
“Mabait naman po siya Manang, saka pwede ko siya maging kaibigan,” masayang sabi ni Sunshine.
“Oo Day! Kay bait naman talaga noong si Andres. Ulila na iyon mula ng pumanaw yung nanay niya nito lang dahil sa sakit sa puso. Naawa lang ang Daddy mo kaya kinuha niya bilang hardinero niyo,” kwento ng kasambahay sa dalaga.
Matapos niya itong sabihin nakita niya muli si Sunshine na abot tenga ang ngiti sa narinig. Wala nang naging tugon dito ang kasambahay ngunit may hinuha siya sa kung saan patungo ang mga nagyayari. Alam niyang hindi dapat maging magkalapit si Andres at Sunshine, dahil masasaktan lamang nila ang isa’t isa. Dahil hindi ito kailanman papayagan ng ama ni Sunshine.
Hindi din kasi lingid sa kaalaman ni Manang Fe ang lihim na pagtingin ng binata tungkol kay Sunshine. Lagi kasi siyang kinukulit nito upang magkuwento tungkol sa dalaga. Nang gabi ring iyon, masaya naman si Manang Fe dahil sa unang pagkakataon, nakita niyang muli ang maaliwalas na mukha ng dalaga.
Kinabukasan, muling nagpunta si Sunshine sa bakuran ngunit wala roon si Andres. Hinanap niya sa buong bakuran ang binata ngunit hindi niya ito makita.
“Manang… Manang…” pagtawag ni Sunshine kay Manang Fe.
Mabagal ang paglalakad ni Manang Fe habang kinakalikot ang kaniyang mga kamay at daliri na para bang may kasalanan na ginawa.
“Manang, nakita niyo po ba si Andres? Sabi po niya magkikita kami pero wala siya sa bakuran eh,” tanong ng dalaga kay Manang Fe.
“Sunshine, nak, wala na si Andres… kay nakita ng Papa mo na kausap mo siya. Nakita niya kayo diyan sa cctv, nak,” mangiyak-ngiyak na sabi ng kasambahay.
“Oo! Kitang kita ko ang ginawa mo, Sunshine!” biglang sambit naman ng ama nito na kakauwi lamang ng mga oras na iyon.
Gulat na gulat ang dalaga nang makita ang Daddy na galit.
“Yes, Dad! Kinausap ko siya. Nakipagkuwentuhan lang naman ako sa kaniya at nakaramdam ako na tao ulit ako, na may buhay ulit ako!” tugon ng dalaga.
“Anak, hindi mo ba iniisip yung sitwasyon mo? Yung pwedeng mangyari? Alam mo naman na nag-iingat lang kami para sayo…” sa pagkakataong ito, umiiyak na ang ama pati na si Sunshine.
Niyakap ng ama ang anak at pilit itong pinapatahan.
“Si Andres po, Dad… Si Andres po…” paulit-ulit niyang sambit habang umiiyak.
“Nak, tahan na… tahan na. Hindi ito makabubuti sayo…” muling pag-alo sa kaniya ng ama. Bigla na lang ay nakaramdam ang dalaga ng paninikip ng dibdib at tuluyan na siya nawalan ng malay. Lahat ay nagkagulo at nangamba para sa buhay ni Sunshine, at mabilis itong sinugod sa kalapit na hospital.
Nang madinig ni Andres ang balita, agad itong tumakbo papuntang ospital kung saan nag-aagaw buhay ang dalaga. Hindi niya alam ang gagawin at bumalik sa kaniyang alaala ang pagkawala ng kaniyang ina dahil din sa sakit sa puso. Dahil sa mabilis na pagtakbo, hindi namalayan ni Andres ang isang malaking truck na paparating. Hindi na siya naiwasan pa ng driver nito at tuluyan nga siyang nasagasaan. Dahil sa matinding pinsalang natamo, na-comatose ang binata. Dinala ito sa parehong ospital kung saan din naroon si Sunshine, at magkatabing nagaagaw-buhay ang dalawa.
Ilang araw pa ay dumating ang kaibigan ni Andres sa ospital. Nakita ang dalaga at binata na magkatabi sa ICU. Dala-dala niya ang isang sulat na ginawa ni Andres nang araw na makausap niya ang dalaga… ito ay naglalaman na,
“Anuman ang mangyari sa akin, o kay Sunshine, ang babaeng pinapangarap ko, nais kong ibigay ang puso ko para sa kaniya. Isa siyang araw na magpapaliwanag sa madilim na mundong ito, tulad ng ginawa niya sa mundo ko. Mahal kita, Sunshine. Imposible man na magkatuluyan tayo, sana sa bawat pintig ng puso mo, kasama at maalala mo ako…”
Matagumpay na naipasa ang puso ni Andres kay Sunshine. Lumipas ang isang buwan mula noong lahat ng ito ay mangyari, nagluluksa pa rin ang dalaga sa binatang minahal niya kahit saglit na oras lamang sila nagksama.
“Salamat, Andres… Salamat sa tunay na pagmamahal. Salamat sa pagpapasaya sa akin hanggang sa huli… Hinding-hindi kita makakalimutan, pangako,” sambit ni Sunshine habang umiiyak sa tapat ng puntod ni Andres.
Humingi naman ng tawad ang mga magulang ni Sunshine dahil naging makasarili ang mga ito. Hindi nila naisip na buhay nga ang anak ngunit hindi naman ito masaya.
Anuman ang pinagdadaanan sa buhay, dapat lamang na sama-sama itong solusyonan ng pamilya. Hindi lamang isa ang dapat lumaban. Mabilis mang binawi, natutunan ni Sunshine na ang tunay na pag-ibig, hindi sa presensiya nasusukat, kung hindi sa abot ng sakripisyong kayang gawin ng isang tao para sa minamahal niya.