“Oh ayan kumain ka pa! Tingnan mo nga’t ang payat-payat mo oh!” maarteng sabi ni Rojin habang nilalagyan ng mga lutong karne ang tasa ni Reyna.
Kaarawan ng isa nilang kaopisina nang araw na iyon kaya naman nagkayayaan silang ipagdiwang iyon sa isang restaurant. Sakto naman ay paborito ng karamihan sa kanila ang samgyupsal kaya naman ganadong-ganado ang lahat.
“Hindi ako payat no, sexy ang tawag dito. Inggit ka lang eh,” sabi ni Reyna sa kababata habang pinandidilatan ito ng mata.
“Hay naku! Kung hindi lang beki si Rojin, iisipin kong may namamagitan sa inyong dalawa,” malisyosang sabi ng kaopisina nilang si Jing.
“Oo nga. Hetong si Rojin imbes na kumain ay kanina pa inaasikaso si Reyna eh, subuan mo na rin kaya!” kantyaw ba ni Gino na naging dahilan para magtawanan ang kanilang grupo.
“Tss kadiri naman ‘yang mga utak ninyo! Tingnan niyo nga at mas maarte pa si Rojin sa’kin. At saka duh, magkakilala na kami simula pagkabata at lumaki akong kinaiinggitan niya ang matres ko no!” pabirong sabi ni Reyna at tumatawang siniko ang katabing kaibigan.
“Ang kapal mo naman girl! Mas maganda ako sa iyo no! Baka nga mas type pa ko ng dyowa mo kaysa sa’yo eh,” pairap na sabi ni Rojin at saka tinutok na ang atensyon sa pagkain. Nagpatuloy ang kainan at inuman ngunit kapansin-pansin ang pananahimik ni Rojin na madalas ay maingay. Tumatawa naman ito sa mga biro nila ngunit hindi masyadong nagsasalita.
Pagkatapos nilang kumain, sabay na umuwi ang magkababata dahil malapit lang din naman sa isa’t isa ang nirentahan nilang apartment. Magkababata sila at naging magkaklase pa noong high school at kolehiyo
“Hoy, may problema ka ba teh?” tanong ni Reyna dahil kanina niya pa napapansin na tila ba malalim ang iniisip nito. Nilingkis niya ang kanilang mga braso dahil medyo nahihilo siya. Naparami yata ang inom niya kanina.
“Anong problema sinasabi mo diyan?” iritang sabi nito, “At saka bitiw nga! Ang baho ng hininga mo amoy alak, kadiri!” at saka marahang itinulak ang kaibigan.
Patuloy pa ring lumalapit si Reyna dito at niyayapos ang braso nito nang mapadaan sila sa isang restaurant. Napatigil ang dalaga sa tapat ng restaurant at tila ba natulos sa kinatatayuan nito.
Napansin ito ni Rojin kaya sinundan niya ang tingin ng kaibigan at nakita ang walanghiyang boyfriend nito na may kayakap na babae. Nag-aalala siya para sa kaibigan na noo’y nangingilid na ang mga luha. Hinawakan na niya ito sa kamay at hinila palayo.
“Bakit? Bakit niya ginawa iyon sa akin ha?” paulit-ulit na tanong ni Reyna sa kaibigan sabay singa sa tissue na inabot nito. Dahil hindi ito makalma kanina, nagpasya si Rojin na dalhin na muna ito sa isang parke.
“Walanghiya sila, ipinakilala niya sa akin yung babae na ‘yun dati noong nasalubong ko sila sa mall. Ka-opisina niya daw, tapos ganun! Hay*p siya!” sabay atungal muli ng babae.
Niyakap ni Rojin ang kaibigan at ewan niya ba’y nakaramdam siya ng matinding galit. Una pa lang ay malamig na siya sa boyfriend nitong tigasin. Nakikita kasi niyang hindi ito maalaga kay Reyna, laging may dahilan at walang oras sa nobya.
“Rojin… lagi na lang ako niloloko ng mga lalaki sa buhay ko. Siyempre di ka kasama dun, di ka naman lalaki eh,” sabi ng kaibigan na halata ang kalasingan. Inangat nito ang mukha at tumingin sa kaniya, “alam mo, ang guwapo mo sana eh no? Ba’t ka ba kasi binabae?! Nakakainis naman eh!” himutok nito na parang bata na sinuntok pa ang balikat niya. “pero kahit binabae ka, love kita,” sabi nito na ikinatigil niya.
“Kasi bestfriend kita di ba?” usal ni Reyna bago tuluyang makatulog sa kaniyang balikat.
“Tss lasinggerang bruha. Maalala mo pa kaya ‘yang mga pinagsasabi mo bukas? Malamang hindi..” sabi ni Rojin habang inaayos ang buhok nito na bumabagsak sa mukha nito.
“Pero alam mo Reyna, kainis talaga ‘yang dyowa mo ah. Ewan ko ba anong nagustuhan mo ‘dun. Gwapo nga wala namang oras para sa’yo. Hindi ka dapat lokohin, dapat sa’yo ay mahalin ng todo. Naalala mo yung tawag ko sa’yo dati?” kausap niya sa natutulog na kaibigan, “Mahal na Reyna. Dahil ikaw ang mahal kong Reyna,” ulit pa ng beki.
“Pero kasi pusong-babae ako di ba? Baka masira lang ang friendship natin kapag sinabi ko sa’yong TL ako sa’yo. Hindi ko nga alam paano ako naging tomboy bigla,” natatawang sabi ni Rojin kahit pa parang pinipiga ang kaniyang puso. Mahirap itago ang damdamin niyang iyon, lalo na’t lagi niya itong nakikita, lagi siya nitong nilalambing dahil nga sisters ang turing nito sa kaniya. Masakit dahil alam niyang walang pag-asa, kaya inililihim niya na lang. Siguro darating naman ang araw na mawawala rin ang katomboyan niya dito. Sana.
Kinabukasan, katulad ng inaasahan ay masakit ang ulo ni Reyna. Nagtataka din siya dahil wala pa si Rojin.
“Saan kaya nagpunta ‘yon? Bihira ‘yong ma-late ah. Malamang wala siyang hangover dahil ayaw na ayaw nun sa alak,” sa isip-isip ni Reyna habang hinihilot ang sentido.
Napadilat siya nang maamoy ang pamilyar na amoy ng kaibigan. Nakaupo na pala ito sa desk nito na katabi lang ng kaniya. Seryosong-seryoso ang mukha habang sinisimulan ang trabaho. Napansin niya ang pagbabago sa hitsura nito. Mukhang hindi ito nakalip-balm ngayon at wala rin ang mga abubot nito sa katawan maliban sa relo, naka-gel pa ang buhok.
“Rojin!” sabi niya at saka akmang yayakapin ito ng bigla itong umatras.
“Oh Reyna nandiyan ka pala, di kita napansin,” sabi nitong sinulyapan lang siya at saka itinuloy ang ginagawa. Nawirduhan siya sa inakto nito pero pinalampas na lang niya nang mahagip ng kaniyang mata ang sugat sa gilid ng labi nito na halatang nilagyan lang ng make-up.
“Rojin? Anong nangyari sa feslak mo?” tanong niya atsaka hinawakan ang mukha nito. Iniwas lang nito ang mukha at ngumiti sa kaniya.
“Wala lang ‘to, ano ka ba,” sabi ulit saka ngumiti sa kaniya. Nawiwirduhan na talaga siya dito. Una ay binago nito ang hitsura at pananalita, ngayon naman ay parang kung ituring siya nito ay ibang tao.
“Bakit ka ba ngiti ng ngiti diyan? Girl, ano bang problema? Kinakabahan na ko sa’yo ah at saka sinong gumawa niyan maganda mong feslak?! Halika’t uupakan ko!” naiiritang sabi niya. Misteryosong ngiti lamang ang sinukli nito sa kaniya at hindi na siya pinansin pa.
Buong araw ay iritang-irita si Reyna sa mga kaopisina niyang babae. Panay kasi ang pa-cute ng mga ito kay Rojin. At ang walanghiyang beki naman ay ngumingiti pa sa mga ito.
Hindi tulad ng nakasanayan niya ay parang hangin lang siya dito. Kinakausap lang siya nito kapag tungkol sa trabaho. Sa inis niya ay hindi na rin niya ito pinansin hanggang uwian.
Nauna siyang umalis sa opisina at di na nagpaalam dito dahil nakita niyang kausap nito ang isang kaopisina nilang babae.
“Mukha namang enjoy na enjoy siya eh!” sabi niya sa sarili. Paglabas niya ng gusali ay nakita niya ang walanghiyang boyfriend. Nakipagbreak na siya dito kaninang umaga kaya di niya ito pinansin kahit pa tinatawag siya nito.
“Reyna please, kausapin mo naman ako,” makaawa nito sabay hawak sa braso niya.
“Bitaw,” malamig niyang sabi at pilit na inaalis ang kamay nito.
“Bigyan mo lang ako ng isa pang pagkakataon. Promise na–” di na nito natuloy ang sasabihin dahil biglang may mabilis na kamaong sumuntok sa panga nito. Subsob ito sa sahig at dugo ang ilong.
Nagulat siya nang makita ang galit na galit na si Rojin.
“Sinabihan na kita diba! Tigilan mo na si Reyna, ang kapal ng mukha mo!” sigaw nito.
“Ikaw na naman! Hindi ka pa ba natuto sa lakas ng suntok ko sa’yo kanina ha?” akmang gaganti ito ng suntok kay Rojin kaya’t mabilis siyang humarang dito. Halos mapatid ang hininga niya nang masuntok siya nito sa tiyan. Hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari.
Nang magkamalay siya ay nasa clinic siya ng kanilang kompanya. Hawak ni Rojin ang kamay niya at umiiyak ito.
“Rojin…” mahinang tawag niya dito.
“Reyna? Reyna ayos ka na ba? Anong masakit sayo teh? Naku lagot talaga yang ex-dyowa mo sakin pag may nangyari sa’yo. Grabe girl pinakaba mo ko ng bongga,” sabi nito sa nag-aalalang tinig.
Natawa na lang siya dahil sa sinabi nito.
“Oh? Anong nakakatawa? Diyoa ko naloka ka na rin ba dahil sa lungkot? Oh my g–” hindi na nito natuloy pa ang sasabihin dahil niyakap niya na ito.
“Nakahinga na ako ng maluwag dahil nagbalik ka na! Akala ko ay magpapakalalaki ka na talaga eh. Ayoko nun, mas gusto ko ang Rojin na totoo,” sabi niya dito.
“Girl, may ipagtatapat sana ako sa’yo. Please huwag kang himatayin ulit ha? Ang totoo… binabae ako,” sabi nito sa seryosong tinig. Napatawa siya dahil lantad na iyon ngunit napalis iyon nang marinig niya ang idinugtong nito.
“at mahal kita. Hindi bilang kaibigan. Higit pa dun sis. Huwag ka muna sumagot bruha,” sabi nito nang akmang hihiwalay siya sa pagkakayakap nito.
“Alam ko naman mga type mo teh, pero kasi, ang hirap din palang magtago ng damdamin. Ewan ko ba, basta gusto ko laging nasa tabi mo. Gusto ko lang alagaan ka. Alam ko din naman na walang pag-asa, kaya nga sinubukan kong baguhin ang sarili ko, magpakalalaki. Pero wala eh, pusong-babae talaga ako teh alam mo ‘yan! At mukhang lalo ka lang naimbyerna nung ginawa ko ‘yon. Kaya ayun, sinasabi ko lang sa’yo kasi balak ko na rin magpakalayo-layo, malay mo mawala naman ‘tong feelings ko kapag di kita laging nakikita. Sana…” mahabang litanya nito.
Hindi na niya napigilan ang luha dahil sa pinagtapat nito. Labis siyang nagulat sa ibinunyag nito dahil kahit sa hinuha ay hindi niya naisip na may pagtingin pala ito sa kaniya. Ngayon niya nakikita ng malinaw ang lahat ng ginagawa nito para sa kaniya.
Tila ba lumulutang ang kaniyang pakiramdam ng mga oras na iyon, marahil nga may natitira pa rin sa lihim niyang pagtingin dito noong bata pa lang sila. Tinago niya ito noon dahil nga nakikita niya ang pagiging pab*kla-b*kla nito. Naisip niyang baka layuan siya nito kapag nagtapat siya.
“Mali ka,” sabi niya dito at tiningnan ito sa mga mata.
“Teh naiimbyerna ako hindi sa’yo kung hindi sa mga babaeng lumalapit sa’yo kanina. A tsaka bakit mo naman kailangan baguhin ang sarili mo? Hindi ba ang tunay na pagmamahal ay dapat na may buong-buong pagtanggap? At may isa ka pang mali,” sabi niya.
“Ano yun?” tanong nito sa malungkot na tinig.
“Mali ka na walang pag-asa,” sabi niya sabay ngiti dito.
Halos mapunit ang pisngi ni Rojin dahil sa laki ng ngiti nito.
“Weh?! Kahit mas maganda ako kaysa sa’yo? Kahit pusong-babae ako? Naku, sabi ko na nga ba ay pasimpleng tyansing ka din sa akin minsan eh, kunwari ka pa!” sabi nito na tuluyan na ngang naibsan ang bigat sa dibdib.
“Kapal mo no!” ang nasabi na lang ni Reyna sa hiya.
Nagbago man ang kung anong namamagitan sa kanilang dalawa, nanatili naman ang wagas na pag-ibig na noon pa man ay ibinabahagi na nila sa isa’t isa. Tunay nga na ang pag-ibig ay walang sukatan. Ang pinakamahalagang sangkap lamang ay ang pagtanggap at pag-unawa sa isa’t isa.