“Ang taba mo naman, mag diet ka nga, Sarah!”
“Sarah, ang matabang prinsesa!”
Iyan ang madalas na panunukso kay Sarah.
Si Sarah ay mayroong timbang na mahigit 100 kilos. Madalas siyang buyuin nang karamihan dahil sa hugis ng katawan niya.
Hilig kasi ni Sarah ang kumain, lalo na ang matatamis tulad ng tsokolate at kendi. Walang ibang problema si Sarah bukod sa kaniyang katawan. Maganda naman ang kanyang balat, maamo ang mukha at maputi.
Araw-araw kung siya’y asarin ng kaniyang mga kakilala. Walang palyang oras ang panubukso kay Sarah lalo mismo sa loob ng kanilang bahay.
Hindi niya na lamang ito pinapansin dahil sanay na siya sa ugali ng taong nakakasalamuha niya sa kanila.
Maging sa trabaho ay ganoon.
“Sarah!” tawag ni Leo, ang kaniyang ka-opisina.
Naglalakad si Sarah palabas nang building nang tawagin siya kaya bumaling siya sa likod.
“O, Leo? Bakit?” tanong niya.
“Wala kasi akong kasabay kumain. Puwede ba akong makisabay saiyo?” sabi ni Leo saka sinabayan si Sarah na maglakad palabas ng establisimento.
“Oo naman! Bakit naman hindi, saka wala rin naman akong kasabay kumain,” sagot nito.
“Bakit naman?” usisa ni Leo.
“Ayaw nila ako kasabay kumain, baka raw kasi ubusin ko ang pagkain nila,” natatawang sabi ni Sarah.
” Grabe sila. Hindi naman siguro, malakas ka lang talaga kumain, Sarah.” biro ni Leo.
“Alam ko naman iyon. Hindi ko ikakaila na malakas ako kumain,” sang ayon niya sa lalaki.
“Hahaha! Ayos lang iyan, malakas rin naman ako kumain, ang kaso, hindi ako tumataba, ang payat ko pa rin,” naiinis na sabi ni Leo.
Natawa si Sarah.
“Sus! Ayaw mo ba iyon? Hindi ka matutukso na mataba?” natatawang tanong ni Sarah.
“Wala naman kaso sa akin iyon, madalas ka bang tuksuhin?” tanong nito.
“Wala namang bago doon,” sagot ni Sarah saka ngumiti ng tipid. “Baka nga raw walang magkagusto sa akin kasi mataba ako, walang tatanggap sa itsura ko,” dagdag na biro ng dalaga.
“Ano ka ba? Kung talagang mahal ka ng taong iyon, tatanggapin niya kung sino ka, kesyo payat o mataba ka,” paliwanag nito kay Sarah
“Aasa na ba ako sa buhay pag-ibig, Leo?” pabirong tanong nito.
“Umaasa ka lang, malay mo, mayroon taong may gusto sa iyo,” paniniguro ni Leo kay Sarah
“Naku, ha! Tigilan mo ako, kain na nga lang tayo!” sagot nito saka inunahan si Leo sa paglalakad.
Sa simpleng kainan lamang sila kumain, dahil mahuhuli sila sa trabaho kung magpupunta pa sila sa fastfood chain na ilang metro ang layo mula sa pinagtatrabahuan nila.
Matapos nilang kumain, nagpatuloy sila sa pagkukwentuhan hanggang makabalik sila sa trabaho. Nang mag uwian ay magkasabay pa rin si Leo at Sarah.
Naging kampante sila sa isa’t isa at lagi nang magkasama magmula noon. Hindi naman sinasadyang mahulog ang ang loob ni Leo at Sarah sa isa’t isa.
Higit pa sa kaibigan ang nararamdaman ni Leo para kay Sarah kaya nagtapat ito sakaniya,
“Sarah, may sasabihin sana ako sa iyo,” saad ni Leo nang magkita sila sa lobby
“Ano ‘yon?” tanong ng babae.
“May ipagtatapat kasi ako sa iyo, gusto kita, Sarah. ” pag amin ni Leo kay Sarah.
Napatakip ng bibig si Sarah sa gulat.
“Leo, hindi ako perpekto. Hindi maganda hugis ng katawan ko, hindi rin ako maganda,” pagpaintindi ni Sarah kay Leo.
“Alam mo, Sarah, sabi ko nga sa iyo, walang kaso iyon saakin, gusto kita at mahal na kita. Wala sa hugis ng katawan mo o kung ano pa man ang nararamdaman ko para sayo,” sagot nito
“Leo,” tanging nasabi ni Sarah
“Tanggap kita at mahal ko lahat sayo. Kaya sana, bigyan mo ako ng pagkakataon na mapatunayan saiyo ang nararamdaman ko,”
Hindi alam ni Sarah kung ano ang gagawin. Maging si Sarah ay may nararamdaman para kay Leo ngunit nahihiya lamang itong aminin sakaniya dahil takot itong ma-reject.
Naestatwa ang katawan ni Sarah nang yakapin siya ni Leo.
“Huwag kang mag-alala, ipagtatanggol kita sa mga panlalait nila sa iyo, wala silang karapatan para buyuin ka ng kung anu-ano dahil lang sa katawan mo,”
Napangiti si Leo nang maramdaman ang mga braso ni Sarah sa kaniyang likod, yumakap ito pabalik.
“Salamat, Leo. Salamat sayo dahil tanggap mo kung ano ako at kung sino ako, hindi ko inaasahan iyon,” naluluhang sabi nito.
“Bakit naman hindi mo inaasahan?” biglang tanong ni Leo saka kumalas sa yakap.
“Isa ka rin sa nanukso sa akin noon eh! Ano sa tingin mo ang aasahan ko? Kaya nga nagulat rin ako n’ong nakisabay ka sa akin.”
“Kalimutan mo na nga iyon. Ang totoo niyan, gusto kasi talaga kita noon pa man. Iyon lamang ang tanging paraan upang mapansin mo ako, pero tanggap ko lahat sa’yo at sa paningin ko ikaw na ang pinaka-sexy at magandang babaeng nakilala ko. Ano, kain na tayo?” aya ni Leo habang nkangiti ng matamis.
Naging malaking rebelasyon ang relasyon nilang dalawa, ngunit pinagtibay ito ng kanilang pagmamahalan. Kahit gaano karaming tao ang nagtangkang humusga sa kanila, sa huli ay nanaig pa rin ang tunay na pag-ibig. Hindi hadlang sa kanilang pag-iibigan ang pagiging mataba o payat. Dahil kung mahal mo, tatanggapin mo ang lahat ng mayroon siya. Ang pag-ibig ay hindi nakukuha sa labas na anyo, sa hugis ng katawan, kundi sa kung ano talaga ang isinisigaw ng ating puso.