Inday TrendingInday Trending
Tatlong Kahilingan

Tatlong Kahilingan

Sa bayan ng San Bartolome, may isang binatilyong labis na kilala. Ang pangalan niya ay Johannes. Siya ay lumaki na walang ama at ina, isang ulilang lubos. Gayunpaman, ang buong bayan sa kanya ay humahanga.

Taglay niya kasi ang talento sa musika at pagkanta. Siya ang laging nangunguna kapag may paligsahan sa pag-awit sa kanilang lugar. Ang sarili niyang mga awit ang kanyang kinakanta habang gamit ang kanyang lumang gitara.

Hindi siya kumakanta ng gawa ng iba kahit na alam niyang ang liriko niya ay simple lamang at walang maibubuga sa mga kakompitensiya niyang matatanda. Sa ganda ng kanyang boses, sa kanya ay walang makapag-patumba. Ang napapanalunan niyang premyong medalya ay kanyang kinokolekta. At ang kaunti naman niyang perang napanalunan ay iniipon sa kanyang paboritong kulay asul na alikansya. Bukod sa pagsali sa mga patimpalak ay mayroon naman siyang trabaho sa maliit na bar kung saan regular siyang kumakanta.

Dahil ulila na, mag-isa na lang siyang nakatira sa inuupahan niyang maliit na kwarto sa Kalye Trese. Ang paupahang iyon ay pagmamay-ari ng mag-asawang Reynante at Isadora. Minsan nga ay hindi na nila hinahayaan na magbayad ng upa si Johannes dahil napalapit na ito sa kanila at ang turing nila sa binatilyo ay para na nilang tunay na anak ngunit palagi itong nagpupumilit na magbayad at wala naman silang magawa.

“Johannes, hijo sa susunod ay huwag ka ng magbayad ng upa sa amin. Ipunin mo na lang ang kinikita mo sa iyong pagkanta,” wika ni Reynante.

“Tama ang Tatay Reynante mo. Mabuting ipunin mo na lang ang ibabayad mo sa amin para sa muli mong pagpasok sa eskwelahan. Alam namin na gustung-gusto mo ng bumalik sa pag-aaral. Tunay na anak na ang turing namin sa iyo kaya hindi mo na kailangan na magbayad pa ng upa,” sabad naman ni Isadora.

“Nakakahiya naman po sa inyo. Libre na nga ang pagkain ko, libre pa ang pagtira ko sa inyo? Hindi po ako makakapayag. Hayaan niyo po akong magbayad ng upa sa inyo. Saka malaking tulong rin po iyon sa mga gastusin niyo rito. Saka may sarili naman po akong ipon para sa nalalapit na pasukan,” sagot niya sa dalawa.

Isang gabi, habang naglalakad siya papasok sa pinagtatrabahuhang bar ay may napansin siyang karatula na nakapaskil sa pader. Agad nitong napukaw ang kanyang paningin. Nakasulat sa karatula na mayroong bagong paligsahan sa pagkanta na gaganapin sa bayan ng San Rafael, isang bayan na malapit lang sa kanilang lugar. Ang premyo sa nasabing paligsahan ay natatangi sa lahat ng paligsahan dahil tatlong kahilingan ng mananalo ang agad na bibigyan ng katuparan.

“Kung ako ang mananalo, una, hihilingin ko magkaroon ng malaki at magandang bahay. Pangalawa, isang maganda at magarang kotse. At ang pangatlo, hihilingin ko na magkaroon ng isang milyong piso,” kinikilig at masayang sambit ni Johannes sa sarili na may kasabikan.

Nang sumunod na araw ay nagsimula ng mag-ensayo araw-araw si Johannes bago pumasok sa trabaho. Buo na ang loob niya na sumali sa paligsahan. Nalaman din ng mag-asawang Reynante at Isadora maging ng kanyang mga kapitbahay ang pagsali niya sa patimpalak kaya todo suporta ang mga ito sa kanya hanggang sa sumapit na nga ang araw ng muling pag-awit ni Johannes.

“Johannes, Johannes, Johannes!” sigaw ng mga kapitbahay niya na pumunta sa ginaganapan ng paligsahan.

“Galingan mo hijo! Narito lang kami para sumuporta sa iyo!” sigaw naman ni Reynante.

“Laban lang, Johannes. Ipinagmamalaki ka namin!” saad ni Isadora habang masayang nanonood.

Umuugong ang kanyang pangalan. Mas lalong lumakas ang loob ni Johannes at lalo na siyang ginanahan at tuluyang nawala ang kaba sa dibdib niya. Nagsimula ng tumahimik ang lahat bago siya magsimulang kumanta. Lahat ng manonood ay nabigla nang marinig ang boses ng binatilyo na ubod ng ganda.

Ang lahat ng naroon ay nahalina sa kanyang boses. Maya-maya ay di na napigilang magsigawan at magtilian ang mga tao sa husay niyang umawit. Kahit ang mga mahihirap niyang kababayan ay hangang-hanga sa kanya. Kahit hikahos sa buhay at ipangkakain na lamang ang ipinamasahe papunta sa lugar ng paligsahan ay ginawa ng mga ito para lang suportahan siya.

Nang matapos kumanta ang mga kalahok ay isa sa mga hurado ang di inasahang napatayo at isinigaw ang kanyang pangalan.

“Ang galing mo Johannes!” sigaw ng isang babaeng hurado.

Hindi tuloy napigilang magtinginan ang mga manonood at pag-usapan ang ginawa ng nasabibing hurado.

Di nagtagal ay inanunsyo na ang nanalo sa paligsahan at gaya ng inashaan ng lahat ay si Johannes ang nakakuha ng kampeonato.

“Binabati ka naming lahat Johannes sa iyong pagtatagumpay sa paligsahan na ito. Bilang gantimpala sa pagkapanalo mo, mayroon kang tatlong kahilingan na aming agad na tutuparin,” sambit ng host sa paligsahan na kilalang panauhin.

Hawak na ng binatilyo ang mikropono. Inisip niya muli ang kanyang tatlong napagplanuhan na hilingin. Malaking bahay, kotse at isang milyong piso. Mga salitang patuloy na naglalaro sa kanyang isipan.

Sasambitin na sana niya ang nasa kanyang naiisip ng makita niya ang mag-asawang Reynante at Isadora at mga kapitbahay niyang masayang-masaya sa kanyang pagkapanalo.

“Johannes hijo, pwede ka ng humiling… tatlo iyon,” patuloy na sabi ng host.

Sa una ay nanatiling tahimik ang binatilyo ngunit maya-maya ay nagsalita na rin.

“Ang una kong hiling ay magkaroon ng maliit na negosyo sina Tatay Reynante at Nanay Isadora, ang mga itinuring ko ng mga magulang mula ng ako ay maulila.

Sa sinabing iyon ni Johannes ay di napigilang pumatak ang luha ng mag-asawa. Di nila inakala na iyon ang isa sa mga kahilingan ng binatilyong itinuring nilang anak.

“Ang pangalawa ko pong hiling ay pangkabuhayan para sa aking mga kapitbahay lalo na sa mga mas kapos at nangangailangan.

Nagtinginan ang mga tao sa kanya. Halos hindi nakakibo ang mga ito sa ikalawa niyang hiling.

“At ang huli ko pong hiling…”

Inabangan ng lahat ang huling kahilingan ni Johannes.

“Mahalin po ng lahat ng anak ang kanilang mga magulang… dahil kahit anong oras ay maaari silang mawala sa ating piling. Hindi na nila maririnig ang sigaw ng pagmamahal ng kanilang damdamin lalo na kung parehas na silang nailibing,” sambit niya.

Unti-unting nag-iyakan habang nagpalakpakan ang mga manonood, mga hurado at ang host sa paligsahan sa kanyang huling tinuran. Mas lalo nilang hinangaan si Johannes hindi lang dahil sa talento nito, hinangaan din ng mga tao ang linis ng kanyang puso at kabutihang taglay.

Sa huli ay isinantabi ni Johannes ang pansariling kahilingan at kagustuhan. Ang mahalaga sa kanya ay mapasaya ang mga taong nagmahal, naniwala at sumuporta sa kanya at sa kanyang naging laban at ipaalala sa lahat na mahalaga ang pagbibigay importansya sa mga magulang habang nabubuhay pa ang mga ito.

Advertisement