Inday TrendingInday Trending
Si Manang Kasi Nangungupit!

Si Manang Kasi Nangungupit!

HeartbreakingKarmaStories

“Mommy, bakit hindi ko nabalitaan na pinaalis mo na si Aling Precy? Sino na pala ang kasambahay natin ngayon?” tanong ni Javier na kakauwi lamang galing ng barko.

“Ay, oo nga pala! Pasensya ka na, daddy, hindi ko na nasabi sa’yo kasi na busy ako sa pag-asikaso ng pag-uwi mo. Ayun nga, tinanggal ko na si Aling Precy, paano’y nakita kong nangungupit sa pitaka ko,” sagot ni Imee, ang asawa ng lalaki.

“Grabe na talaga ngayon, sobrang hirap na maghanap ng matinong kasambahay. Hayaan mo, kukuha ako ng kakilala nila mama sa probinsya. ‘Yung kilala talaga para naman pwede nating balikan, saka kailangan na natin ‘yun ngayon. Alam mo naman na ayaw kong napapagod ka sa mga gawaing bahay,” pahayag ng lalaki sabay yakap sa kaniyang misis.

Kapitan ng barko ang lalaking si Javier kaya naman hindi lamang magandang buhay ang nabibigay niya sa kaniyang misis kung ‘di buhay reyna. Sunod sa luho ang babae at maging mga anak nito. Noong maliliit pa lang ang mga anak nila ay napakarami nilang kasambahay ngunit ngayon na nag-aaral na ang lahat ng hayskul ay mas pinili na lang ni Imee na magkaroon ng isang kasambahay at isang drayber.

“Sus, ang sweet naman talaga ng asawa ko! ‘Wag ka na maghanap ng kasambahay, ako na ang bahala doon. Mag-enjoy ka lang ngayong bakasyon mo,” malambing na sagot ng babae.

Mabilis na nakahanap ng kasambahay si Imee para sa apat na buwang bakasyon ng kaniyang mister. Kaya lamang ay napalitan na naman ito wala pa mang isang buwan na nakakaalis muli si Javier para sa trabaho.

“Mommy, mukhang palagi ka na lang nananakawan. Kita mo, wala pang isang buwan simula nung umalis ako riyan ay wala ka na naman katulong at nangupit na naman kamo, ” pahayag ng lalaki sa telepono.

“Naku, oo nga! Naiinis na nga ako, huwag na lang kaya tayo magkasambahay? Tapos dadalangan ko muna ang pakikipagkita sa mga kliyente para sa bahay na lang muna ako,” saad naman ni Imee.

“Kahit na hindi ka naman magtrabaho. Matagal ko nang sinasabi sa’yo ‘yan. Humanap ka pa rin ng kasambahay tapos diyan ka na lang sa bahay. Kung gusto mo mag-bake ka riyan, o mag-online shopping basta ayaw kong mapapagod ka,” pag-aalalang wika ni mister.

“Saka magpapakabit na rin ako ng cctv sa lahat ng parte ng bahay. Mukhang hindi na uubra ang nasa gate lang,” dagdag pa nito.

“Huwag! hindi naman kailangan ng cctv. Ako na ang bahala rito sa bahay, ‘wag ka na masyadong mag-alala,” mabilis na sagot ni Imee rito.

Hindi na kumontra pa ang lalaki dahil mahal na mahal nga niya ang misis. Nagtratrabaho ito bilang isang ahente na nagbebenta ng mga condominium units, una’y libangan lamang ito ng babae ngunit kalauna’y hindi na napigilan pa ni Javier ang asawa dahil nakikita naman niyang masaya ito at hindi napapabayaan ang kanilang pamilya.

Isang araw, nagpaalam si Imee na may kikitaing kliyente at mawawala raw siya sa bahay ng buong araw. Kaya naman naisip ni Javier na sorpresahin ang misis niya at nagpakabit siya sa kanyang pinsan na may tindahan ng CCTV.

Kinuntsaba niya ang panganay na anak na ibigay ang susi kay Michael na pinsan niya para nga makabitan ng CCTV cameras ang kanilang bahay.

Maaga pa lang ay pumunta na si Michael at ang kaniyang mga kasama sa bahay nila Javier bitbit ang halos isang dosenang CCTV camera na ikakabit nila. Nasa kusina na sila nang laking gulat nilang lumabas si Imee mula sa kwarto na tuwalya lamang ang tapis sa katawan.

“Holy sh*t! Sino kayo!?” sigaw nito sabay yakap sa kaniyang katawan.

“Ma’am, inutusan po ako ni Javier na kabitan ng CCTV ang bahay niyo. Surprise niya raw po sa inyo, sorry po kung nagulat namin kayo. Ang alam po kasi naman wala kayo ngayon,” mahinahong paliwanag ng lalaki.

Magsasalita pa sana ito ngunit napako ang paningin ng lahat sa nakita nila likuran ni Imee, kasunod niya ang lalaking tuwalya lang din ang suot.

“Please, wag niyong sabihin sa asawa ko,” nagsusumamo niyang sabi.

“Kailan pa?” wika naman ni Javier na kanina pa pala nila ka video call simula nung kinakabit ang mga CCTV sa bahay nila.

Hindi nakapagsalita si Imee nang mapansing kitang-kita sila ng kaniyang asawa. Lumabas ang katotohanan na kaya palaging nasisisante ang mga kasambahay nila ay dahil sa nahuhuli sina Imee at ang drayber nito sa kanilang bawal na relasyon. Mabilis na umuwi si Javier at nagsampa ng kaso sa kaniyang pinakamamahal na asawa at sa lalaki nito.

Sa pagkakataong iyon ay hindi sapat ang kaniyang pag-ibig para maging bulag sa kasalanan na ginagawa ng kaniyang misis. Ngayon ay labis na nagsisisi si Imee sa kaniyang pagkakamali.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.