Ang Sundalong Bayani
“Nay, gusto kong maging bayani. Gusto kong maging sundalo.”
Bata pa lamang ang anak nina Aling Nora at Mang Seryo na si Joselito ay paulit-ulit na nitong binabanggit ang bagay na iyon. Mahilig ito sa baril-barilan kagaya ng ibang bata na kasing edad nito kaya’t hindi nila masyadong sineseryoso.
Iniisip nila na magbabago pa ang isip nito paglipas ng taon.
“Siyempre naman, anak. Matutupad ‘yang pangarap mo,” pangako ni Aling Nora sa anak.
Taliwas sa kaniyang sinabi sa anak ang kaniyang nararamdaman. Bagama’t pangarap niya na matupad ang pangarap ng pinakamamahal na anak mayroong pangamba sa isang bahagi ng kaniyang puso.
Alam niyang mahirap maging sundalo. Delikado. Araw-araw ay isasangkalan mo ang buhay mo para sa bayan. Palagi niyang pinapangarap na dumating ang araw na magbago ang pangarap ng anak. Kahit ano, kahit na doktor na masyadong malaking pera ang kakailanganin ay ayos lang. Masigurado lang ang kaligtasan ng anak.
“Nay, ba’t ka naiyak?” tanong ni Joselito na nagpabalik kay Aling Nora sa kasalukuyan.
Hindi niya alam na umiiyak na siya. Tinignan niya ang anak na may mga dalang gamit. Hindi niya akalain na darating ang araw na kinatatakutan niya. Aalis na si Joselito para mag-aral sa paaralan ng mga nais maging sundalo.
“Ano ka ba naman, Joselito? Anak, hindi ka ba nasanay sa nanay mo na mahilig mag-drama? Alam mo naming iyakin ‘yan!” mapang-asar na sagot ng asawa ni Aling Nora.
Alam niyang pinapagaan lang nito ang sitwasyon ngunit tinignan niya pa rin ito ng masama. “Hindi ako iyakin, noh!” bulyaw niya rito.
Tinawanan sila ng kanilang anak.
“Mag-iingat kayo dito, ha, nay, tay?” paalala ni Joselito habang tinitignan ang kaniyang mga magulang. Parang mga bata kung pagbilinan.
Nanggilid ang luha ni Aling Nora. Inakbayan siya ni Mang Seryo para patahanin siya.
“Ano ka ba, anak? Siyempre iingatan ko ‘tong nanay mo! Ikaw ang mag-ingat kasi mag-isa ka lang dun. Wala kami para alagaan ka!” tugon ni Mang Seryo.
Ngumiti naman ang kanilang anak at tumango. “Siyempre naman po!”
Mayamaya pa ay umingay na ang barko na sasakyan ni Joselito paalis. May sumisigaw sa ‘di kalayuan. “O, ‘yung mga sasakay pa diyan sakay na! Aalis na! Baka maiwan kayo!”
Kaya naman sa huling pagkakataon ay binalingan ni Joselito ang mga magulang. Lalo na ang kaniyang ina. “Nay, antayin mo, ha! Pagkatapos ng ilang taon may anak ka ng sundalo,” saad nito sa nangangakong boses.
Hindi man gusto ni Aling Nora ng maging sundalo ang anak ay tumango siya. Hindi niya hahadlangan ang pangarap ng anak. “Sige, anak, ha! O siya, sakay na! Baka maiwan ka na! Susulat ka lagi, ha?”
Tumango naman si Mang Seryo at sa huling pagkakataon ay niyakap niya ang kaniyang anak.
Lumipas ang ilang buwan. Bihira nilang makausap ang anak. Nakakapagsulat lamang ito kapag may libreng oras o kaya ay may okasyon. Strikto kasi ang paaralan at ipinagbabawal ang paggamit ng cell phone. Gayunpaman ay masaya sila para sa anak. Ayos na iyon dahil ang mahalaga ay alam nilang ligtas ito.
Ngunit ilang buwan pa ang lumipas ay naging madalang na ang pagsulat ni Joselito hanggang sa wala nang natatanggap ng sulat ang mag-asawa.
“Ano ka ba naman? Baka naging abala lang ang anak mo. Huwag ka mag-alala. Bukas na bukas rin ay tatawag ako sa paaralan niya para makibalita,” pangako ni Mang Seryo para mapanatag ang asawa.
Tumango si Aling Nora. “Mabuti pa nga.”
Sa kabila ng pangako ng asawa ay hindi kumalma ang babae. Masama ang kaniyang kutob.
Kinabukasan ay tumawag nga ang asawa ni Aling Nora sa paaralan ng anak.
“Pasensiya na po. Hindi po puwedeng makausap ang mga estudyante ngayon,” ang sabi nang nakausap ni Mang Seryo. Marami pa itong ipinaliwanag ngunit iyon ang kaniyang sinabi sa asawa nang magtanong ito.
“Sabi ko naman kasi sa’yo huwag masyadong mag-alala. Ayos lang ‘yang anak mo,” dagdag pa ng lalaki.
Hindi man nakontento ay pilit na pinanghawakan ni Aling Nora ang sinabi ng kaniyang asawa. Kinumbinsi niya ang kaniyang sarili na ayos lang ang lahat at uuwi din ang anak ng ligtas.
Ngunit isang araw ay nabigla na lamang ang lahat nang mabalitaan ang isang estudyanteng natagpuang walang buhay sa loob ng paaralan mula sa telebisyon.
Nanlamig si Aling Nora. Kasabay nito ay ang pag-ring ng kaniyang cell phone.
Nanginginig niya itong sinagot. Gayun na lamang ang kaniyang pagtangis ng makumpirma niya ang kaniyang hinala. Si Joselito nga! Si Joselito ang nasa balita! Ang anak niya!
“Ano? Anong nangyari?” tanong ni Aling Nora.
Hindi niya namalayan ang pagdating ng asawa. Hindi siya makapagsalita kaya’t kinuha nito ang cell phone sa kaniya para kausapin ang mga kawani ng paaralan.
Matapos ang tawag ay magkasama na silang tumatangis. Nagsisisi, nanghihinayang at nagluluksa sa pagkawala ng anak.
Marami ang nakiramay sa kanila. Iniuwi nila ang labi ng kanilang anak at nagpuntahan ang iba’t ibang kilalang tao na nangakong tutulungan silang bigyan ng hustisya ang pagkam*tay ni Joselito.
Ayon sa imbestigasyon ang taong may gawa nito kay Joselito ay may mataas na katungkulan. Nahirapan ang mga pulis ngunit ang sulat ni Joselito para sa kaniyang pamilya na ipinatago niya sa kaniyang matalik na kaibigan ang nagpalutang ng katotohanan.
Sinasaktan sila ng isang heneral kapag may nagagawang silang mali o kapag nakikitaan sila ng kahinaan ng loob. Matindi ang pisikal nitong pananakit kaya’t marami rin na kagaya niya ang nagtangkang tumakas. Ngunit nang mahuli sila ay naging mas malupit pa ang heneral.
Nagpahayag ng mga testimoniya ang iba pang biktima ng heneral.
Nakulong ito sa wakas ng panghabang buhay nang sampahan ng patung-patong na kaso ng iba pang mga inabuso nito.
Ngumiti si Aling Nora habang pinapanood ang mga puting lobo na pinalipad ng mga tao. Nawala man ang anak sa kaniya ay naging bayani pa rin ito hanggang sa huli.
“Natupad mo pa din ang pangrap mo na maging bayani, anak. Madami kang iniligtas sa kapahamakan. Proud na proud kami sa’yo,” pagkausap niya sa anak na alam niyang nakatingin sa kanila nang mga sandaling iyon.