Inday TrendingInday Trending
Katotohanan sa Likod ng Kamera

Katotohanan sa Likod ng Kamera

“Isabella, ano na naman ‘tong balita tungkol sa’yo? Hindi ba sinabi ko sa’yo na huwag ka nang aalis ng bahay mo!”

Ngumiwi lang si Isabella sa sinasabi ng kaniyang manager na si Louie habang ipinapakita nito ang isang diyaryo. Paniguradong may tsismis na naman tungkol sa kaniya.

“Ano ka ba naman, Louie? Ang tagal-tagal na natin sa industriyang ‘to pero naniniwala ka pa rin diyan. Ilang beses na ba akong ginawan ng tsismis ng mga tao? Hanggang ngayon ‘di ka pa rin nasanay!” irap ni Isabella rito.

Si Isabella ay isang sikat na artista sa isang sikat na network. Marami siyang tagahanga. Marami rin ang may ayaw sa kaniya. Sinasabihan siyang maarte, malandi. Lahat na ng masasamang bagay na naimbento. Dati ay iniiyakan niya pa iyon. Pero sa loob ng halos limang taon niyang pag-aartista ay natuto na siya na ignorahin ang mga bagay-bagay.

Pinangarap niyang maging artista kaya bakit siya aayaw? Bakit siya magpapahila pababa? Kaya heto siya ngayon, nananatiling sikat. Gayunpaman ay hindi siya tinatantanan ng batikos.

“O, patingin nga. Ano na naman ba ang nakasulat diyan? Ano na naman daw ang ginawa ko?” Nagtaas pa siya ng kilay.

Bumuntong-hininga si Louie. Hindi lang niya ito katrabaho, matalik rin niyang kaibigan.

“Nakita ka raw sa isang hospital…” panimula nito.

Nanlaki ang mga mata ni Isabella nang makita ang litrato niya. Bahagya siyang nakaramdam ng kaba.

“Iniisip ng mga tao na buntis ka o kaya naman baliw na kaya nagpapatingin sa utak!” pagtatapos ni Louie.

Halos mapunit ang labi ni Isabella kakangiwi. Wala ba silang magawang maganda kung ‘di ang manira ng tao?

“Hindi ba puwede na may binisita lang ako doon? Kailangan buntis talaga ako?” tanong ng babae.

“Alam mo naman ang mga tao! Basta, ha, mag-ingat ka! Huwag ka na munang maglabas-labas at ang dami na namang nakatingin sa’yo.” Seryosong sabi ni Louie bago siya iwan sa kaniyang bahay.

Ngumuso si Isabella at binuksan ang kaniyang cell phone.

Ano pa nga ba? Binalaan na siya ng kaibigan niya na huwag umalis kaya dapat sumunod na lang siya. Minsan ay naiisip niya na sana ay hindi na lang siya nag-artista. Pangarap niya iyon pero minsan ay nahihirapan na siya.

Hindi siya makagalaw ng maayos. Bawat gawin at sabihin niya ay mali at mahuhusgahan. Gusto ng mga tao na ang lahat ng ginagawa niya ay nakikita ng mga ito. Para madaling makita ang kaniyang mga kamalian.

Kaya nga lang kapag naiisip niya nang sumuko ay rumirehistro sa isip niya ang sinabi ng kaniyang ina noong bata pa siya. “Ipaglaban mo ang pangarap mo at huwag mong hahayaan na tapakan ng mga tao.”

Iyon na lamang ang pinanghahawakan niya.

Kinuha ni Isabella ang kaniyang cell phone. Ikatlong araw na ng pagmumukmok niya sa kaniyang bahay.

Alam niyang dapat na umiwas siya sa tsismis ngunit heto siya at tumatawag sa taong pinakamamahal niya sa lahat.

Suot ang malaking damit naglakad siya patungo sa kung saan nakaparada ang kaniyang sasakyan.

“Kamusta na diyan? Gusto na kitang makita!” saad ni Isabella.

Mabilis din ang sagot ng taong nasa kabilang linya. Tila hinihintay ang tawag niya. “Ako din. Pero nabalitaan ko ang mga kumakalat na tsismis. Huwag ka munang pumunta dito! Baka may makakita sa’yo. Panibagong usapan na naman iyan.”

“Wala akong pakialam sa kanila. Basta gusto kitang makita ngayon kaya pupuntahan kita,” saad ni Isabella. Sumakay siya ng sasakyan at nagmaneho paalis.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay may isang nagmamanman sa kaniya. Narinig nito ang usapan. Kumuha ng litrato at sinundan pa siya.

Nang makarating sa ospital ay agad niyakap ni Isabella ang taong tinawagan niya sa kaniyang cell phone. “Mama!” Niyakap din siya nito.

Buong gabing nanatili sa ospital si Isabella. Yakap-yakap niya ang kaniyang ina na bihira niya lamang makasama.

Kinabukasan ay sinalubong na naman ang kaniyang umaga ng batikos. Kumalat ang kaniyang mga litrato kung saan siya nagtungo kagabi.

Ang sabi sa balita ay mukhang nakipagkita siya sa kaniyang nobyo na nakabuntis sa kaniya. Tinawag siya ng mga tao sa hindi mabilang na pagkakataon ng iba’t ibang paninira. Wala siyang nagawa kung hindi ang magmukmok sa kwarto at umiyak. Papalipasin na naman ang batikos at paninira.

Ngunit tumunog ang kaniyang cell phone at ang tumitiling si Louie ang sumalubong sa kabilang linya. “Isabella!” sigaw nito.

“Ano?” walang gana niyang tanong. Ang inaasahan niya ay pagagalitan siya nito ngunit iba ang sinabi ni Louie.

“Buksan mo ‘yung TV mo dali! Dali!”

Nataranta siya ngunit naguguluhang sumunod dito. Nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang nasa balita.

Mula sa 17 taong pagtatago sa mga tao ay nagbalik sa harap ng kamera ang artistang si Daisy Arevalo, ang ina ni Isabella! Sinabi niya ang rason kung bakit siya umalis at higit sa lahat ang rebelasyon na anak niya si Isabella.

Ayon kay Daisy Arevalo ay nabuntis siya at dahil artista siya alam niyang maraming tao ang babatikos sa kaniya at kukuwestiyon. Gusto niyang ilayo ang anak sa magulo nitong mundo kaya siya umalis. Hindi na siya bumalik dahil naging mas masaya siya na gampanan ang pagiging ina kaysa sa ang pagiging artista.

Ngunit nagkasakit siya at kinailangan na maospital sa loob ng ilang taon. Ang anak na si Isabella ang umaagapay sa kaniya hanggang sa tuluyan siyang gumaling. Kahit na hindi niya gusto na naging artista si Isabella ay hindi niya hahadlangan ang pangarap ng anak.

Sabi pa nito ay bumalik siya para ipaliwanag ang lahat at linisin ang pangalan ng anak dahil alam niya ang pakiramdam kapag pinagkakaisahan ka ng mga tao at wala kang magawa para ipagtanggol ang sarili.

Ang pahayag ng ina ni Isabella ay umani ng samu’t saring reaksyon sa mga tao. Ngunit ang tanging nararamdaman ni Isabella ay matinding kasiyahan dahil sa wakas ay makakasama na niya ang kaniyang ina. Hindi niya na kailangang magtago para lamang sa mga mapanghusgang mga taong hindi naman talaga siya kilala.

Advertisement