Sana Ako na Lang
“O, Myka, nakapalumbaba ka na naman diyan sa tapat ng tindahan ko! Aba naman, maawa ka naman sa akin! Dalawang araw na akong lugi dahil sa palagian mong pangalumbaba diyan!” saway ni Ofelia sa kaibigang nakatambay sa tapat ng kaniyang karinderya.
“Sobra ka kamo, Ofelia! Ang sabihin mo hindi lang talaga masarap ‘yang mga lutong ulam mo kaya walang masyadong bumibili!” pang-iinis ng dalagang si Myka tsaka bahagyang inirapan ang kaibigan.
“Hoy, magtigil ka nga! Baka nakakalimutan mong suki ko ang lalaking pinapantasya mo. Buti pa ako naipagluluto ko siya! Eh, ikaw? Kawawang Myka. Pang habang buhay na kaibigan na lamang!” tukso pa ni Ofelia sabay bineletan ang kaibigan habang kumekendeng-kendeng.
“Ewan ko sa’yo! May asawa’t anak ka na pero isip bata ka pa rin!” inis na sigaw ni Myka tsaka umalis ng karinderya. Ngunit hinabol pa siya ng tukso ng kaibigan dahilan upang mapatigil siya sa paglalakad.
“Sana mapagtanto na ni Nico na mas karapat-dapat kang mahalin kaysa doon sa babaeng araw-araw na iniiyakan niya para hindi malasin ang paninda ko!” wika ni Ofelia at nang makita niyang seryoso na ang kaibigan ay napainom na lang ito ng tubig tsaka tumalikod.
Umirap na lang si Myka tsaka tuluyan nang umalis.
Bente otso anyos na ang dalagang si Myka ngunit kahit kailan ay hindi pa siya nagkakanobyo. Marami naman ang nagkakagusto sa kaniya lalo pa noong nasa kolehiyo siya. Sa katunayan nga ay tinaguriang “Campus Crush” ang dalaga noong nag-aaral pa siya. Halos araw-araw ay may nag-aabot sa kaniya ng bulaklak o tsokolate na madalas ay ipinamimigay niya lang sa kaniyang mga kaklase dahil hindi galing sa taong gusto niya.
Nasa hayskul pa lang ang dalaga ay naramdaman na niyang tila may kakaibang tibok ang puso niya sa tuwing nakikita niya si Nico dahilan upang kaibiganin niya ito. Nagtagumpay siya na maging kaibigan ito ngunit hanggang kaibigan lang talaga siya.
Ginawa niya ang lahat upang mapansin nito ngunit palagi siyang bigo dahil may iba itong gusto at sa tuwing nadudurog ang puso ng binata ay sa kaniya ito lumalapit para maglabas ng sama ng loob. Sa katunayan nga ay halos lahat ng away ng dalawa magpahanggang ngayon ay alam niya.
Ganoon na lamang ang sakit na nararamdaman ni Myka simula pa noong una ngunit kahit kailan ay hindi niya naisipang sabihin ang kaniyang nararamdaman sa binata dahil nga baka lumayo ito sa kaniya. Ang sabi nga niya, “Mas mabuti nang masaktan ako kaysa malayo siya sa akin.”
Kaya naman ganoon na lamang siya kung tuksuhin ng kaniyang kaibigan. Nasa tamang edad na kasi siya ngunit ikinukulong niya pa rin ang sarili sa binatang imposibleng maging kaniya.
Kinabukasan, pagkauwi galing trabaho ay agad na pumunta si Myka sa karinderya ni Ofelia. Naubusan kasi siya ng ulam. Ngunit pagkadating na pagkadating niya dito ay nakasimangot at parang ang lungkot-lungkot ng mukha ng kaibigan niya. Wika niya sa kaniyang sarili, “Baka akala nito galit ako sa kaniya.” Agad niya itong nilapitan at binungisngisan.
Ngunit napilitan ng pagkabusangot ang kaniyang masayang mukha nang may iabot ito sa kaniya na isang sobre. Isang imbitasyon sa kasal ng lalaking noon pa man ay pangarap na niya.
“Gusto niya raw masaksihan mo ang kasal niya. Isa ka raw sa mga dahilan ng pagtatagal nila. Hindi ka raw niya matiyempuhan, eh, kaya pinaabot niya na lang sa akin,” nakatungong sambit ni Ofelia dahilan upang mapabuntong-hininga si Myka habang nanggigilid na ang kaniyang mga luha.
“Ofelia, ano bang kulang sa akin?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Myka sa kaibigan. “Bakit hindi ako ang gusto niyang makasama habang buhay? Eh, samantalang ako ang nagiging sandalan niya sa tuwing nagloloko ‘yung babaeng ‘yon!” Tila nadadala na siya ng emosyon.
“Kumalma ka. Mahal mo, ‘di ba? Hayaan mo siya kung saan siya sasaya,” payo ni Ofelia tsaka nito niyakap ang kaibigan.
Ayaw sanang pumunta ni Myka sa kasalan na ‘yon ngunit kinulit siyang maigi ng kaibigan. Kaya naman kahit alam niyang sobra siyang masasaktan ay pumunta pa rin siya at ipinangako sa sariling pagkatapos ng araw na ‘yon ay papakawalan na niya ang sarili mula sa lalaking hindi man lang siya napansin.
Pagdating nila Myka at Ofelia sa simbahan ay agad silang sinalubong ni Nico. Kitang-kita sa mukha nito ang kasiyahang nararamdaman.
Bagama’t malungkot ay pinilit ni Myka na ngumiti at ipakitang masaya siya sa kasalan na magaganap. Ngunit tila hindi na napigilan ni Myka ang pagluha nang dumating na ang babaeng ikakasal sa kaniyang pinapantasyang lalaki. Napakaganda ng suot nitong gown.
Napatingin siya sa binata at nakita niyang umiiyak ito habang pinagmamasdang maglakad ang babae patungo sa kaniya. Napabuntong-hininga na lang siya at sinabing, “Sana ako na lang.”
Matapos ang seremonya ay agad na hinila ni Myka pauwi ang kaibigan. Hindi na niya kaya ang sakit na kaniyang nararamdaman. Habang naglalakad sila ay inilabas niya ang lahat ng sama ng loob na inipon niya tsaka itinaga sa sikat ng araw na kakalimutan na niya ang lalaking ‘yon.
Nahirapan man ay nagpursigi siya na kalimutan si Nico. Pinagtuunan ni Myka ang kaniyang pamilya’t trabaho. Natuto na rin siyang tumanggap ng mga regalo mula sa mga patuloy na sumusuyo sa kaniya dahilan upang makilala niya ang isang lalaking bumuo sa puso niyang sawi.
Halos magkaparehas na magkaparehas ang lalaking gusto niya noon at ang lalaking nanliligaw sa kaniya ngayon. Ang kinaibahan lang ay kaibigan ang tingin sa kaniya ni Nico samantalang ang lalaking nanliligaw sa kaniya ay gusto maging ka-ibigan siya. Ilang buwan lang at sinagot na ni Myka ang binata.
Marami siyang nababalitaan tungkol sa dati niyang pinapangarap na lalaki na nagloloko na naman ang asawa nito. Ang tanging tugon ni Myka, “Sa ngayon ay sariling kasiyahan ko naman ang uunahin ko.”
Sa huli ay kinasal din si Myka sa kaniyang nobyo. Hindi siya nagkamali sa pagpili dito dahil kitang-kita sa bawat aksyon nito kung gaano siya kahalaga para dito.
Kapag talaga pinilit ang tadhana tiyak na sakit ang idudulot nito sa’yo pero kapag hinayaan mo lang itong kumilos tunay na saya’t pag-ibig ang mararamdaman mo.