Inday TrendingInday Trending
Dinurog ng Tadhana, Binuo ng Kapalaran

Dinurog ng Tadhana, Binuo ng Kapalaran

“Dalawang linggo na lang at kasal na natin, mahal! Ang bilis ng panahon, ano?” galak na galak na wika ni Sabrina habang nakasandal sa dibdib ng nobyo at nakatingin sa kalangitan.

“Oo nga, eh,” tipid na sagot ni Zac.

“O, bakit parang hindi ka masaya? Nag-iba na ba ang isip mo? Ayaw mo na akong pakasalan?” tugon ng dalaga tsaka siya umayos ng pagkakaupo.

“Ano ka ba? Mali ‘yang mga iniisip mo,” pangungumbinsi ng binata tsaka bahagyang hinawakan ang kamay ng kaniyang nobya.

“Eh, bakit ganiyan ka? Nakasimangot at parang malalim ang iniisip,” nakangusong wika ni Sabrina. Ramdam niya kasing parang kanina pa may ibang iniisip ang binata.

“Ah, eh, wala. Masakit lang ang ulo ko. Ayos lang ba kung umuwi na ako? Gusto ko na sanang magpahinga. Masama ang pakiramdam ko, eh,” sagot ni Zac na lalo pang nakapagpaisip sa kaniyang nobya.

Wala namang magawa si Sabrina kung ‘di hayaan na muna itong umuwi sa kanila at magpahinga. “O, sige. Balitaan mo na lang ako kapag nakauwi ka na. Ingat ka.”

Agad na umalis ang kaniyang nobyo matapos niyang sabihin ‘yon. Napabuntong-hininga na lamang siya at mataimtim na nanalangin na sana ay hindi tama ang kutob niya.

Tatlong taon nang magkasintahan sina Sabrina at Zac. Simula nang sagutin ng dalaga ang binata ay wala itong mintis sa pagpaparamdam kung gaano niya ito kamahal. Simula sa paghatid sundo niya sa dalaga kahit pa gabi na hanggang sa mga regalong ibinibigay niya dito.

Ramdam na ramdam talaga ng dalaga ang pagmamahal ng binata sa kaniya. Kaya naman tuluyang lumalim ang pagmamahal ng dalaga dito. Hindi man lang niya nagawang magdalawang-isip nung mag-propose ang binata sa kaniya. “Yes!” Ang tanging paulit-ulit niyang isinisigaw noong mga oras na ‘yon.

Buong akala ni Sabrina ay naka-jackpot na siya sa lalaking papakasalan niya ngunit sa loob ng tatlong buwang paghahanda nila para sa kanilang kasal ay tila biglang nanlamig ang trato sa kaniya ng binata. Laging rason nito na pagod daw siya o ‘di kaya naman ay may masakit sa kaniya. Napapadalas na ganito ang mga sinasabi ng binata sa tuwing yayayain niya itong kumain sa labas o kapag may naitatanong siya tungkol sa kasal nila.

Dito na nagsimulang kutuban ang dalaga. Naiisip niya na baka may ibang babae na itong nagugustuhan. Ngunit lagi niyang kinukumbinsi ang sarili na hindi siya magagawang lokohin ng lalaki dahil alam niyang mahal na mahal siya nito.

Pinasawalang bahala ni Sabrina ang lahat ng kaniyang kutob at hinala tungkol sa nobyo hanggang sa dumating na ang araw ng kanilang kasal.

Pagkagising na pagkagising ni Sabrina ay kinumbinsi niya ang sarili na tanggalin na ang lahat ng pangamba sa kaniyang puso dahil ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Mataimtim siyang nanalangin at humingi ng gabay para sa buong araw na darating. Agad na siyang nagpaayos pagkatapos noon.

Mayamaya pa ay sinuot na niya ang pinapangarap niyang damit pangkasal. Kinabitan na rin siya ng belo at pinahawak ng bulaklak.

Nagsimula nang mag-iyakan ang kaniyang mga babaeng kapatid at ina na kasama niya sa silid dahilan upang maiyak rin siya.

Ngunit tila lalong umagos ang luha ng dalaga nang makatanggap siya ng isang tawag mula sa kaniyang mapapangasawa.

“Pasensya ka na, Sabrina. Hindi ko na magagawang magpakasal sa’yo. Nakabuntis ako. Pasensya ka na. Nagawa kong magtaksil sa’yo,” sambit ni Zac dahilan upang manghina at mapaupo ang dalaga sa sahig.

Iyak nang iyak si Sabrina dahil doon. Magsasalita pa lang sana siya ngunit agad nang ibinaba ng lalaki ang tawag.

Halos maglupasay sa sahig ang dalaga sa sakit na nararamdaman. Halos sirain niya ang bulaklak na hawak niya sa kakahampas niya nito sa lamesa. Padabog niyang hinubad ang kaniyang damit at belo. Nagkalat na ang kaniyang makeup sa buo niyang mukha dahil sa kaniyang pagngawa.

Hindi naman makapaniwala ang kaniyang pamilya sa kahihiyang ginawa ng lalaki.

Ilang buwan ring nalugmok ang dalaga bago tuluyang nakabangon sa pagkakadapa. Tanging panalangin at pamilya niya ang labis na nakatulong sa kaniya.

Kapag may kaunti kirot na nararamdaman ay pinapaalalahan ng dalaga ang kaniyang sarili. “Mabuti na ring hindi natuloy ang kasal kung ‘di ay baka naitali ko na ang sarili ko sa maling tao.”

Ibinaling muna ni Sabrina ang lahat ng kaniyang atensyon sa kaniyang trabaho dahilan upang ma-promote siya at maging isang team leader.

Labis ang tuwa ng kaniyang pamilya dahil nakikita na nilang unti-unti nang nakakalimot sa masaklap na nakaraan ang dalaga.

Dalawang taon lang ang nakalipas at nakatagpo muli ng mamahalin si Sabrina. At sa pagkakataong ito ay hindi na siya nagkamali sa pagpili. Pinakasalan siya nito at araw-araw nitong ipinaparamdam sa kaniya ang kaniyang halaga.

Labis ang saya ng babae na sa wakas ay natagpuan niya na rin ang lalaking para sa kaniya. Nadurog man siya noong una ay nabuo naman ulit siya ng pagmamahal.

Kung gaano kalalim ang sakit na iyong naramdaman tiyak na ganoon rin kalalim ang sayang iyong mararamdaman sa taong nakalaan para sa’yo. Nagkamali ka man sa pagpili noong una hindi ibig sabihin noon ay katapusan mo na. Patuloy na sumubok magmahal at huwag mawalan ng pag-asa. Matatagpuan mo rin ang taong nakatakda para sa’yo.

Advertisement