Inday TrendingInday Trending
Banta Ng Asido

Banta Ng Asido

“Nakakainis!” sigaw ni Krista saka bahagyang inihagis ang kaniyang cellphone sa lamesa.

“O, bakit na naman?” pang-uusisa ng kaniyang kaibigan na si Gladis saka pinulot ang cellphone ng kaibigan.

“Nakikipaghiwalay na kasi ako sa boyfriend ko. Sobrang nasasakal na kasi ako, tapos tignan mo ang sabi sa akin, “Sige, makipaghiwalay ka, pero hindi kita hahayaang maging masaya!” “Nakakainis, di ba? Paano na lang kung may gawing masama ‘to sa akin?” pag-aalala niya saka ginulo-gulo ang kaniyang buhok.

“Naku, huwag mong intindihin ‘yan. Tinatakot ka lang n’yan,” ika ng kaniyang kaibigan saka tinapik-tapik ang kaniyang likuran.

“Tapos tignan mo, nakakairita pa ‘yang si Ylona! Kanina pa ‘yan nakatingin dito, parang pinapakinggan niya mga pinag-uusapan natin,” sambit ng dalaga saka patagong tinuro ang katrabahong kanina pa nakamasid sa kanila.

“Huwag mo na pansinin, ganyan naman lagi ‘yan. Baka malalim lang ang iniisip,” sagot naman nito at saka siya hinila paalis upang huwag nang pagbuntungan ng galit ang katrabaho.

Dalawang taon nang nasa relasyon ang dalagang si Krista. Noong una’y tuwang-tuwa siya dahil sa wakas, nagkaroon na rin siya ng makakatuwang sa buhay ngunit hindi nagtagal, naging abuso na ang lalaki at masyadong mahigpit dahilan upang naisin niyang makipaghiwalay dito.

Ngunit ayaw pumayag nito at pinagbabantaan pa siyang hindi raw siya sasaya. Kaya naman, ganoon na lang ang inis ng dalaga dito. Lalo pang nadagdagan ang inis niya nang mapansing nakikinig sa usapan nila ang isa nilang katrabaho. Matagal na niya itong napapansin na kada mag-uusap silang dalawa ng kaniyang kaibigan tungkol sa kaniyang nobyo, madalas nakatingin ito sa kanila at para bang nakikinig.

Kinabukasan, habang naglalakad sila pauwi, napaiyak na lamang ang dalaga matapos makabasa ng isang mensahe sa kanyang cellphone. Muli na naman kasi siyang pinagbabantaan ng nobyo.

“Ano na naman bang sinabi sa’yo?” pang-uusisa ng kaniyang kaibigan.

“Hindi niya raw ako hahayaang magkaroon ng panibagong nobyo, gagawin niya raw ang lahat para hindi ako magustuhan ng ibang lalaki,” mangiyakngiyak na saad ng dalaga.

“Magsumbong ka na kaya sa mga pulis? Para hindi ka na mangamba ng sobra? Madalas ka na umiiyak dahil sa mga pagbabanta niyan!” sambit ng kaniyang kaibigan ngunit bago pa man makasagot ang dalaga, hinarang na sila ng dating nobyo nito.

“A-anong kailangan mo?” takot na takot na tanong ng dalaga saka niya pinisil maigi ang braso ng kaibigan, napansin niya kasing may hawak itong isang bote na naglalaman ng asido.

“Sabi ko naman sa’yo, di ba? Hindi ko hahayaang may magkagusto pa sa’yo o sumaya ka man lang,” nakangising ika nito habang unti-unting binubuksan ang hawak na bote.

“Pwede ba, tumigil ka na? Hindi ka na mahal ng kaibigan ko! Tigilan mo na siya!” sigaw ng kaniyang kaibigan dahilan para itulak siya nito. Bahagyang napalakas ang pagtulak ng lalaki dahilan para mapabarandal siya sa isang poste at mawalan ng malay.

“Gladis!” sigaw ng dalaga saka nilapitan ang kaibigan, “Napakasama mo!” bulyaw niya sa dating nobyo.

“Talaga! Kasalanan mo ‘tong lahat!” tugon ng lalaki saka ibinuhos sa kaniya ang laman ng bote, wala na siyang ibang nagawa kundi pumikit na lamang.

Ngunit ang pinagtaka niya, hindi man lang siya nabasa o nasaktan, pagdilat niya, nakahiga na sa sahig ang kaniyang katrabahong si Ylona, lapnos ang likuran at maiyak-iyak na nakatitig sa kaniya. Nakita niyang mabilis na tumakbo ang dati niyang nobyo.

Agad siyang humingi ng tulong sa mga sasakyang dumadaan. Sa kabutihang palad naman, mabilis nalunasan ang kaniyang kaibigan pati na ang kaniyang katrabahong nagligtas sa kaniya. Puno ng sugat ang likod nito dahil sa manipis lamang ang suot nitong damit. Mangiyak-ngiyak niya itong nilapitan nang matapos gamutin ang mga sugat nito.

“Ma-maraming salamat sa pagligtas mo sa akin,” nahihiyang ika ni Krista, ngumiti lamang ang kaniyang katrabaho, “Bakit ka nga pala nandoon? Sinusundan mo ba talaga kami?” tanong niya pa, hindi naman nagdalawang isip ang kaniyang katrabahong umamin.

“Oo, palagi ko kayong sinusundan simula noong malaman kong pinagbabantaan ka ng pinsan ko,” sagot nito na labis na ikinagulat ng dalaga, “Kaya lagi akong nakatitig o nakikinig sa inyo, gusto ko kasing makatulong. Kilala ko ang pinsan ko, may pagkukulang talaga ‘yon minsan sa pag-iisip lalo na kapag nasasaktan. Pasensya ka na, hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa’yo,” dagdag pa ni Ylona, napabuntong hininga na lamang ang dalaga.

Gusto lang palang makatulong nito kaya laging nakatitig at nakikinig sa kanila tapos labis pa siyang nagalit dito. Hindi pa rin siya makapaniwalang ang kinakainisan niyang katrabaho ang siya pang magliligtas sa kaniya sa tiyak na kapahamakan.

Doon rin ay humingi ng kapatawaran ang dalaga sa kaniyang katrabaho. Bukod kasi sa kinaiinisan niya ito dati, siya ang naging dahilan ng pagkakaroon ng lapnos at sugat sa likuran nito.

Sinumbong niya na rin sa pulisya ang kaniyang dating nobyo dahilan upang makulong na ito.

Masaya nang nagsimula muli ang dalaga ng kaniyang malayang buhay. Walang kinaiinisan, walang pagbabanta at bukod pa doon, mayroon na siyang dalawang matalik na kaibigan.

Madalas kung sino pa ang hindi mo akalaing tutulong sa’yo, sila pa ang kayang magsakrispisyo ng buhay para sa’yo.

Advertisement