“Hassle naman, oh!” Naihampas pa ni Ron ang kaniyang kanang kamay sa manibela ng kotseng kaniyang minamaneho. Naipit na naman kasi siya sa napakahabang trapiko sa gitna ng kalsada gayong kagagaling niya lamang sa trabaho! “Pagod na pagod ka na nga sa katatrabaho, ʼtapos, ganito pa lagi ang aabutin mo! Bwisit na buhay naman ʼto, oh!” Makailang ulit pa siyang napapalatak.
Paunti-unti lamang ang usad ng mga sasakyan sa kahabaan ng kalsadang iyon, hanggang sa mapatapat siya sa isang lumang simbahan sa kanilang lugar kung saan napakaraming taong nagpapabalik-balik sa loob. Lumalabas at pumapasok ang mga ito. Humihiling, nagdarasal, nagpapasalamat o humihingi ng tawad.
Linggo nga pala ngayon kaya maraming tao sa simbahan. Maraming mga sidewalk vendor na naglipana sa palibot ng simbahan. May mga nagtitinda ng mga umiilaw na laruan, may mga nagtitinda ng mga pagkaing kung tawagin ay turo-turo, may mga nagtitinda ng kandila, at siyempre, hindi mawawala ang mga nagtitinda ng sampaguita. Napaisip si Ron nang bigla siyang may maalala…
“Linggo ngayon, pero nagtatrabaho ako imbis na magpahinga. Ni hindi man lang tuloy ako makadaan sa simbahan!” muli ay reklamo niya na lalong nakadagdag sa nararamdaman niyang pagka-aburido.
Ganoon na lang lagi ang araw-araw na routine ni Ron. Papasok sa trabaho nang naiinis at nagrereklamo, ʼtapos uuwi nang naiinis at nagrereklamo pa rin, dahil sabi niya ay napakahirap daw magtrabaho!
Halos hindi na maalala ni Ron kung kailan siya huling nakapag-relax, dahil nga sobrang subsob siya sa kaniyang trabaho. Ni hindi na rin nga niya maalala kung kailan siya huling naging masaya. Paper works dito, paper works doon, patawag dito, patawag doon. Pakiramdam niya ay nagtatrabaho na lang siya para maging utusan ng kaniyang mga boss. Hindi na gusto ni Ron ang ganitong buhay. Nagsasawa na siya.
“Kuya, bili na po kayo ng sampaguita ko.”
Ikinagulat ni Ron ang pagsasalitang iyon ng isang batang lalaking tindero ng sampaguita. Hindi niya napansing nakalapit na pala ito sa kaniya, dahil kanina pa pala siya tulala.
“Magkakano ba ʼyang sampaguita mo, totoy?” tanong ni Ron sa bata.
“Bente pesos lang ho ang isa, boss,” ang sagot naman ng batang kung titingnan ay naglalaro sa edad na sampu hanggang labing dalawang taong gulang. Payat ito at sunog sa araw ang balat, tanda na batak ito sa araw-araw na pagsabak sa trabaho sa ilalim ng mainit na araw.
“Oh, ito ang isang daan. Bigay ko na lang sa’yo iyan, ‘toy. Wala naman kasi akong paglalagyan niyang sampaguita,” walang emosyong sabi naman ni Ron sa bata sabay abot dito ng kulay ubeng papel na nagkakahalaga ng isang daang piso.
“Bigay ho, ser? Ibig hong sabihin, nililimusan nʼyo ho ako?” takang tanong ng bata habang nagpapapalit-palit ng tingin sa mukha niya at sa iniaabot niyang pera.
Napakunot naman ang noo ni Ron bago siya napakibit balikat. “Parang ganoon na nga,” wala sa loob na sagot niya.
“Pero hindi naman po ako nanlilimos, ser,” napapakamot pa sa ulong sabi ng bata sa kaniya.
“Kahit na. Ayaw mo bang bigyan kita ng isang daan, kahit hindi naman ako bibili sa ʼyo?” takang-taka nang tanong pa ni Ron noon na nag-uumpisa nang mapukaw ang atensyon.
“Ayaw ko ho, ser. Sabi ho kasi ng itay ko, huwag daw ho akong tatanggap ng limos. Hindi naman daw ho kasi kami tamad na tao. Kaya nga ho kami nagtatrabaho bilang tindero ng sampaguita, e. Sabi pa sa akin ni itay, mas masarap kumain ng pagkaing galing sa sarili mong paghihirap, kaysa ʼyong idinudulog lang sa amin nang libre.
Huwag daw po kaming umasa na palaging binibigyan ng isda, dahil mas masuwerte ang taong natuturuang mangisda gamit ang malinis niyang sariling kamay. Ang pera po kasi, pinaghihirapan nʼyo rin ʼyan, e. Kaya bakit nga naman po hindi rin namin paghirapan ang sa amin?” mahabang litanya pa ng bata na ipinanlaki ng mga mata ni Ron sa gulat!
“G-ganoon ba?” Napalunok pa si Ron habang patuloy na inuulit ng utak niya ang mga sinabi ng bata na mabilis na nagpamulat sa kaniyang mga mata. Kung kanina ay panay ang reklamo niya sa kabila ng pagiging mas maganda at maginhawa ng kaniyang trabaho, ngayon ay para siyang nanliit sa kaniyang kausap. Kung ito ngang sumasabak sa araw-araw na pagbabanat ng buto nang masaya, marangal at punong-puno ng pangarap sa kabila ng pagiging bata ng edad nito, bakit siyaʼy hindi niya magawa?
Bigla siyang natauhan na hindi lamang siya ang nakakaranas na magtrabaho araw at gabi, kahit sa araw ng linggo, para lang mabuhay ang kani-kaniya nilang mga pamilya. Ang iba ngaʼy mas mahirap pa ang dinaranas kaysa sa kaniya!
“Totoy, magkakano pala lahat iyang sampaguitang dala mo? Bibilhin ko nang lahat,” sabi ni Ron sa batang nananatiling maaliwalas ang pagkakangiti.
“Dalawang daan ho, ser… pero aanhin nʼyo po ang ganito karami?”
“Idi-display ko sa kwarto ko, para naman sa tuwing gigising ako sa umaga, maaalala ko ang lahat ng sinabi mo at matatauhan akong hindi ako dapat magreklamo. Maraming salamat sa ʼyo, hijo, dahil iminulat mo ang mga mata ko.”
Sa kauna-unahang pagkakataon nang araw na iyon ay napangiti si Ron. Iniabot niya ang bayad sa batang tindero na masaya namang nagpasalamat sa kaniya pagkatapos.