Inday TrendingInday Trending
Leksyon Ng Kahirapan

Leksyon Ng Kahirapan

Napukaw ng isang guro ang atensyon ng batang namamalimos sa tapat ng bintana ng classroom na iyon na katabi ng bakod ng kanilang eskuwelahan. Nauwi iyon sa pakikinig nito sa pangaral ng guro.

“Hindi kasalanan ng isang bata ang maging mahirap, pero ang maging mahirap hanggang sa bawian ka ng buhay ay kagustuhan mo na.” Kumunot ang noo ng batang si Sandra. Para sa kaniya, hindi magiging isang mahirap ang tao kung simula pa lang ay nagplano na. Hindi iyon ginawa ng kaniyang mga magulang at basta na lang siyang iniwanan sa kalyeng kaniya na ngayong tirahan.

Inalis na ni Sandra ang tingin sa nagtuturong guro sa kaniyang mga estudyante. Isa pa, nakaramdam siya ng inggit dahil nagagawa ng mga kapwa niya batang makapag-aral nang walang kahirap-hirap dahil may mga magulang silang masasandalan.

“Hoy!” Napalundag si Sandra sa gulat. Napairap siya dahil narito na naman ang kaibigan niyang ubod ng kulit.

“Mateo naman eh! Hindi ba sabi ko huwag mo akong ginugulat?” Napakamot sa ulo si Mateo pero hindi maiwasan ang matawa.

“Huwag ka kasing mag-isip ng sobrang lalim,” singhal ni Mateo sa kaibigan habang natatawa pa rin.

Sa edad nilang labing anim na taon ay naging kaagapay nila ang isa’t isa. Nangakong kahit kailan ay hindi pababayaan ang bawat isa. Habang namamalimos si Sandra ay kung saan-saan siya humahanap ng pagkakakitaan.

Samantala, tila suwerte naman si Mateo sa araw na iyon dahil may nakilala siyang mag-asawang napakabait.

“Ewan ko sa ‘yo, Mateo. Tara na nga! Gutom na ako.” Napahawak pa sa tiyan niya si Sandra upang ipakitang kumukulo na ang tiyan niya sa gutom.

Habang patungo sila sa mumurahing karinderya ay nabanggit ni Mateo na may mag-asawang hinahanap ang kanilang anak na halos anim na taon nang nawawala.

“Talaga, Mateo? Ang suwerte naman ng batang iyon kasi makikitang mahal na mahal siya ng kaniyang mga magulang dahil hinahanap pa talaga siya.” Umupo sila sa mahabang kahoy na nagsisilbing upuan sa karinderya.

Napansin ni Mateo ang paglungkot ng mukha ni Sandra.

“Mahal naman kita,” natutop ni Mateo ang bibig sa sinabi.

“Ha? A-anong sabi mo?”

“Wala, kain na tayo. Chibug!” Sabay nilang pinagsaluhan ang pagkaing dala ni Mateo mula sa kinita niya kanina.

“J-Jelay?” Napalingon si Sandra sa kumapit sa kaniyang balikat.

Isang magandang babaeng nasa edad trenta hanggang kwarenta ang niyakap siya patalikod.

“Jelay,” pag-uulit pa nito.

“Ma’am Alice?” Biglang tanong ni Mateo nang makita ang buong mukha ng babaeng humawak sa kaibigan niya. Si Alice at ang asawa nito ang tinutukoy ni Mateo na tinulungan niya at siyang nagbigay ng pera sa kaniya.

“Mateo kilala mo ba siya?” Tumango si Mateo bilang sagot habang nakatitig sa mag-asawang lumuluha.

“Hello po! Ako si Sandra,” masayang pagpapakilala ni Sandra. Ngayon ay kitang-kita ni Sandra ang ganda ng babaeng nasa harap niya maging ang kakisigan ng kasama nitong lalaki.

Mahigpit na yumakap sa kaniya ang babaeng nagngangalang Alice at rinig na rinig niya ang hagulhol nito habang hinihimas ng lalaking kasama ang kaniyang likod.

“Pasens’ya na anak kung ngayon lang ako. Pasensiya na kung iniwan ka namin dahil sa gusto naming mapabuti ka.” Walang awat ang pag-iyak nito ngunit wala pa ring maunawaan si Sandra.

“A-ano pong ibig niyong sabihin?” Pinunasan ni Alice ang kaniyang luha at isinalaysay ang lahat ng nangyari sa nawalay na anak.

“Patawad,” muling paghingi ng tawad ni Alice. Hindi naman makapaniwala sa narinig si Sandra. Hindi niya lubos maisip na nagpakahirap ang kaniyang ina’t ama para sa ikabubuti niya habang nakakintal sa isipan niyang iniwan siya ng mga ito.

Mahigpit na yakap ang muling pinagsaluhan ni Sandra at kaniyang mga magulang. Matapos ng ganap na iyon ay isinama na siya ng kaniyang ina’t ama.

Namangha si Sandra—o Jelay sa yaman ng kaniyang mga magulang.

“Babawi kami simula ngayon, anak,” madamdaming saad ng ama niya.

Pumasok na sila sa mansyon kasama si Mateo na malaking parte ng buhay ngayon ni Sandra, dahil kinupkop na rin ito ng kaniyang mga magulang.

Hindi niya lubos akalain na magkakaroon pa ng katuparan ang kaniyang mga kahilingang noon ay itinuring na lamang niyang pantasya. Halos isumpa niya ang may kapal dahil sa hirap ng buhay na kaniyang dinaranas. Ngayon ay nagpapasalamat pa siya, dahil natutunan niyang mamuhay muna sa hirap at pag-iisa, bago siya makaranas ng ginhawa.

Maraming tao ang umaasa na lamang sa suwerteng kanilang matatanggap, ngunit hindi ganoon ang tumatak sa isip ni Sandra. Nakatatak sa kaniyang isipan na dapat siyang magsikap sa mabuting paraan upang ang hirap ay hindi niya na maranasan. Iyon ang itinuro sa kaniya ng buhay lansangan na kahit ngayong maalwan na ang buhay niyaʼy hindi niya na malilimutan.

Dahil doon ay tumanda siyang marunong magsikap nang sarili niya, nang hindi umaasa sa yaman ng kaniyang mga magulang. Nagtagumpay si Sandra sa buhay nang dahil sa mga leksyon ng kahirapan.

Advertisement