Inday TrendingInday Trending
Laging Tinutupad ng Kaniyang Ama ang Pangako Nito; Subalit Bakit Tila Hindi Nito Matupad ang Simpleng Hiling Niya Ngayong Pasko?

Laging Tinutupad ng Kaniyang Ama ang Pangako Nito; Subalit Bakit Tila Hindi Nito Matupad ang Simpleng Hiling Niya Ngayong Pasko?

Isang kahig isang tuka ang pamilya nina Risa. Bata pa lamang siya ay naranasan niya na ang lahat ng hirap – pumasok sa eskwelahan ng walang baon, mag-aral nang nag-iisa ang uniporme, kumain nang walang ulam, at kung ano ano pang hirap.

Kaya naman ganun na lamang ang pagkasabik nila kahit sa mga simpleng bagay – bihira kasi sila makabili ng magandang damit, o makakain ng masarap na pagkain.

Kasalukuyan si Risa na nasa huling taon ng hayskul. Bilang panganay ay pangarap niya na maiahon sa hirap ang kaniyang pamilya lalo na ang kaniyang ama. Simula yata ipanganak siya ay hindi pa ito nakapagpahinga kahit isang araw.

Kagaya na lang nang araw na iyon.

“Tatay, kailangan mo ba talaga pumasok ngayong araw? Bisperas ng pasko, magpahinga ka naman po,” malungkot na kumbinsi niya sa ama. Kasalukuyan itong naghahanda sa pagpasok.

“Anak, uuwi naman ako mamaya. Magkakasama pa rin tayo sa Noche Buena. Kailangan ko lang pumasok para kahit papaano naman ay mayroon tayong handa mamaya sa hapag kainan,” nakangiting wika nito.

“Sige ‘Tay. Umuwi ka bago mag-Noche Buena ha. Gusto ko na kumpleto tayo,” ungot niya sa ama.

“Oo naman, anak. May gusto ka bang ipabili?” tanong nito.

Napangiti nang malapad si Risa. “Meron, Tatay. Gusto nila Tintin yung ham at spaghetti. Lalo na ‘yung ham, kasi hindi pa sila nakakakain nun.”

Natawa ang kaniyang ama. “Ok! Ham at spaghetti para sa aking panganay at mga bulilit.”

Paalis na ang kaniyang ama nang may maalala siya.

“‘Tay! Pramis ‘yun ha! Uuwi ka bago mag-Noche Buena nang may pasalubong na ham at spaghetti!” sigaw niya sa ama na hindi pa gaanong nakakalayo.

Lumingon ito. “Oo, anak! Pangako!” sigaw nito pabalik bago muling naglakad.

Nakahinga nang maluwag si Risa. Nangako kasi ang ama.

Simula pagkabata, sa kabila ng kanilang kahirapan ay wala pang pangako ang ama na hindi nito natupad.

Naalala niya na noong anim na taong gulang pa lamang siya. Hindi siya nakaligo sa ulan dahil hindi siya pinayagan ng ina dahil sakitin siya.

Umiyak siya nang umiyak hanggang sa nangako ang kaniyang Tatay na sa susunod na pag-ulan ay papayagan siya nitong maligo.

Subalit hindi iyon nangyari dahil tapos na ang tag-ulan.

Ano ang ginawa ng Tatay niya? Umakyat ito sa bubong dala ang hose ng tubig upang magmukhang may bumubuhos na tubig mula sa itaas.

Kaya naman mahal na mahal niya ang ama. Alam niyang ginagawa ng ito ang lahat para sumaya sila sa kabila ng hirap ng buhay.

Madalas itong humingi ng tawad sa kanila. Lagi nitong sinasabi, “Mga anak, pasensiya na ha, hindi ko kayo mabigyan ng magandang buhay. Malaki ang pagkukulang ko sa inyo.”

Subalit natutunan niya na higit na mahalaga ang pagmamahal kaysa mga materyal na bagay. Salat man sila sa materyal na bagay ay busog na busog sila sa pagmamahal.

“Ate! Gabi na, bakit wala pa si Tatay?” nagmamarakulyong tanong ni Tintin, ang bunso niyang kapatid.

“Oo nga, Ate, ‘di ba pasko na bukas? Nasaan na ang spaghetti at ham?” Maging si Tom ay nagtatanong na rin habang nakatayo sa pintuan.

“Hintayin lang natin. Baka nag-overtime lang si Tatay,” paliwanag niya sa mga kapatid kahit na ang totoo ay naiinis na rin siya dahil alas nuwebe na at wala pa ito.

“Matulog na muna kayo. Gigisingin ko kayo pagdating ni Tatay, ok?” wika niya habang naglalatag ng higaan para sa mga kapatid. Ini-lock niya ang pinto.

Ilang sandali lamang ay nahihimbing na ang dalawa.

Panay naman ang tingin ni Risa sa orasan sa dingding. Habang naghihintay ay hindi niya namalayan na nakaidlip na rin siya.

Nagising na lamang siya ng ingay ng dalawang kapatid. Namulatan niya ang dalawa na nagtatatalon habang may hawak na regalo.

Nang ilibot niya ang paningin ay nakita niya ang ama na inihahanda ang mesa.

Tuluyan na siyang napangiti siya sa nakitang pagkain na nakahain – ham at spaghetti.

Tinupad ng ama ang pangako nito! Sinamahan niya ang mga kapatid na abalang nagbubukas ng mga regalo habang nakasalampak sa sahig.

Tuwang tuwa ang dalawa nang makita ang mga regalo ng kanilang Tatay. Natutuwang minasdan niya ang mga kapatid na abala nang naglalaro.

“Merry christmas, mga anak! Kumain na tayo!” maya maya ay wika ng kaniyang ama.

Nang tumingin siya sa orasan ay nakita niyang saktong alas dose na. Lumapit siya ama at niyakap ito nang mahigpit.

“Merry christmas, Tatay!” Masayang masaya si Risa.

Napabalikwas si Risa. Naririnig niya kasi ang malakas at sunod sunod na katok sa kanilang pinto.

“Panaginip lang ‘yun? Parang totoo,” kunot noo pa niyang wika bago napalingon sa orasan.

Sampung minuto na lamang at pasko na. Napatingin siya sa pinto at napangiti. Sigurado kasi siya na ang Tatay na nila ang nasa pintuan.

Napalis ang ngiti niya ng dalawang pulis ang mapagbuksan niya ng pinto. Agad na kumabog ang kaniyang dibdib nang mapansin ang malungkot na ekspresyon sa mukha ng mga ito.

“A-ano pong kailangan nila?” kinakabahang tanong niya.

“Ikaw ba ay kapamilya ni Victor Dionisio?”

“Opo, siya po ang tatay ko.”

“Ikinalulungkot naming ibalita na nasangkot ang tatay mo sa isang aksidente habang nagtatrabaho siya. Wala na siya.”

Nanlambot ang kaniyang mga tuhod. Namalayan niya na lamang na inaakay siya ng dalawang pulis paupo upang hindi siya matumba.

Matagal namayani ang katahimikan. Walang ibang maririnig maliban sa mga hikbi ni Risa.

“Nasaan na po ang tatay ko ngayon?” umiiyak na tanong niya nang makabawi sa pagkabigla.

“Nasa morgue na siya ngayon. Wala na kayong dapat ipag-alala, dahil sasagutin ng boss ng tatay mo ang lahat hanggang sa mailibing siya,” pagbabalita ng isa sa mga pulis.

Patuloy ang pagluha ni Risa. Kinurot niya pa ang sarili, nagbabakasakaling magising na sa bangungot na iyon.

Iyon ang pinakamalungkot na pasko nilang magkakapatid. Isang linggo ibinurol ang kanilang Tatay bago ito inilibing.

Sa araw ng libing ay nagpalipad sila ng mga puting lobo. Gusto niya kasi na palayain na rin ama sa mga responsibilidad nito sa kanila.

Habang minamasdan ang mga puting lobo na unti-unting umaangat ay naalala niya ang kaniyang panaginip nung araw na masawi ang ama.

Tila kahit na nasa kabilang buhay na ang ama ay tinupad pa rin nito ang pangako nito sa kanila. Sa naisip ay muli siyang napaluha.

“Magpahinga ka na, Tatay. ‘Wag mo na kaming alalahanin. Aalagaan ko sina Tintin kagaya ng pag-aalaga mo sa amin. Pangako ko ‘yan, sa’yo,Tatay,” bulong niya.

Naramdaman niya ang pagdampi ng malamig na hangin sa kaniyang pisngi. Alam niya na matatahimik na ang kaniyang ama dahil tutuparin niya ang pangako dito kagaya ng pagtupad nito sa kahuli-hulihan nitong pangako sa kanila.

Advertisement