Panay Reklamo ang Babae sa Kompanyang Pinagtatrabahuhan; Gulat Siya sa Sorpresang Ibinigay nito sa Holiday Break na Wala sa Ibang Kompanya
“Ano ba itong kompanya na ito, wala man lamang paayuda sa amin. Wala man lang pa-shuttle service sa aming mga empleyado.”
Naiinis na si Glaiza sa kompanyang pinagtatrabahuhan, na patuloy na nagpapapasok sa kanilang mga empleyado, kahit na panahon ng pandemya. Mapalad ang kanilang kompanya na patuloy pa rin sa pagpapatrabaho dahil hindi ito naapektuhan masyado ng kompanya. Ngunit ang ikinaiinis niya, wala man lamang pa-shuttle service ito para sa kanilang mga empleyado.
“Dito sa kompanya namin, binigyan kami ng weekly allowance para sa pang-araw-araw na pamasahe,” kuwento sa kaniya ng dating kaklase sa college na si Alma nang sila ay magsagawa ng virtual kumustahan.
“Naku, kami naman, may shuttle service naman na ibinibigay. Okay lang na walang weekly allowance. Basta ligtas na makapasok, ayos lamang,” saad naman ng isa pa nilang kaibigan na si Janina.
“Ang suwerte nama ninyo sa mga kompanya ninyo. Kami nga eh wala man lamang paayuda o shuttle service! Samantalang napakaraming ginagawa!” himutok ni Glaiza sa mga kaibigan.
“Eh ano pang ginagawa mo riyan? Hanap ka na ibang trabaho, sis. Sabi nga, love your job but not the company. Ang mga kompanya sis, madali ka lang nilang papalitan sa isang iglap lang, maaari na sila makahanap ng work. Saka talented at magaling ka naman, I’m sure na may mahahanap ka pang iba diyan,” saad naman ni Belinda na tahimik lamang sa kanilang mga pag-uusap. Natanggal kasi ito sa trabaho dahil nga sa pagbabawas ng mga empleyado dulot ng pandemya.
“Ano ba kayo, hindi basta-basta ang paghahanap ng trabaho ngayon lalo na sa panahon ng pandemya. Alam naman ninyo na marami akong obligasyon sa buhay. Nariyan ang mga pangangailangan ng nanay ko na maysakit. Hindi puwedeng maputol ang sustento ko sa kanila,” saad ni Glaiza sa mga kaibigan.
“Pagtiyagaan mo na lang muna diyan, friend. Sana lang talaga humupa na ang pandemya na ito para maibalik na sa dating normal ang lahat. Nakaka-miss din, lalo na ang paglabas-labas natin,” saad naman ni Janina.
Sa araw-araw na pagpasok ni Glaiza sa trabaho, nawawalan siya ng ganang ibigay ang kaniyang 100% sa tuwing naaalala niya ang mga kuwento ng kaibigan hinggil sa ibinibigay na ayuda at shuttle service ng kanilang kompanya sa kanilang mga empleyado. Samantalang siya, ni hindi niya maramdaman kung concern ba talaga ang kanilang pamunuan, o ang mismong may-ari ng kompanya, sa kanila.
Minsan, natanong niya ang kanilang team leader tungkol dito.
“Naku Glaiza, wala tayong paganiyan. Hindi kakayanin ng kompanya,” tugon naman ng kaniyang team leader.
“Sa ibang kompanya kasi, may natatanggap silang transportation allowance. O kaya naman may shuttle service para sa mga empleyado nila. Hindi ba nakakainspire po kapag ganoon ang mga boss?”
“Sana nga maisip ng management na gawin iyan. Pero magtiis lang muna tayo sa kung ano ang kayang ibigay ng ating mga boss. Pasalamat tayo at may trabaho pa rin tayo sa kabila ng hirap na dinanas natin dahil sa pandemya.”
Subalit hindi pa rin nakontento si Glaiza. Idinaan niya sa social media ang kaniyang mga sentimyento. Nagparinig siya at nag-post ng mga makahulugang mga post at shoutouts hinggil sa mga hinanakit sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Sinimulan niyang i-unfriend o i-unfollow ang mga kasamahan, lalo na ang mga boss, para hindi nila mabasa ang kaniyang mga pahayag.
Subalit marami sa kaniyang mga kasamahan ang nakapag-screenshot nito at naipadala sa kanilang team leader.
“Glaiza, I’m warning you. May tamang venue para mai-address ang mga concerns natin sa kompanya, huwag sa ganiyang paraan. Hindi naman addressing the concerns iyan eh. Ranting na iyan,” paalala sa kaniya ng team leader.
At sumapit na ang holiday season. Nakatanggap ang mga empleyado ng naturang kompanya ng 13th month pay, dagdag na Christmas bonus, at mga grocery items. Hindi makapaniwala si Glaiza. Doon daw inilaan ng kompanya ang kanilang pondo para sa kanila. Samantala, wala namang natanggap sina Belinda, Alma, at Janina mula sa kanilang mga kompanya kaya ganoon na lamang ang kanilang pagkatuwa para kay Glaiza.
Hiyang-hiya si Glaiza sa kaniyang sarili. May plano na pala ang kanilang kompanya subalit ang nakita niya kasi ay ang mga sa tingin niya ay mga pagkukulang nito sa kanila.
Napagtanto niyang kailangan pa rin siyang magpasalamat sa Diyos dahil patuloy pa rin ang biyayang natatamo niya at ng mga kasamahan. Saka naisip niya, hindi niya dapat ikompara ang sarili niyang mga natatamong biyaya sa iba.