Naghanda ang Dalaga para sa Nalalapit na Kasal ng Kaibigan, Hindi Naman Pala Siya ang Maid of Honor Nito
Malapit nang ikasal ang matalik na kaibigan ni Princess. Sigurado siyang siya ang kukuhanin nitong maid of honor dahil nga simula pa lang pagkabata, palagi na silang magkasama. Sabay na naliligo, kumakain, pumapasok sa eskwela, at marami pang bagay na sabay nilang ginagawa. Pati pa nga pagtakas tuwing oras ng siyesta sa kani-kanilang ina, sabay nilang ginagawa na naging dahilan para lumalim ang kanilang pagkakaibigan.
Ito ang dahilan para labis siyang maghanda ng kaniyang mga gagamitin sa nalalapit nitong kasal. Hindi pa man siya sinasabihan nito, bumili na siya kaagad ng magandang bestida, mga make-up na gagamitin niya, high heels, at kung ano pa mang kolorete sa kaniyang buong katawan upang maging maganda rin siya sa pagdiriwang na iyon.
Ngunit, siya’y biglang nag-alala dahil tatlong araw na lang bago ang kasal nito, wala pa siyang natatanggap na imbitasyon galing dito.
“Dapat ko na ba siyang tawagan o kahit padalhan man lang mensahe? Baka nakalimutan niya akong imbitahan! May signal naman dito sa bahay ko, imposibleng hindi ko matanggap ang text o tawag niya,” sambit niya, roon na niya napagdesisyunang tawagan ito upang kumpirmahin ang presensya sa kasal.
“Hello, bespren!” masaya niyang bungad dito.
“Hoy, buhay ka pa pala! Kumusta ka na? Bakit ka napatawag?” sunod-sunod na tanong nito.
“Ayos naman ako! Nabalitaan kong malapit ka nang ikasal. Sobrang saya ko para sa’yo! Anong oras ba kailangan ang maid of honor sa kasal mo? Para mapaghandaan ko na!” sambit niya na bahagya nitong ikinatahimik.
“Maid of honor?” tanong nito.
“Oo, ako ang kukuhanin mong maid of honor, ‘di ba? Ako lang naman ang kaibigan mo simula noong mga bata pa tayo!” patawa-tawa niya pang sabi rito.
“Pasensya ka na, Princess, may nakuha na akong maid of honor, eh. Marami akong naging kaibigan simula noong iniwan mo akong naghihirap sa kalsada noon,” diretsahan sambit nito na ikinatigil niya, “Pero pwede ka pa rin namang pumunta sa kasal ko. Sa simbahan ka na dumiretso, mga alas diyes ng umaga,” segunda pa nito ngunit hindi na niya maproseso sa isip ang mga detalyeng sinasabi nito dahil nagsimula nang tumakbo sa isip niya ang ginawa niyang pagtataboy sa dalaga, tatlong taon na ang nakararaan.
“Wala nga akong pera! Pwede ba huwag mo akong ipahiya? Nagpunta ka pa talaga rito sa trabaho ko para mangutang? Tingnan mo nga ‘yang itsura mo, napakadusing mo! Ano na lang sasabihin ng mga katrabaho ko sa akin?” sigaw niya rito matapos niya itong kaladkarin palabas ng kaniyang opisina.
“Pasensya ka na, bespren. Tatlong araw na akong pagala-gala sa lansangan. Pinalayas ako ng kinakasama ko nang malaman niyang nagdadalantao ako. Wala na akong ibang malapitan, bespren. Ikaw na lang ang pag-asa ko!” pagmamakaawa nito, kitang-kita man niya ang gutom at paghihirap sa mukha nito, tinaasan niya lang ito ng kilay.
“Dapat lang ‘yan sa’yo. Masyado ka kasing malandi. Imbis na magtrabaho ka katulad ko para matulungan ang pamilya mo, mas pinili mo pang makisama sa binatang wala namang trabaho! Magdusa ka hanggang sa sumuko ka!” bulyaw niya pa rito saka ito tuluyang iniwan sa kalsada.
Nang maalala niya ang eksenang iyon, siya’y agad na napahagulgol sa pagsisisi.”Bakit mo ginawa ‘yon, Princess? Kaibigan mo ‘yon! Tapos ngayon, gusto mong maging maid of honor niya? Nakalimutan mo pa ang pangmamaliit mo sa kaniyang iyon? Anong klaseng tao ka?” iyak niya habang patuloy na inaalala ang tagpong iyon.
“Hello, Princess, nand’yan ka pa ba? Magpunta ka sa kasal ko, ha?” sambit ng dalaga, roon niya lang napagtantong hindi pa nito binababa ang tawag.
Hindi na siya nagsayang ng oportunidad at agad na humingi ng tawad dito.
“Pasensya ka na, bespren. Nakalimutan ko ang tagpong iyon pero totoo ‘yong sinabi kong masaya ako ngayon para sa’yo. Pinahanga mo ako maigi. Walang kapantay ang kabaitan at tiyaga mo sa buhay. Karapat-dapat ka lang na maging masaya at masagana sa buhay,” sambit niya rito, wala siyang ibang natanggap na tugon dito kung hindi ang mga mahihina nitong hikbi at doon na sila tuluyang nakapagpatawaran.
Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang ikinasal ang kaibigan niyang ito. Hindi man siya ang maid of honor nito, nangako siya sa harap ng Panginoon na habang buhay niyang aalalayan at susuportahan ang kaibigan niyang ito.
“Nabigo man akong tulungan ka noon, hinding-hindi ko na ‘yon ulit gagawin dahil napatunayan mo sa akin ngayon ang pagmamahal mo sa akin,” bulong niya sa hangin habang dinadaos ang misa ng kasal ng kaibigan.