Inday TrendingInday Trending
Umaasa Siya sa Bilyonaryong Pamilya ng Pinapantasyang Binata; Habambuhay kayang Sasagutin ng mga Ito ang Gastusin Niya?

Umaasa Siya sa Bilyonaryong Pamilya ng Pinapantasyang Binata; Habambuhay kayang Sasagutin ng mga Ito ang Gastusin Niya?

Matagal nang pinangarap ng dalagang si Madeline na maikasal sa pinapatansya niyang binata noong nasa kolehiyo pa lang siya at magpakasasa sa yamang mayroon ito. Kaya naman ngayong nakuha na niya ang pabor ng mga magulang nito at siya’y gusto nang ipakasal sa binata, wala na siyang ibang mahihiling pa sa kaniyang buhay.

Sa katunayan, hindi pa man sila kasal ng binata, maaari na siyang hindi magbanat ng buto at maghintay na lamang ng biyaya mula sa mga magulang nito dahil kahit pagkain, damit, mga alahas, bahay at lupa, at magarang sasakyan, binigay na lahat sa kaniya.

Ngunit lahat ng ari-ariang ito ay may kapalit na kondisyon na para sa kaniya, napakadali lamang gawin. Ito ay ang mapatino ang naturang binata na tamad magtrabaho sa kumpanya ng kaniyang mga magulang.

“Kayang-kaya ko po ‘yan, ma’am! Isang tingin ko lang sa anak niyong si Ben, tumitiklop na agad ‘yon!” pagyayabang niya sa mayamang ginang.

Ang kayamanang taglay niya ngayon ay ang naging dahilan para siya’y labis na magyabang sa kaniyang mga dating kaibigan at mga kaklaseng hanggang ngayon, pilit pa ring nagpapakapagod upang kumita ng pera.

Isang araw, nabalitaan niyang nagtayo ng isang simpleng tindahan ng mga damit ang isa sa kaniyang mga kaibigan. Matalino ito at mayaman noon kaya siya’y agad na nagtaka kung bakit isang maliit na tindahan ng mumurahing mga damit ang itinayo nito.

“Mapuntahan ka nga ang pipitsugin niyang tindahan nang makita niyang ang isang katulad ko na ayaw niya pakopyahin noon sa mga pagsusulit, mas mayaman na sa kaniya ngayon,” nakangisi niyang sabi saka agad na pinaandar ang magara niyang sasakyan papunta sa naturang tindahan.

Walang pang kalahating oras, nakarating na nga siya sa tindahan nito at siya’y agad na napangiwi nang makitang mga damit galing Divisoria ang tinitinda nito.

“Diyos ko, anong nangyari sa’yo? Bakit bumagsak ka sa pagtitinda ng mga basahang ito?” mayabang niyang sabi habang diring-diring tinitingnan ang mga naka-display na damit sa kaniyang paligid.

“Hindi ‘yan basahan, Madeline, damit ‘yan. Hindi man kasing mahal katulad ng suot mo, pwede na ‘yan para sa mga mahirap na katulad ko,” nakangiti nitong sagot.

“Edi inamin mo rin na mahirap ka na? Akala ko pa naman ikaw ang unang magiging milyonaryo sa klase natin noon dahil ikaw ang pinakamatalino! Mabuti na lang madiskarte ako at ikakasal sa bilyonaryong pamilya, kahit wala akong trabaho, milyonarya na agad ako. Siya ba ang asawa mo? Mukhang magbobote, ha?” patawa-tawa niyang sabi nang dumating ang lalaking pawis na pawis na nagsasalansan ng mga bagong dating na paninda.

Sasagot pa lang sana ang dati niyang kaklase, may narinig siyang sasakyang bagong dating dahilan para makuha nito ang atensyon niya at halos umikot ang mundo niya nang makita niyang bumaba rito ang mapapangasawa niyang si Ben kasama ang isang dalaga.

“Anong ibig sabihin nito, Ben?” sigaw niya rito.

“Sino ka ba para paliwanagan ko?” masungit na tanong nito, “Suki, nand’yan na ba ‘yong order ng nobya ko?” tanong nito sa kaklase niya dati na labis niyang ikinagulat.

“Ikaw pala ang bilyonaryong lalaking pinagmamalaki niya,” iiling-iling na sabi nito saka iniabot dito ang isang supot ng damit.

“Oo, mukhang pera ‘yan, eh, pati nanay ko, binibilog. Mabuti na lang talaga hindi niya katulad ‘tong nobya ko. Simpleng damit lang katulad nito, ayos na, kaya ipaglalaban kong ito ang pakakasalan ko,” nakangiting sagot ng binata saka agad nang umalis kasama ang dalagang ngumiti pa sa kaniya.

Sa sobrang kahihiyan niya, agad na rin siyang umalis sa tindahang iyon at nagpasiyang dumiretso sa bahay ng binata upang magsumbong sa nanay nito.

“Nabalitaan ko nga na may nobya na si Ben at hindi ka niya talaga gusto. Kaya napagtanto ko, kaysa masaktan ka at magkagulo pa kaming mag-ina, hahayaan ko na lang siyang magdesisyon kung sino ang pakakasalan niya. Baka sa ganoong paraan, muli siyang mapalapit sa’kin at sipaging magtrabaho sa kumpanya,” sagot nito na labis niyang ikinabigla.

“Pa-paano po ako? Hindi niyo po pwedeng gawin sa akin ‘to!” dismayado niyang tugon.

“Hindi ko alam, hija. Siguro kailangan mo nang magtrabaho para sa sarili mo simula ngayon,” tipid nitong sagot saka na siya tuluyang iniwan.

Simula no’n, unti-unting binawi ng ginang ang lahat ng binigay na ari-arian sa kaniya at doon niya labis na napagtantong mahirap talaga ang buhay niya dahilan para maisipan niyang kainin ang yabang na pinakita sa dating kaklase at makiusap ditong kuhanin siyang empleyado.

“Hindi pa naman huli ang lahat para sa’yo, Madeline. Hindi ba’t mas masarap namnamin ang tagumpay kapag pinaghirapan?” pangaral nito sa kaniya saka nitong sinabing, “Simulan mo sa tindahan ko ang pagbangon mo, pupwede ka na bang magsimulang magtrabaho ngayon?” na talagang ikinaiyak niya sa tuwa.

Iyon na ang naging simula ng pagtayo niya sa sariling mga paa. Hindi man kasing laki ng halagang nakukuha niya mula sa ginang ang kinikita niya ngayon, walang pantay na saya naman ang dumadaloy sa dugo niya dahil bawat sentimong mayroon siya ay kaniyang pinaghirapan.

Advertisement