Nanggagalaiti ang Lalaki sa Katamaran ng Asawang Buntis, Nasampal Siya ng Ina’t Kapatid nang Malaman Ito
Hindi na makapagtimpi si Jerry sa ugaling pinapakita ng kaniyang asawa. Simula kasi nang magdalantao ito, hindi na niya ito nakakausap nang ayos. Lahat pa ng ginagawa niya, mali sa paningin nito.
May pagkakataon pang kahit madaling araw, sa gitna ng mahimbing niyang pagtulog, gigisingin pa siya nito para lang magpabukas ng lalagyan ng tubig na talaga nga namang ikinabubwisit niya.
Ito ang dahilan para mapadalas na ang kanilang pagtatalo. Pilit man niya itong intindihin, siya pa rin ay napangungunahan ng inis lalo na kapag pakiramdam niya, tinatapakan na nito ang kaniyang pagkalalaki.
Isang araw, pagkauwi niya galing trabaho, imbes na siya’y salubungin nito nang matatamis na yakap at halik katulad ng nakasanayan nito noong bagong kasal palang sila, utos ang agad nitong bungad.
“Babe, magluto ka nga ng noodles. Kanina pa ako natatakam na kumain no’n, eh,” utos nito sa kaniya bago pa man niya maibaba ang bag na suot niya.
“O, kanina ka pa pala natatakam, bakit hinintay mo pa akong dumating bago ka kumain?” inis niyang tanong dito.
“Nabibigatan kasi ako sa tiyan ko, babe, kaya hindi ako makagalaw nang ayos,” paliwanag nito habang hinihinamas-himas ang malaking tiyan.
“Ayan na naman ang katwiran mo! Ang sabihin mo, tinatamad ka lang! Tingnan mo ang itsura ng buong bahay! Ni hindi ka makapagwalis! Kung alam ko lang na tamad ka, hindi na kita pinangasawa. Ako ang lalaki rito, pero ako lahat ang kumikilos!” sigaw niya rito, kitang-kita man niya kung paano mamula at magluha ang mga mata nito, nagdabog pa siya sa harapan nito bago tuluyang iluto ang hinihiling nitong noodles.
Pagkatapos na pagkatapos niyang magluto, agad na niyang nilagay ang isang mangkok ng noodles sa lamesang nasa harapan nito. Sinamahan niya na rin ito nang malamig na tubig upang huwag na siyang utusan pa nito.
“O, baka naman may ipag-uutos ka pa, mahal na prinsesa?” sarkastiko niyang sabi, umiling lang ito saka pinunasan ang luhang patuloy na pumapatak.
Dahil sa inis na nararamdaman niya, napagdesisyonan niya munang maglakad-lakad pagkatapos no’n hanggang sa makarating siya sa dating bahay na tinitirhan niya. Nadatnan niyang masayang nagkukwentuhan sa kanilang terrace ang nakatatanda niyang kapatid na babae at ang kaniyang ina habang naghahabulan ang dalawa niyang pamangkin sa bakuran.
“O, napadalaw ka, anak? Nasaan ang asawa mo?” agad na tanong ng kaniyang ina nang siya’y makita.
“Iniwan ko muna. Nakakainis na ang katamaran ng babaeng ‘yon!” pabalang niyang sagot saka naupo sa bakanteng upuan sa tabi ng kaniyang kapatid.
“Huwag mong sabihing inaway mo na naman ang asawa mo?” tanong pa ng kaniyang kapatid.
“Paanong hindi ko aawayin, ate? Pagkauwi ko galing trabaho, uutusan kaagad akong magluto ng noodles. Kalat na kalat pa ang buong bahay namin! Sinong maglilinis no’n? Syempre ako pa rin! Wala na nga siyang naiambag sa relasyon namin, pabigat pa siya sa buhay ko!” inis niyang kwento, buong akala niya’y kakampihan siya ng dalawa, ngunit nagulat siya nang sabay siyang sampalin ng mga ito.
“Edi sana, hindi mo binuntis! Akala mo ba ganoon lang kadaling magdalantao, Jerry? Hindi biro ang pabigla-biglang pagbabago ng emosyong nararamdaman niya. Sigurado akong pati siya, gulong-gulo at hirap na hirap na sa sitwasyon niya. Pero wala siyang magawa dahil dinadala niya ang anak ng isang walang kwentang lalaking katulad mo!” galit pang pangaral ng kapatid niya dahilan para siya’y labis na makaramdam nang pangongonsenya.
“Sigurado rin akong hindi niya gusto na wala siyang magawa sa buong araw, Jerry. Kaya umuwi ka na sa inyo at suyuin siya bago pa mahuli ang lahat,” nagtitimping sambit ng kaniyang ina kaya siya’y nagdali-daling umuwi sa kanilang bahay.
Naabutan niyang dahan-dahang nag-iimis ng mga gamit na nakakalat ang kaniyang asawa habang ito’y umiiyak. Wala siyang ibang magawa o masabi kung hindi ang maluha.
“Bakit ngayon ko pa siya hindi pinakitunguhan nang maganda kung kailan dala-dala niya ang anak ko?” tanong niya sa sarili saka agad nang nilapitan ang ginang.
Pinatigil niya ito sa ginagawa, niyakap, at humingi ng tawad na lalo nitong ikinaiyak.
“Pangako, simula ngayon, gagawin ko na ang lahat para sa’yo at para sa anak natin,” hikbi niya rito.
Ginawa niya nga ang lahat ng kaniyang makakaya upang maayos na maalagaan at mapagsilbihan ang ginang hanggang sa tuluyan na itong magsilang ng isang malusog na sanggol na labis na nagpataba ng puso niya.
“Mabuti na lang talaga, tinuwid niyo kaagad ang baluktot kong pag-iisip. Salamat, mama, ate,” sabi niya sa ina’t kapatid nang minsang dumalaw ang dalawa sa kanilang bahay upang makita ang kanilang anak.
Simula noon, naging mabuting asawa’t ama na siya na walang ginawa kung hindi ang mga bagay na makabubuti sa kaniyang asawa’t anak.