Inday TrendingInday Trending
Sayaw ng Buhay

Sayaw ng Buhay

“Okay, Ms. Sheryl, gawin mo yung lahat ng makakaya mo, ha? Hindi ba’t gustong-gusto mo maging isang dancer? Siguradong nakatadhana kang maging isang tanyag na mananayaw!” tanong ni Honey, suki ng dalaga, at isa sa mga nakakataas sa napasukan niyang kompanya.

“Ay, naku, nakakahiya naman po. Ayos lang po ba yung nabaliang babae kanina? Hindi kaya siya magalit sa akin kasi kukunin ko ang puwesto niya?” pag-aalala ni Nadine, nabalian kasi ng buto ang babaeng pinalitan niya.

“Sinabihan ko na siya, hindi rin naman siya makakasayaw, eh. Huwag mo nang alalahanin ‘yon! Basta umindak ka kasama ang puso mo. O, maiwan na kita dito, ha? Ipakita mo sa kanila ang galing mo! Malay mo, kunin ka na nilang permanenteng dancer, e ‘di hindi mo na kailangan maglako ng lumpia dito,” tugon nito sabay kindat sa tindera.

“Opo, ibubuhos ko ang lahat ng galing ko!” buong siglang sagot ng dalaga at dali-daling binaba ang mga nilalako niyang lumpiang gulay saka nagmadaling puwesto upang makasali na sa pag-eehensayo ng sayaw.

Kilala ang dalagang si Nadine sa nasabing kompanya dahil sa palagi siyang dumadaan dito upang maglako ng kaniyang tinitindang lumpia. Madalas nagtatagal siya ng isang oras o mahigit sa loob nito dahil madalas, nanunuod siya ng mga ensayo ng mga mananayaw rito.

Tila napansin naman siya ng isang organizer dito na si Honey. Doon niya ikinumpisal na dati pala siyang dancer, natigil lamang siya sa pagsasayaw dahil nabuwag ang kanilang grupo. Kasabay pa nito ang pagkawala ng ina niya na maging dahilan upang kumayod siya para sa sariling pamumuhay.

“Sana bago ako kunin ng Diyos, makasayaw man lang ako,” bulong niya sa sarili habang nanunuod sa mga nagsasayaw, bakas sa mukha niya ang inggit at kagustuhang bumalik sa larangan ng pagsasayaw.

Sakto naman noong araw na ‘yon, habang nanunuod ng rehearsal ang dalaga, bigla na lamang napaupo ang isang babae at tila lumobo na lamang ang paa. Tumama ito sa isang bakal sa pagmamadali niyang makapunta sa kaniyang puwesto sa sayaw. Dahil nga alam ng organizer na sumasayaw rin siya, agad siya nitong pinahiram ng sapatos at ipinalit sa babaeng nadisgrasya.

Puwesto na nga ang dalaga sa lugar kung saan sana ang babae. Ngunit ilang steps pa lang ang natuturo sa kaniya, bigla na lamang siyang bumagsak. Nataranta lahat ng mga mananayaw.

“Ambulansya! Tumawag kayo ng ambulansya!” sigaw ng isang mananayaw.

“Saglit, tumahimik kayo! Pakinggan niyo, naghihilik siya! Aba, si Ateng lumpia, nakatulog habang nagsasayaw!” sigaw nito nagtawanan naman ang lahat, buti na lamang, may isang nagmagandang loob na buhatin siya at ilagay sa gilid ng gymnasium.

Pagkagising ng dalaga, tapos nang mag-ensayo ang mga mananayaw, rinig na rinig niya ang hagikgikan ng mga ito. ‘Ika pa ng iba, tila nasayang daw ng dalaga ang oportunidad dahil tinulugan niya lamang ang rehearsal.

“Hindi niya man lang ba napigilan yung antok?” tawa ng isang mananayaw.

“Napakairesponsable, hindi talaga siya dapat isama sa grupong ito,” ‘ika ng isang babae habang kumukuha ng tubig

“Oo nga, eh. Baka sa mismong laban, matulog ‘yan sa stage!” tugon pa ng isang babae saka sila malakas na nagtawanan. Hindi na nakayanan ng dalaga ang mga naririnig na pangungutya.

Kaya naman, pinilit niyang bumangon sa pagkakahiga at nagtungo sa kumpol ng mga mananayaw.

“Alam niyo ba kung bakit bigla na lamang akong nakatulog kanina?” tanong ng dalaga, tila nagulat naman ang mga mananayaw sa biglaang pagsasalita nito

“Hindi, bakit? Ano bang dahilan?” pagtataray ng babaeng kanina pa humahagikgik dahil sa pagtulog niya.

“Bago ako magpunta dito sa kompanya niya kaninang umaga, binalak kong tapusin na ang buhay ko. Napakabigat na kasi, eh. Nagsasawa na ako sa talunan kong buhay,” kwento niya, nanlaki naman ang mata ng mga ito.

“Uminom ako ng sandamakmak na mga gamot at ibibitin ko na sana ang sarili ko kasi biglang dumating ang nagpapalako sa akin ng lumpia, pilit niya akong pinagtitinda dito,” kwento niya pa.

“Kaya sana, bago niyo ako pagtawanan, alamin niyo muna yung paghihirap na nilalabanan ko araw-araw para lang mabuhay,” pahabol niyang sabi at saka tumakbo palabas ng gymnasium. Naiwan namang tulala ang mga mananayaw. Hindi nila lubos akalaing ganoon pala ang pinagdadaanan ng dalaga.

Lumipas ang halos isang linggo, tila hindi na muling naglako ang dalaga sa nasabing kompanya. Tila labis naman ang pag-aalala ng mga mananayaw lalo na ang organizer na si Honey dahil baka tuluyan na nitong tinapos ang buhay niya.

Kaya naman gumawa ang mga ito ng paraan upang mahanap ang dalaga. Sa kabutihang palad naman, natagpuan nila itong buhay at naglalako sa palengke.

Agad nila itong nilapitan at humingi ng tawad. Saka nila ito inalok ng trabaho.

“Nadine, sama ka na sa grupo namin. Sigurado akong kapag ginawa mo ang sinisigaw ng puso mo, gagaan ang buhay mo,” nakangiting alok nito.

“Napagsabihan ko na rin silang lahat, at handa sila ngayong bumawi at tumulong sa’yo,” dagdag pa nito, hindi naman lubos makapaniwala ang dalaga dahil sa wakas, matutupad na ang pangarap niyang magsayaw muli.

Doon nagsimula ang pag-angat sa buhay ng dalaga. Natutunan niya na ring mahalin ang kaniyang buhay kasama ang mga kapwa niyang mananayaw na patuloy na umaalalay sa kaniya sa hamon ng buhay.

Kailanman ay hindi naging solusyon ang pagk*til sa sarili nating mga buhay. Mas magandang manalig ka lamang sa Diyos at habang sinasamahan ng determinasyon at sipag upang makamit ang kapayapaan at kaginhawaan sa buhay. Sa hindi inaasahang panahon, babaliktarin ng Diyos ang sitwasyon mo sa buhay na hindi mo lubos aakalain.

Advertisement