Inday TrendingInday Trending
Sinamantalang Kabaitan

Sinamantalang Kabaitan

“Kuya, sige na, patirahin mo muna kami ng pamilya ko sa luma mong bahay. Wala na talaga kaming pupuntahan. Kahit upahan na lang namin, kuya. Parang-awa mo na,” pagmamakaawa ni Jof sa kaniyang nag-iisa at panganay na kapatid, tila napalayas sila sa apartment na tinitirhan nila.

“Hay naku, Jof,” buntong hininga ni Rendel “O, sige. Basta lahat ng bayarin d’yan, babayaran niyo, ha? Tubig, kuryente, maliwanag ba?” pagkaklaro pa nito.

“Oo naman, kuya! Maraming salamat talaga sa’yo!” tuwang-tuwang sagot nito, kitang-kita sa mata niya ang ligayang may matitirhan ulit sila.

“Huwag mong hayaang pati ako magpaalis sayo. Huwag mong gagawin sa akin yung dahilan kung bakit kayo pinaalis sa apartment niyo. Sinasabi ko talaga sa’yo, Jof. Ako makakalaban mo,” babala ni Rendel, napatango-tango lang ang kaniyang kapatid, tila nagdadalawang isip siya kung papatirahin niya ba rito ang kapatid.

“Oo, kuya. Pangako! Paano? Kunin ko na mga gamit namin?” sambit ni Jof. “Malamang!” pabirong tugon ng kaniyang kuya.

“Yung mga anak mo, patigilin mo muna dito sa loob namin hangga’t hindi ka pa tapos maghakot. Umuulan eh, baka madapuan ng sakit,” dagdag pa nito na labis na nakapagpangiti sa lalaki.

“Sige, kuya! Napakabait mo talaga! Alis na muna ako!” paalam nito saka tuluyang umalis. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na kasiyahan bunsod ng mapagbigay na kapatid.

Halos dalawang araw nang naninirahan sa bakanteng lote ang pamilya ni Jof. Napaalis kasi sila sa dati nilang tinitirhang apartment. Wala na siyang ibang malapitan kundi ang kaniyang kapatid.

Magtatapos pa lang kasi siya ng kolehiyo nang mawala ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente dahilan upang hindi niya maituloy ang kaniyang pag-aaral. May trabaho na noon ang kaniyang kuya kaya naman nakakaalwan ito sa buhay ngayon.

Dahil nga hindi na nag-aaral, naging tambay ang binata noon hanggang sa nabuntis niya ang tindera sa tindahang lagi niyang tinatambayan. Simula noon, kumayod nang parang kalabaw ang lalaki na ngayon ay mayroon ng dalawang anak.

Tuluyan na ngang nakalipat ang mag-anak ni Jof sa lumang bahay ng kaniyang kapatid na nakatayo sa gilid lamang ng bagong bahay nito. Matagumpay na nabayaran ng lalaki ang mga bayarin sa bahay noong unang buwan. Ngunit pagdating ng dalawa at tatlong buwan nilang paninirahan dito, tila pumalya na ang lalaki sa pagbabayad dahilan upang manggalaiti sa galit ang kaniyang kapatid.

“Jof! Hindi ba’t sabi ko sa’yo, huwag mo sa akin gagawin ang ginawa mo sa dating nagpapaupa sa’yo? Hindi na nga kita sinisingil sa bahay, eh. Tapos pati bayarin sa kuryente at tubig hindi mo babayaran?” galit na ‘ika nito habang hawak hawak ang bill ng kuryente, tila nag-iba naman ang timpla ng lalaki.

“Kuya, babayaran ko naman, eh. Gipit lang talaga kami ngayon. Para ka namang tatakasan diyan. Makasigaw ka parang gusto mong ipakalandakan sa buong barangay na hindi ako nagbabayad!” sigaw nito, awat-awat naman siya ng kaniyang misis.

“Aba, nagagalit ka rin? Ikaw na nga itong pabigat at nakakaabala sa akin, ikaw pa ang galit? Hoy, Jof! Bahay ko ‘yang tinitirhan mo! Ilagay mo sa lugar mo ang yabang mo!” bulyaw nito habang papalapit na naglalakad sa kanila.

“Ikaw ang mayabang!” sagot pa niya.

“Ah, ganon? Pwes…” hindi na nito natapos ang kaniyang sinabi at bigla na lamang itong natumba. Nataranta naman siya sa pangyayaring ito, tila nakalimutan niyang mahina nga pala ang puso nito.

“Kuya!” sigaw niya.

Dinala nila sa ospital ang kanyang kuya kasama ang misis nito. Tulala lang at tila nagdarasal lang ito. Sabi kasi ng doktor noong huling atake nito, isang beses na lamang at maaaring mawalan na ng buhay ang lalaki.

Labis na nakokonsensya si Jof. Hindi niya lubos akalaing nalagay niya sa peligro ang buhay ng kaniyang kapatid. Naalala niya tuloy noong unang beses nilang mag-away ng kuya niya dahil sa isang tsokolate, sabi ng kanilang ina,

“Jof, matuto ka ring magbigay, hindi yung puro ka tanggap, kung lagi mong aabusuhin ang kabaitan ni kuya mo, magagalit sa’yo ‘yan.” saka tumulo ang kaniyang mga luha.

Ilang oras ang nakalipas, binalita ng doktor na ayos na raw ang kaniyang kuya na labis namang ikinagulat ng asawa nito. Wala itong ginawa kundi magpasalamat sa doktor at maiyak sa tabi ng asawa. Pasimple namang umalis ang lalaki, napagtanto niyang kailangan niyang bumawi dito.

Ora mismo, naghanap siya ng mapapasukang trabaho. Sakto namang naghahanap ng trabahador ang isang bakery malapit lamang sa kanilang bahay, kaya naman agad na niya itong sinunggaban.

Sa loob ng isang buwang pamamalagi ng kaniyang kapatid sa ospital, matagumpay niyang nabayaran ang mga bayarin sa bahay. Mayroon na muli silang kuryente at tubig na labis namang ikinatuwa ng kaniyang kapatid nang minsan niya itong maibalita.

“Alam mo, Jof. Pasensya ka na, ha? Tila nalamon ako ng galit noong mga oras na ‘yon,” sabi nito.

“Naku, kuya. Ako nga ang dapat humingi ng tawad. Naaabuso ko na naman kasi ang kabaitan mo. Pasensya ka na,” sagot ni Jof saka niyakap ang kaniyang kapatid.

Simula noon naging responsable na ang lalaki. Hindi niya na hinahayaang wala siyang trabaho at umasa sa kabaitan ng kaniyang kuya. Lalo namang umayos ang pagsasamahan nila dahil dito.

Hindi kailanman makatarungan ang pananamantala sa kabaitan ng isang tao dahil kapag ito ang nagalit, tiyak labis kang maapektuhan.

Advertisement