“Mr. Rick, parang sumosobra na ang pagiging malapit niyo noong isang fan mo, ha? Baka mamaya nahuhulog ka na doon. Naku, malaking gulo ‘yon. Baka mawalan ka pa ng career!” inis na sabi ng isang direktor na humahawak rin sa career ng binata.
“Direk, wala ‘yon. Ginagawa ko lang ‘yon para mas lalo pang dumami ang fans ko. Siyempre kapag nalamang nilang mabait ako at nakikisama sa isa kong fan, maiinggit ang mga ‘yon at siguradong hahangaan pa nila ako,” pagpapaliwanag naman nito saka hinigop ang mamahalin niyang kape.
“Naku, mag-ingat ka sa mga galaw mo. Tandaan mo, super star ka ng henerasyon na ito. Isang masamang balita lamang tungkol sa’yo, maaari mong ikabagsak iyon,” babala pa nito, napangisi lang ang binata sa mga sinabi niya.
“Huwag kang mag-alala, Direk. Kapag nakuha ko na ang puso ng karamihan, titigilan ko na yung fan kong ‘yon. Madali lang ‘yon, mabilis naman mauto ‘yon,” tugon ni Rick sabay kindat.
“Aba dapat lang! Baka ‘yon pa ang magpalubog sa’yo!” sagot ng Direktor sabay irap “Okay, take ulit tayo! Tapos na ang coffee break!” sigaw pa nito at nagsimula na muli silang mag-shooting.
Isang kilalang aktor ang binatang si Rick. Dahil nga sa angking kagwapuhan at talento sa pag-arte, lubos siyang hinahangaan ng mga kababaihan. Sa katunayan nga, araw-araw kung nasaan man siya, palaging may inaabot ang kaniyang mga fans na pagkain o kaya naman iba’t-ibang regalo na pinamimigay niya lang sa kaniyang mga staff.
May natatanging fan na labis na napalapit sa aktor. Siya si Ellen, isang kolehiyalang pinapaaral ang sarili. Mabait kasi ito at katulad ng sabi ng aktor, “uto-uto” kaya madalas nauutusan niya ito at nahihila kung saan niya gustong magpunta para may tiga-bitbit siya o ‘di naman kaya’y taga punas ng pawis. Ginagawa naman ito ng dalaga nang puno ng saya dahil nga isang kilalang aktor ang kaniyang pinagsisilbihan kahit walang bayad.
Nang araw ring iyon, tinawagan ng aktor ang dalaga upang samahan siyang mamili ng mga bagong damit na gagamitin niya sa kaniyang photoshoot.
Agad na pumunta ang dalaga sa pinag-usapan nilang lugar kahit pa mayroon siyang pagsusulit sa eskwela. Ngunit pagdating niya doon, rinig na rinig niya ang sinabi ng aktor na labis niyang dinamdam.
“Alalay lang ang turing ko doon, Direk. Sinabi ko naman sayo na wala ‘yon, eh. Tinawagan ko lang para may kasama ako. Ayaw mo naman akong samahan eh,” sambit nito dahilan upang mabitawan ng dalaga ang pasalubong na mga bulaklak.
“O, Ellen, nandyan ka na pala,” wika nito.
“Talaga bang alalay lang ako para sa’yo?” paninigurado ng dalaga.
“Ah, eh, ano ba tingin mo? Feeling mo ba may gusto na ako sa’yo?” pabirong tanong ng aktor.
“A-akala ko…” hindi na natapos ng dalaga ang sinasabi dahil labis na lamang humalakhak ang aktor dahilan upang tumakbo siya at tuluyang umalis sa lugar na iyon. Labis siyang napahiya sa harapan ng maraming tao.
Simula nang pagkakataon na iyon, naging usap-usapan ang pamamahiyang ginawa ng aktor. Dahil nga kilala na rin ang dalaga ng halos lahat ng mga fans ng aktor, labis silang naapektuhan sa ginawa ng taong hinahangaan nila.
Unti-unting nawala ang mga fans ng aktor at nagsimula na siyang i-bash ng mga ito.
“Gwapo lang pero masama ang ugali.”
“Kung hindi lang ‘yan magaling umarte, naku walang lugar sa mundo ‘yan.”
“Napakamataporbe.”
Ilan lang ito sa mga komento ng iba niyang fans na nadismaya sa kaniyang ginawa. Inis na inis naman ang aktor sa isyung ito.
“Direk, gawan mo ‘to ng paraan!” sigaw niya sa kaniyang manager
“Ikaw lang ang makakagawa ng paraan ngayon. Humingi ka ng tawad!” tipid na sagot nito.
“Ayoko nga, isang sikat na aktor na katulad ko, hihingi ng tawad sa isang fan?” inis na tugon ni Rick
“Aba, oo, Rick! Baka nakakalimutan mo, kung hindi dahil sa mga fans mo, wala ka sa industriyang ito! Itapak mo ang paa mo sa lupa!” bulyaw ng kaniyang manager, tila nagulat naman ang binata dahil unang beses itong nagalit sa kaniya, at dahil doon tila napaisip ang binata sa kaniyang inaasal nitong mga nakaraang buwan bunsod ng kaniyang kasikatan.
Kinabukasan, agad niyang pinuntahan sa paaralan ang dalagang napahiya niya. Binigyan niya ito ng bulaklak at buong pusong humingi ng tawad sa harap ng mga tao. Lumuhod pa nga siya sa harapan nito saka sinabing, “Patawarin mo ako kung masyado akong nagmataas sa’yo kahit pa sobrang bait mo sa’kin. Ngayon lumuluhod ako sa harapan mo hindi para bumalik ang mga tagahanga ko, kundi para ipakita sa’yong lubos akong nagsisisi sa ginawa ko sa’yo.”
Dahil nga sa kabaitan ng dalaga, agad niyang pinatawad ang binata. Labis naman ang kasiyahan nito dahil ngayon, kahit pa may mga naiinis pa rin sa kaniya, ang mahalaga, ang taong laging andyan para sa kaniya ay nanatili pa rin sa kaniyang tabi.
Simula noon, unti-unting nagbago ang binata. Naging mabait siya sa kaniyang mga tagahanga. Hindi para dumami ang mga ito, kundi para ipakita ang kaniyang tunay na pagkatao.
Kung minsan, dahil sa kasikatan, nakakalimutan nating itapak ang paa sa lupa. Ngunit laging tandaan, hindi laging sa’yo aayon ang tadhana. Maging mabait ka hangga’t sa’yo pa naka-pabor ang kapalaran.