Dalawang taon na ang nakalipas mula nang magtrabaho si Michelle bilang isang teacher sa college. Public ang pinapasukan niyang unibersidad. Magaling naman siya, walang kwestyon doon. Ang problema lang siguro ay mayroon siyang favoritism.
Ang pinapanigan niya lamang ay ang mga estudyanteng may utak. Iyong mga nangangailangan ng doble tutok ay hindi niya masyadong iniintindi. Sa katunayan ay mainit pa nga ang ulo niya sa mga ito. ‘Ika niya, wala siyang panahon sa mga bobo.
Hindi pa naman siya matanda pero parang ang bigat na ng tingin niya sa mundo.
“What is she doing here, don’t tell me nag-enroll siya ulit?” bulong niya sa kapwa guro habang naglalakad sila sa hallway papunta sa kani-kanilang classroom.
“Hindi mo alam? She’s attending one of your subjects.”
Tumirik ang mata ni Michelle. Ang tinutukoy nila ay ang estudyanteng si Sherra. Noong isang taon ay nabuntis ang dalaga kahit pa 1st year college pa lang. Bilib rin siya sa kapal ng mukha nito dahil pumapasok na malaki ang tiyan.
Isa nga siya sa mga hayagang magmasid rito mula ulo hanggang paa pero wala, talaga yatang sanay na sa kahihiyan ang estudyante. Tapos ngayong nanganak na ay papasok pa rin? Mabuti ba itong halimbawa sa iba?
Nakakadiri!
“Good morning Ms. Mitch,” nakatungong wika nito nang makasabay niya sa hallway.
Binilisan ng guro ang paglalakad, inismiran niya ito. “Kapag nauna akong pumasok sa classroom… considered na late ka na.”
Nagmamadali namang naglakad ang estudyante.
Kung tutuusin, magaling naman ito. Pero syempre ay hindi iyon tinitingnan ni Michelle. ‘Di niya nga ito pinapansin kapag nagtataas ng kamay. Lahat ng kakayahan nito ay burado na sa isip niya dahil ang nangingibabaw roon ay ang katotohanang disgrasyada ito!
Malandi, maagang nangati.
Lahat naman ay ginawa ng dalaga para kahit na paano ay mapalapit sa guro. ‘Di niya kasi lubos na maunawaan kung bakit sa iba ay maayos naman itong kausap pero kapag siya na ang magsasalita ay umaasim ang mukha ng babae.
“H-Hi Ma’am. May question lang po sana ako about sa report po kanina,” naglakas loob na wika ni Sherra nang mag uwian ang mga kaklase isang hapon.
Taas kilay namang tumingin si Michelle. Hindi nagsalita, hinintay lang na magtanong ang estudyante.
“Pasensya na po kayo. Kasi po ay hindi ko masyadong naunawaan iyong sa chapter-“
“Nevermind,” simpleng sagot niya.
“P-Po?”
“Sabi ko, nevermind. ‘Wag mo nang alalahanin. ‘Wag ka nang mag-try na mag aral dahil alam naman natin pareho na pakitang tao lang ‘yan. What are you trying to prove, anyway? Sa tingin mo ba may mararating ka pa sa buhay eh may anak ka na? Magpapabuntis ka ng maaga, lalandi ka agad tapos ngayon ay mag-iinarte ka dyan na kesyo nag-aaral kang mabuti?” dire-diretsong wika niya.
“Michelle!”
Nagulat na lamang siya nang marinig ang boses na iyon. Paglingon niya ay naroon na pala ang kanilang Dean. Si Mrs. Salazar, ito ang nagmimistulang punong guro. Head ng kanilang department.
Bumuntong hininga siya pero nanindigan pa rin.
“Hi Ma’am. I am really sorry kung napasigaw ako pero… pinagsasabihan ko lang ho itong estudyante ko. Ang dami ko po kasing ginagawa tapos magtatanong siya ng walang kwenta. Ang totoo naman niyan-“
“Alam mo nga ba ang totoo, Michelle?” tanong ni Mrs. Salazar.
Wow, umiiyak na si Sherra. Ang galing namang umarte nito para makakuha ng simpatya!
“Opo. Na kahit na disi-siyete anyos pa lang ang batang iyan ay nagpa-kama na sa boyfriend niya. Ganoon siya ka-landi. Kaya nga po siguro mainit ang ulo ko.”
Umiling-iling ang matanda.
“Alam mo ba, Michelle na galing sa probinsya ang batang ito? Ipinakiusap lang ng ina na ipasok sa atin kahit na apat na buwan na ang tiyan niya noon. Pero hindi siya disgrasyada. Napagsamantalahan siya ng mga kabataan sa kanila.
Sa kasamaang palad ang pananamantalang iyon ay nagbunga. Pero mabuti ang puso ni Sherra dahil hindi niya sinisi ang bata sa kabila ng lahat. Binuhay niya ito kahit na katakot-takot na panghuhusga ang inabot niya sa kapwa estudyante. Ang masakit pa, mas matindi pa ang dinaranas niya sa inyong mga guro.”
Parang sinampal si Michelle. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Nakanganga lang siya at ‘di makapagsalita. Sa sobrang kahihiyan ay mabilis siyang naglakad palabas.
Ni hindi na nga siya naka-attend ng klase kinabukasan. Nagpunta na lamang siya sa simbahan at taimtim na nagdasal, humingi ng tawad sa lahat ng kanyang kasalanan.
Nang mahimasmasan ay bumalik siya sa eskwela, kinausap ang dean. Sinabi niyang mauunawaan niya kung isu-suspinde siya nito dahil sa kanyang inasal.
“Hindi na. Nakiusap sa akin si Sherra na pabayaan kana lamang raw.”
Lalong naiyak ang guro, sa kabila ng mga sinabi niyang masasakit ay nagawa pa rin ng dalagita na unawain siya. Nagmamadali siyang nagpunta sa classroom, nag-excuse siya sa subject teacher na kasalukuyang nagtuturo at tinungo ang upuan ng nagulat na estudyante.
Niyakap niya ito ng pagka-higpit higpit.
“Patawarin mo sana si Ma’am, Sherra. Bilib ako sa tatag mo,” bulong niya rito.
Umiiyak naman itong tumango.
Mula noon ay naging mas magaling na guro na si Michelle. Malapit na rin siya sa kanyang mga estudyante, mahina man o magaling. Hindi na siya basta nanghuhusga dahil alam niya na bawat isa ay may pinagdadaanan sa buhay. Palagi niya na lamang pinipiling maging mabuti.