Inday TrendingInday Trending
Mahal Ko ang Biyuda

Mahal Ko ang Biyuda

Sinamyo ni Erin ang masarap na simoy ng hangin sa probinsya. Matagal-tagal na rin ang nakalipas mula nang umuwi siya rito. Iba pa rin talaga ang pakiramdam, palibhasa ay dito na siya lumaki.

Trenta anyos pa lamang siya pero isa nang biyuda. Apat na taon na ang nakalipas mula nang sumakabilang buhay ang kanyang mister dahil sa isang aksidente. Naiwan siyang luhaan… wasak ang puso. Inabala niya ang sarili sa pagtatrabaho bilang para hindi niya ito maalala.

Hindi niya alam kung anong himala ang nangyari at naisipan niyang umuwi ngayon. Pero hindi siya nagsisisi, ang gaan sa dibdib!

Isinara niya na ang bintana ng kotse tapos ay bumaba roon. Bitbit ang ilan sa kanyang mga materyales na ginagamit pang-painting.

“Tubig is water, ilog is river. Ang iwan ka ay never dahil I love you forever!”

Napasimangot siya nang marinig ang baritonong tinig na iyon. Walanghiya, narito pa rin pala ang mokong na ito?

“Martin,” nakasimangot na wika niya. Unti-unti niyang inilipat ang paningin sa kinatatayuan nito at nagulat siya.

Hindi niya naman inasahan ang makikita. Ang gwapo nito!

Hindi na ito ang payatot na kababata niya, hindi na ito mukhang lampa at isang ihip lang ng hangin ay liliparin na. Malapad na ang balikat ng binata, matangkad at may patubong bigote kaya lalo itong lalaking-lalaking tingnan.

“Kumusta kana, my ex-nililigawan?” tanong nito, may nakakalokong ngiti sa mga labi.

Bumuntong hininga si Erin. Sino nga ba naman ang makakalimot na noong kabataan nila, sa gabi ng JS Prom ay nagtapat ito ng pag-ibig sa kanya? Sa sobrang gulat ng bata niyang puso ay ‘di siya nakapagsalita. Sobra kasi ang kilig niya dahil matagal niya na itong iniibig.

Kaya lang, nang magsasalita na siya ay bigla naman nitong binawi iyon. Joke lang raw, hayop!

Mula noon ay ‘di niya na ito kinausap. Sakto naman na dinala na siya ng mga tiyahin sa Maynila dahil doon na siya magko-kolehiyo. Tapos wala na… wala na siyang balita rito. Maliban sa paminsan-minsang tsismis mula sa kanyang mommy na papalit-palit raw ng girlfriend ang binata.

“Okay lang. Maganda sana ang araw, kaya lang nasira noong makita kita.”

Lalong lumaki ang ngiti ni Martin, “Grabe ka naman! Ang tagal na noon ah? Naniwala ka talaga ano?” kantsaw pa nito.

Kaysa sumagot ay naglakad na lamang papasok sa bahay nila si Erin. Tinulungan naman siya ng lalaki na magbitbit ng mga gamit. Pinakialaman pa nga nito ang sketch pad niya at nahinto lang nang makita ang iginuhit niyang larawan ng kanyang yumaong mister.

Pilit na ngumiti si Martin. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit may munting kirot na dumaloy sa puso niya nang masulyapan ang larawan ng lalaki.

Lucky guy, sa isip-isip niya.

Sa totoo lang, isa na siyang engineer sa Manila. Napauwi lang siya ng ‘di oras dahil nabanggit ng Mama niya na uuwi raw si Erin. Ewan niya ba, napakarami na ng mga naging girlfriends niya pero nang marinig niya ang pangalan ng babae ay parang sinisilihan ang pwet na lumipad siya patungo sa probinsya.

Mabilis lumipas ang mga linggo, walang araw na hindi siya dumadalaw sa bahay ng babae. Palagi niya itong nadaratnan sa hardin, nagpipinta ng kapaligiran.

Aaminin niya, unti-unti ay nagigising ang damdamin na akala niya ay tuluyan nang nawala noon. Diyos ko, natulog lang pala!

Isang gabi ay sobrang saya niya dahil nayaya niya itong manood ng paglubog ng araw. Nag-picnic sila habang nakabukas ang likod ng kotse niya.

“Ang ganda,” wika ni Erin habang nakamasid sa mga bituin.

“Parang ikaw,” halos daing na lamang na lumabas iyon sa bibig ni Martin. Anak ng tokwa, nais niya sanang bawiin pero magsisinungaling naman siya kung sakali.

Bukod doon, tinititigan siya ngayon ni Erin. Magkahalong pagkagulat, pagkatuwa… at may isa pang damdamin sa mga mata nito na hindi niya matukoy ang nakikita niya ngayon.

Para siyang na-mahika, ‘di niya namamalayan na unti-unti ay inilalapit niya na pala ang labi rito. Akala niya ay magagalit ang babae… pero tumugon ito sa kanyang halik.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari, sumakay sila sa kotse at magkahawak kamay habang minaneho iyon ng binata pauwi. Dapat ay didiretso sila sa bahay ni Martin pero may tao.

“Sa amin nalang, kina tita matutulog si mama. W-Wala akong kasama,” namumula ang pisngi na sabi ni Erin.

Puno ng damdamin naman na sinulyapan ito ng binata. Diyos ko, ang lakas lakas ng tibok ng puso niya.

Pagbaba nila ng kotse ay hindi sila magkamayaw sa pagmamadali. Nalaglag pa nga ang susi ng bahay dahil kapwa sila sabik sa isa’t-isa. Nagkatawanan sila dahil nagkauntugan pa sila nang makapasok na sa loob. Matapos noon ay masuyong hinawakan ni Martin ang pisngi ni Erin.

“Ang ganda-ganda mo,” wika niya bago tuluyang inangkin ang labi ng babae.

Noong gabing iyon ay pinagsaluhan nila ang init sa malamig na gabi.

Nag-uumapaw ang damdamin ng binata.

Sandali nga lang siyang nakaidlip, nagising siya kaagad ng madaling araw dahil ‘di niya makapa si Erin sa kama. Yayakapin niya sana ito.

Aaminin niya na, na noong highschool ay hindi naman talaga ‘joke’ iyong pag-ibig niya. Na totoo iyon, nahiya lang siya at natakot sa reaksyon nito kaya niya binawi.

Na hinanap niya ito sa Manila… na sinisi niya ang sarili dahil nahuli siya ng dating-inabot pa kasi siya ng ilang taon bago magising sa katotohanan. Na lalapitan niya na sana ito kaya lang ay nauna ang isa pang lalaki sa kanya… na halos suntukin niya ang sarili nang malaman niyang naging nobyo nito ang lalaking iyon. Na iniyakan niya ang araw na ikasal ito at iniyakan niyang muli ang araw ng pagkawala ng asawa nito.

Hindi sa makasariling paraan, kundi dahil alam niyang nasasaktan si Erin. Kaya nasaktan rin siya. Na hindi alam ng puso niya, pero hinintay niya pala ito. All these years, kaya pala walang nagtatagal na babae… hinihintay niya pala ito.

Dahan-dahang bumangon si Martin. Isinuot niya ang boxer shorts at humakbang palabas ng kwarto.

Napangiti siya nang makitang nakatalikod ang babae. Tatawagin niya na sana ito pero napansin niyang yakap nito ang sketch pad.

Gumuhit ang sakit sa puso ni Martin.

Kasi sa sketch pad na iyon nakaguhit ang larawan ng yumaong asawa ng babae.

Gago, gago ka talaga! bulong ng utak niya. Sino ba siya sa akala niya para isiping mapapalitan niya ang mister nito?

Bago pa makahalata ang babae ay bumalik na siya sa kwarto. Nagtulug-tulugan siya. Nang maramdaman niyang humimbing na itong muli sa tabi niya ay tumayo siya, nagbihis at nilisan na ang lugar na iyon.

Kinabukasan ay abala sa pag eempake ang binata. Uuwi na siya sa Maynila. Habang nagtatagal siya rito sa probinsya ay lalo lang niyang palalalimin ang sugat niya sa puso. Ang hapdi na kasi talaga.

“Saan ka naman pupunta niyan?”

Napapitlag siya nang marinig ang boses. “Hi Erin, what’s up?” wala lang na wika niya. Sana ay hindi siya mukhang trying hard.

“Ang pangit mong um-acting,” komento nito.

Bumuntong hininga ang binata, “Look. I know it’s never going to work out. Wala akong laban sa asawa mo, siya lang ang nagmamay-ari ng puso mo. Kaya kahit na… kahit na masakit sa akin. Lalayo na lang ako,” diretsang wika niya tapos ay nagtuloy na sa pag-aayos ng gamit.

Hindi niya inasahan ang susunod na sasabihin ni Erin. Umubo pa ito bilang buwelo, “Tubig is water, ilog is river. Ang iwan ka ay never dahil I love you forever!”

Napalingon siyang muli, nakakunot ang noo.

Nagsalita si Erin pero sa panahong iyon ay naluluha na ang babae.

“Diba iyan ang mga linyang sinabi mo noon… nung JS prom natin? Alam mo, deep in my heart. Naniwala ako noon sayo. Sasagot na nga sana ako ng mahal rin kita kaya lang gaguhan lang pala.

Ngayon kaya, yung nangyari sa atin.. gaguhan pa rin ba? Kinausap ko nga si Ali kagabi, ang dati kong asawa. Niyakap ko ang picture niya, nagpaalam ako. Sabi ko, hindi mawawala ang lugar niya sa puso ko pero ‘di ko napigilang tumibok ulit ito eh. Kasi nandyan ka… nandyan ka na naman,” madamdaming wika ni Erin.

Nakanganga lang si Martin. Nang mahimasmasan ay dali-dali niyang hinakbang ang pagitan nila at siniil ng halik ang babae.

“Sana hindi na gaguhan-“

“Hindi na. Kailanman ay wala namang gaguhang nangyari dahil mahal na mahal rin kita. Noon pa,” maligayang sabi ni Martin sa pagitan ng mga halik.

Sabi nga nila, kapag naka-tadhana talaga ang dalawang tao, kahit na ilang taon pa ang lumipas at kahit ilang pagsubok pa ang magdaan ay matatagpuan pa rin nila ang isa’t-isa.

Advertisement