Malapit nang Ikasal ang Mag-Nobyo, Isang Nakakakilabot na Lihim ang Matutuklasan ng Babae sa Boyfriend Niya
Natakpan ni Meryl ang bibig nang lumuhod sa kanyang harapan ang nobyong si Josh, may hawak itong singsing sa loob ng isang pulang kahon. Singsing na ubod ng ganda.
“Be my wife,” madamdaming sabi nito.
Kinapa niya ang damdamin, dalawang buwan pa lamang silang magkasintahan. May lugar ito sa puso niya, lahat na nga yata ng hihilingin ng isang babae ay narito na. Mabait, gwapo, bonus pang mayaman.
Sa edad niyang 32, mamimili pa ba siya? Halos lahat ng kaibigan niya ay may asawa na. Sabi niya nga sa Diyos, bigyan lang siya ng nobyo ay talagang pakaiingatan niya. Hindi niya naman inakalang ganito ka-bilis.
“Baby?” ulit ng lalaki.
“S-Sandali lang, CR lang ako ha. Nabigla ako eh,” sabi niya bago daliang tumayo at dumiretso sa palikuran. Doon ay tinawagan niya ang nag-iisang kapatid, si Migo.
“Yes Ate?” tanong ng binata sa kabilang linya.
“M-Migs, Josh asked me to marry him. Oh my gosh, aatakihin yata ako!” konsulta niya rito. Ito na rin kasi ang bestfriend niya bilang hindi naman nagkakalayo ang kanilang edad, isang taon lang ang pagitan. Lalo pa silang naging close nang pumanaw ang mga magulang nila sa isang aksidente.
“Ikaw, ano ba ang nararamdaman mo? For me, wag muna sana. You don’t know him that well yet,” payo nito.
“Migo, 32 na ang ate mo. Kung hindi ngayon, kailan pa?”
“Kaya nga ikaw ang magdesisyon,” sabi ng binata. Bumuntong hininga siya at tinapos ang tawag. Makalipas ang ilang minuto ay binalikan niya na ang nobyong naghihintay, pinatayo ito dahil nakaluhod pa rin tapos ay niyakap.
“Yes, I will marry you!”
Hindi na nag-aksaya ng oras ang dalawa, pinlano agad nila ang kasal na napagkasunduan nilang ganapin sa isang buwan. Dahil nga mabilisan ang pag-aayos ay pumayag si Meryl na sumama sa probinsya nila Josh, naroon kasi ang mga magulang nito.
“Baby, sabay nalang kaming pupunta ni Migo. Pwede naman natin siyang isakay sa car mo diba?” tanong ni Meryl habang naglalagay sila ng mga maleta.
“Naku, pasensya kana. Ang dami kasi nating bitbit. Mapupuno ang kotse. Tsaka, gusto muna sana kitang ma-solo. Kasi alam mo na, pagdating natin doon ay busy na tayo sa pag-aasikaso ng kasal,”
Naunawaan naman ng babae ang nobyo, sinabihan niya nalang ang kapatid na sumunod sa kanila. Tutal ay sanay na rin namang mag-commute si Migo.
Madilim na nang makarating sila sa probinsya. Ubod ng giliw na sinalubong siya ng mga magulang ni Josh.
“Hija, sa wakas ay nakilala ka rin namin,” sabi ng nanay ng binata. Niyakap siya nito, habang kinamayan naman siya ng mapagbirong ama ni Josh.
“Wag na wag mong iiwan ang anak namin ha? Ikababaliw niya pag nangyari iyon,” siniko ng ginang ang may edad nang lalaki tapos ay naghagikgikan ang mga ito.
“Siya, bago kayo umuwi Myrna, tulungan nyo muna sina Ma’am nyo na iakyat ang mga maleta niya,” utos ng ginang sa mga kasambahay na nagbubulungan sa gilid. Nang tingnan nito ng masama ang dalawa ay agad tumalima ang mga katulong.
Nilapitan naman siya ng ina ni Josh at binulungan, “Wag kang nakikipag-usap sa mga iyan. Mahilig sa tsismis ang dalawang ‘yan eh. Kung madali nga lang sanang makahanap ng katulong ay pinatalsik ko na sila. Hayaan mo, hindi naman sila stay in. Umuuwi rin kung gabi,”
Naramdaman niyang humawak sa kanyang bewang si Josh, “Come on babe?”
Bago siya makasama rito ay nag-ring ang kanyang cellphone, si Migo.
“Migs?” sabi niya. Sinenyasan si Josh ng ‘sandali lang’.
“Ate, na-stranded ako rito sa terminal. Baka bukas na ako makarating dyan,” sabi ng binata sa kabilang linya, paputol-putol pa.
Nang silipin ni Meryl ang labas ay umuulan nga ng malakas! Naku, kawawa naman ang kapatid niya.
Mabilis lumipas ang isang oras, nakakain na sila ng hapunan at magkatabi na silang natutulog ni Josh.
Minasdan niya ang nobyo, mabait naman ito pero ewan niya ba. Minsan ay may kakaiba rito. Hindi niya matukoy kung ano, basta kinakabahan siya kapag nagkakatitigan sila ng matagal.
Ah, siguro ito ang tinatawag nilang wedding jitters. Iyon bang kakaibang damdamin kapag malapit nang ikasal. Nagising siya sa pagkakatulala nang may dumaang tila anino sa labas ng kwarto. Kita niya iyon dahil may gumalaw sa makintab na sahig, may siwang ang ibabang bahagi ng pinto.
Napakunot noo siya, dahan-dahan siyang tumayo at pinihit ang seradura.
“Tita?” mahinang tawag niya, baka kasi nanay ni Josh ang naroon pero wala.
Nang buksan niya ang pinto ay para siyang napako sa kinatatayuan, nasa harap niya ang isang babae.
Marumi ang puti nitong bestida, bagamat hindi niya kita ang mukha ay alam niyang umiiyak ang babae. Naririnig niya ang hikbi at yumuyugyog ang mga balikat nito.
Pero halos himatayin siya nang mapasulyap sa mga paa ng babae..nakalutang!
“Tulungan moko..” parang galing sa ilalim ng lupa na sabi nito.
“Babe!” mahigpit na hawak sa dalawang balikat ni Meryl ang nagpagising sa kanya. Nanigas na pala siya sa pagkakatayo, namalayan niya na lang ang sarili na nakakulong sa bisig ni Josh at umiiyak.
“M-May multo.. babe may multo!”
“Sshh, that was just a dream.Halika na,” sabi ng binata. Inakay siya nito sa kama at niyakap. Ilang sandali ang nakalipas ay hindi pa rin talaga siya makatulog. Natatakot pa rin siya.
Minabuti niyang kunin ang cellphone, makakatulong kung kakausapin niya si Migo. Gagaan ang loob niya, bukod doon, nais niya ring malaman ang sitwasyon ng binata.
“Ate? Don’t worry, nakasakay na rin ako sa wakas,” sabi nito sa kabilang linya.
“Migo, hindi ko alam kung naloloka na ba ako or I saw a ghost! I tried telling Josh about it, but he wouldn’t believe-” nagulat nalang si Meryl nang biglang hablutin ni Josh ang cellphone niya at ihagis iyon.
Nang lingunin niya ang nobyo ay nabigla siya sa anyo nito. Madilim ang awra ng lalaki, nanlilisik ang mata na nakatingin sa kanya.
“Sino ang kausap mo?”
“B-babe, si Migo..ikinuwento ko lang iyong tungkol sa-“
“Sinabi nang walang multo! Migo na naman! Siguro ay kabit mo iyan ano?!” sabi nito, hinaltak ang kanyang buhok.
Napangiwi sa sakit si Meryl.
“K-kapatid ko siya!” hindi makapaniwalang sagot niya rito.
“Eh ano naman?! Gustong-gusto mong isabay siya sa kotse, kahit ako na ang katabi mo ay siya pa rin ang iniisip mo! May relasyon kayo ng kapatid mo! Nagdadalihan kayong dalawa!”
Nandidiri si Meryl sa mga salitang namumutawi sa bibig ng nobyo, napakabastos nito!
“Akin ka lang naiintindihan mo?! Akin ka lang!” mas humigpit ang pagkakasabunot nito sa kanya, hindi niya na napigilan ang sarili. Sumigaw siya nang pagkalakas-lakas para humingi ng tulong sa mga magulang nito.
“Tita! Tito! Tulungan nyo po ako!”
Mabilis na lumapit ang dalawa pero hindi naman siya tinulungan. Hinimas lang ng ginang ang dalawa niyang pisngi habang tinapik ng ama ang balikat ng anak.
“Maaayos nyo rin yan,”
“T-tita sinasaktan niya po ako!” sabi niya, sabunot pa rin ni Josh ang kanyang buhok.
“Okay lang yan hija. Mahal ka ni Josh kaya ganyan siya,”
Sumagot naman ang binata, “Ma..ma may iba siya. Bakit ganoon silang lahat? Mahal ko naman sila ma, bakit nila ako iniiwan?!” hysterical na sabi nito, naglupasay sa sahig na parang bata.
Sinuntok nito ang sarili at nandidilat ang mata, sa sobrang sindak ni Meryl ay tumayo siya sa kama at akmang tatakbo pero mabilis ang ama ni Josh.
“Saan ka pupunta? Kung hindi mo mamahalin ang anak namin, walang aalis,” sabi ng matanda.
Tumayo si Josh, bigla itong tumawa.
“Ikakasal tayo ha? Be my bride ha? Diba? ganito o,” sabi nito. Tapos ay kumanta ng martsang pang-kasal habang umakto na parang naglalakad sa altar.
“Tantantanan..tantantanan..”
“Baliw!” sigaw ni Meryl. Tumalim ang mata ng binata, bago pa siya makabawi ay nasuntok na siya nito. Unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.
Pagdilat ni Meryl ay ubod ng dilim ng paligid. Hindi niya sigurado kung nasaan siya, tingin niya ay nasa basement.
Paglingon niya nakagat niya ang pang ibabang lagi nang makita kung ano ang nasa tabi niya.
Kalansay!
May damit pa ito at halatang pinabayaan na lamang na mabulok roon. Napaiyak siya nang maisip na maaaring ganito rin ang sapitin niya.
Sa kabilang gilid niya ay may mga abandonadong gamit sa isang kahon, nang buklatin niya ay mga lumang photo album. Si Josh at isang babae.
Hindi ba ito ang babaeng nagmumulto kagabi? Maaaring binibigyan siya nito ng babala!
Napahalukipkip siya dahil narinig niyang may bumababa, si Josh. May dala itong baseball bat at malaki ang ngiti.
“Alam mo, para ka ring si Alyssa. Minahal ko naman pero lingon nang lingon sa iba. Sabi niya, daddy niya raw ang maghahatid sa kanya sa altar. Syempre nagselos ako! Eh ano naman kung daddy niya? Baka kamo may relasyon sila!
Parang kayo ni Migo! Kaya kung hindi ka mapapasakin, walang liligaya Meryl. Mamatay nalang kayong lahat,” nanginginig na sabi ng binata.
Pumikit si Meryl at handa nang tanggapin ang kanyang kapalaran. Sana, nakinig siya kay Migo. Hindi niya pa nga lubos na kilala si Josh.
Ilang segundo ang lumipas ay may narinig siyang malalakas na putok ng baril. Nang idilat niya ang mga mata ay nakatumba na si Josh, sa likod ng binata ay ang kapatid niya at mga pulis.
Napatakbo siya payakap kay Migo.
“T-Thank you..dapat nakinig ako.” paulit-ulit na sabi niya.
“Ang mahalaga ay okay ka ate,” sabi naman ng binata.
Lingid sa kaalaman niya, may diperensya talaga sa pag-iisip si Josh. Kaya nga ito lumuwas ng Maynila ay dahil mainit na ito sa probinsya.
Minsan itong naging nobyo ng dalagang si Alyssa, masaya sana ang dalawa at ikakasal na nang bigla na lamang naglaho ang babae. Dahil mayaman ang pamilya ni Josh ay nagawa nilang palabasin na sumama ito sa iba at nagpakalayu-layo.
Pero ang totoo, ikinulong ito sa basement at doon na rin binawian ng buhay.
Nakakatakot man ang naranasan ay malaki pa rin ang pasasalamat ni Meryl sa Diyos na hindi siya pinabayaan. Nang ibalibag pala ni Josh ang cellphone niya noong gabing iyon ay hindi naputol ang tawag kaya narinig ni Migo lahat. Nakatawag ng pulis ang lalaki.
Isang mahalagang aral ang natutunan niya, hindi hinahanap at minamadali ang pag-ibig dahil kusa itong dumarating. Kapag pinangunahan natin ang plano ng Diyos, maaaring malagay lamang tayo sa tiyak na sakit ng puso..at kapahamakan.